Ang Bagong Royal Audiencia (Editorial Writing)

623 3 0
                                    

Ang Bagong Royal Audiencia (Editorial Writing)

"We spill secrets, not identities." Iyan ang katagang ipinaskil ng mga nagpapatakbo ng isa sa pinakasikat na Facebook page sa mga escolarino ngayon, ang CEU Malolos Secret Files—ang bagong Royal Audiencia.

Ang pahinang ito sa Facebook ay naglalayong ipaskil ang mga gustong iparating ng mga mag-aaral sa Centro Escolar University, nasa kolehiyo man o sekundarya nang hindi nalalaman ang kanilang pagkakakilanlan. Karaniwang ipinapadala rito ay mga mensahe patungkol sa isang tao na kanilang hinahangaan. Paminsan-minsan pa nga'y ipinapa-paskil pa nila ang patagong kuha sa mga estudyanteng nagugustuhan nila upang malaman ang mga pangalan nito. Minsan nama'y ito rin ang nagiging daan upang ipaalam sa iba na mayroong silang nawawalang gamit at nagbabakasakaling may makakita rito. Ngunit ang ibang mga confession ay kontrobersiyal sapagkat mayroong mga estudyante na ipinapaabot sa secret files ang kanilang mga hinaing sa eskwelahan kaya naman ang simpleng page na dapat sana'y makapagpasaya at makatulong sa iba ay nagiging sanhi ng mas malaking gusot sa ating eskwelahan. Tunay nga na ito ang bagong Royal Audiencia ng CEU Malolos sapagkat halos lahat ng reklamo ay dito nila idinadaan at hindi sa mga nasa kinauukulan. Hinahayaan nila na maging tagapaglitis ng kanilang mga problema ang mga taong nagbabasa. Oo't naibulalas nila ang kanilang mga gustong sabihin, ngunit ang tanong: Naaayos kaya nito ang problema? Sa ngayon ay mayroong itong 19, 285 likes at kung titingnan ay hindi lamang mga Escolarian ang nakakakita ng mga confession kung hindi na rin pati mga taong nasa labas ng ating paaralan. Gaano ba kahirap ang kumatok sa opisina ng mga opisyal ng eskwelahan? Mahirap ba talaga itong idaan sa matinong usapan?

Karapatan natin ang malayang pagsasalita ngunit ito ang aking huling tanong: Kalayaan bang maituturing kung mismong pagkakakilanlan mo ay iyong itatago upang maibulalas lamang ang iyong reklamo sa bagong Royal Audiencia nang walang natatanggap na kahit anong solusyon? Hindi ba't mas maituturing mo itong kalayaan kung masasabi mo ang iyong hinaing sa tamang mga tao upang mas mabigyan itong atensyon at aksyon? 

Feature ArticlesWhere stories live. Discover now