Bayani ng Aking Buhay

4.5K 18 2
                                    

Bayani ng Aking Buhay

Totoo nga kaya ang Love at First Sight? Totoo nga kayang makararamdam ka na ng pagmamahal sa isang tao sa ilang Segundong pagtama ng mata mo sa kanyang katauhan? Mararamdaman mo kaya ito? Totoo nga kaya? Para sa akin, totoo at ako ang magpapatunay noon dahil may dalawang tao na simula ng datnan ako ng liwanag ay naramdaman na agad ang pagmamahal sa akin. Sino sila? Sila ang aking tanging kayamanan, ang dalawang pinakamahalagang tao sa aking buhay. Ang aking mga bayani. Si Ama at ina—ang aking mga magulang.

Ang mga magulang ang mga taong sadyang hindi tayo iiwanan sa hirap at ginhawa. Mula sa iyong unang paglalakad, sila na ang nakaalalay at sila ang tanging sasakap sa iyo tuwing ikaw ay madadapa. Sila ang mga indibidwal na tanging nagtitiis na ipagtimpla ka ng gatas at ihele sa tuwing ikaw ay umiiyak sa gitna ng hatinggabi ng ika'y maliit na sanggol pa lamang. Si ina at ama ang una mong nakalaro, nakausap at nagturo ng unang salitang iyong inutas. Si ina na tuwing gabi ay nagbabasa ng istorya hanggang sa ikaw ay makatulog sa napakalambing na boses. Si ama na palagi kang binababa sa kan'yang likuran upang maramdaman mo ang saya na iyong kagustuhan. Silang naghihirap kumayod upang mabigyan ka lamang ng iyong mga pangangailangan.

Sila ang nakakikilala sa 'yo ng lubos. Natutuwa sila sa tuwing masaya ka at alam nila sa tuwing malungkot ka. Sila ang iyong sandigan sa mga pagsubok ng buhay. Sila ang mga taong hindi ka iiwanan at patuloy kang tutulungan upang makamit ang iyong mga pangarap. Sa iyong paglaki, sila'y nagagalak sapagkat nakikita ka nilang umusbong na parang isang rosas na unti-unting namumulaklak. Sa pagpasok mo sa pagbibinata o pagdadalaga, mas lalo ka nilang pinag-iingatan at pinahahalagahan upang hindi ka mapariwara ng daan. Gaano ka man magpumiglas, hindi nila hahayaan na maligaw ka ng landas. Kahit na ilang beses ka ng nabibingi sa kanilang mga pangaral, hindi sila tumitigil sa pag-asang tatatak sa iyong isipan ang mga payo nila para sa iyong ikabubuti.

"Mag-aral ka.", "Huwag masyadong babarkada.", "Huwag munang pumasok sa isang relasyon." Ang ilan lamang sa malimit nilang sabihin. Para sa atin, napaka-strikto nilang masyado. Para kang nakakulong sa hawla. Ni hindi ka makalipad ng malaya. Ngunit bakit nga ba naman hahayaang ng inang ibon na tuklasin ng kanyang anak na pipit ang buong kalawakan kung hindi pa ganoon katatag ang pakpak nito? Sino ba namang magulang ang kagustuhang masaktan ang anak? Wala naman 'di ba? Kaya dapat, sa tuwing sila'y may sinasabi, atin silang piliting pakinggan kahit labag sa ating loob. Kung para sa atin, minsan ay nagkakamali na sila sa pagpapaalala, ating isipin na tao rin sila at hindi perpekto ngunit pinipilit nilang hindi magkamali upang hindi mabigo ang kanilang mga anak dahil ang kabiguan ng supling ay kabiguan din ng sariling magulang.

Habang maaga, atin ng pahalagahan ang bayani ng ating buhay sapagkat ang kanilang mga sinasabi sa atin ay ating babaunin sa ating buong buhay. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay nand'yan sila. Hindi sa lahat ng pagkakataon, may kamay na aabot sa 'yo sa tuwing madadapa ka. Matuto kang tumayo sa sarili mong paa upang matuto sa bawat pagsubok ng buhay. Dahil para lamang tayong nakasakay sa isang bisekleta. Sa una, kailangan may taong laging nakabantay sa ating bawat pagtipa ngunit sa paglipas ng araw, buwan at taon, dapat ay atin na itong matutunan at magkakaroon ng direksyon ang bawat pagtipa natin sa ating buhay. 


Feature ArticlesWhere stories live. Discover now