Patawad, Mga Martyr

761 2 0
                                    

Patawad, mga Martyr

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa,

Akin na itong didiretushin,
Patawad sa mga minamahal kong Martyr.
Patawad dahil nawalan kayo ng hustisya,
Sapagkat sa Libingan ng mga Bayani siya'y nailagak na.

 Ako na ang humihingi ng pasensya
Sa aking kapwa Pilipinong naloko at nabola
Sila'y nagoyo ng troll pages sa social media.
Nandirito't-nandiriyan, nagkakalat ng kabulastugan,
Pagkalat ng maling impormasyon, hindi na matugunan.

Sabi nila, kaya kayo na-tortyur dahil sa kawalan ng disiplina,
E ano ang tawag nila sa martyr na si Liliosa?
Isang matalinong estudyante sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
Dinakip, pinahirapan, pinatay at minolestiya,
Dahil lamang sa pagsulat ng artikulo ukol sa lumalalang problema.


Si Boyet Mijares, isang dise-sais anyos na binata,
Na sa isang tawag ay umasa, na buhay kan'yang ama.
Bagkus, 'yun pala ay ang katapusan niya.
Katawang walang mata, Putol na ari, wasak na bungo,
Nilamog na bangkay na punong-puno ng bugbog.
Ngayo'y makikita sa Facebook at iba pang social media,
"Ang mga namatay noon ay pawang komunista!"

Ngunit hindi nila alam na ang mga Martyr ay mga biktima!

Biktima ng ganid at  kasaamang natapos lamang sa EDSA.

Ngayong ika'y namulat na,
Kasalanan na ang pagpikit ng iyong mga mata.

Huwag mong isarado ang iyong isip sa katotohanan.
Sapagkat ito'y isang malaking kabastusan
Sa mga taong namatay upang ibigay ang iyong tinatamasang kalayaan.

Murahin mo man ako, sabihan na bayaran.
Ibato mo na rin sa akin ang salitang 'Dilawan.'
Pasensya na ngunit nasa panig lamang ng katotohanan.
Mas naniniwala ako sa boses ng biktima,
Kaysa sa pamilya ng yumaong diktador at pasista.

Kaya sa mga minamahal kong Martyr,
Pasensya na kung hindi sa inyo umayon ang pagkakataon.
Kami'y kumikilos na ngayon.
Rally dito, rally doon. Hindi man kami nabuhay noon,
Ngunit sa inyo'y patuloy pumapanig, amin kayong ipagtatanggol.

Patawad mga minamahal kong Martyr.
Kung hindi pa ninyo nakukuha ang hustisya.
Nandirito kami't naniniwala sa inyo.
Kaming mga mulat sa katotohanan,
At handang lumaban para sa inyong tunay na bayani ng bayan

Feature ArticlesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon