Silbi ng Aking Katahimikan

2.1K 12 1
                                    


Silbi ng Aking Katahimikan

Minsan ng sa akin ay nagtanong. "Bakit ka tahimik?" Nang hindi ako umutal ng kahit isang salita, "Bakit ayaw mong sumagot?" Kaya sumegundo ito. "Hoy. Magsalita ka nga." Sa pagkakataong ito, inuutusan na n'ya ako. "Hindi ka ba nakapagsasalita?" Hindi ako umiling o tumango. Tumungo lamang ako, tanda na ayaw kong sagutin ang kan'yang katanungan. "Pipi ka ano?" Wala pa rin silang nakuhang sagot. "Pipi nga siguro!" Sinubukan kong magsalita pero hindi ko nagawa. Tanging isang ungol lamang ang aking nagawa na para sa kanila ay isang uri ng komedya at katatawanan. "Pipi! Ipaputol mo na nga ang dila mo! Wala namang silbi 'yan, e!" Oo. Isa akong pipi at para sa mga taong nasa paligid ko, wala akong silbi.

Ano nga ba naman ang kakayahan ko? Ni makipag-usap sa isang paslit o 'di-kaya naman ay ang makipagtalastasan o makipag-debate ay hindi ko magawa. Ang bumili ng kendi o sangkap sa pagluto ay akin pang pinaghihirapan sapagkat ganoon na lamang kalabo ang komunikasyon ko sa halos lahat ng aking makakasalamuha. May ilang nagtitiis na ako ay intindihin ngunit ang iba ay agad na napuputol ang pisi. Sino nga ba naman ako upang pagsayangan nila ng oras para maintindihan? Isa lamang akong taong may kapansanan. Kung sabagay, napakaraming mas importanteng bagay ang dapat nilang pagtuunan ng pansin.

Mas mabuti sana kung hindi na lamang nila ako bigyan ng atensyon. Ngunit bakit kasabay nito ay ang panglilibak nila sa akin? Rinig na rinig ko ang matatalas nilang salita na dumadalikdik, hindi lamang sa kaloob-looban ng aking kalamnan kundi na rin sa kaibuturan ng aking pagkatao at kaluluwa. Pipi ako ngunit hindi ako bingi upang hindi marinig ang mapanglait nilang mga salita, hindi rin ako bulag na hindi nakikita ang mga pang-aaping kanilang ginagawa sa akin at hindi rin ako manhid upang hindi maramdaman ang sakit na ipinaparamdam nila sa akin. Daig ko pa ang dilang tinutukan ng isang kutsilyong sa sobrang pagkahasa ay masasalamin ang tunay na pagkatao ng ninuman. Hindi ako makapagsalita at takot rin akong lumaban dahil wala na nga akong boses, nawawalan pa ako nang tiwala sa aking sarili.

Dapat ko pa bang ipagpatuloy ang aking araw-araw na laban? O walang imik na itaas ang sariling mga kamay at iutal sa sariling isip na, sumusuko na ako. Ano ba talaga ang dapat kong gawin kung tila halos buong mundo ay tinatalikuran ako? Sa bawat luhang tumutulo sa aking mata, sa bawat hikbing hindi naririnig, sa bawat ungol na simbolo ng aking mga paghihirap at katahimikang punong-puno ng lungkot ay aking itinatago ang lahat nang poot. Lahat ay gusto kong isigaw ngunit hindi ko kaya kaya huwag na lamang.

Feature ArticlesWhere stories live. Discover now