Hashtag Aldub

1.2K 2 0
                                    

Hashtag AlDub

Isa ka ba sa milyun-milyong tao na kinikilig sa tuwing sila'y makikita sa inyong mga tv screens? Naiinis ka rin ba sa tuwing hinahadlangan ni Lola Nidora ang kanilang pagkikita gamit ang kan'yang mga sa tinatawag na kondisyones? Kasali ka ba sa mahigit 20 Milyong netizens na walang sawang nagpapa-trending sa kanila araw-araw? Marami na ang sa kanila ay humanga. Ikaw? Isa ka na rin bang certified Aldub fan at miyembro na rin ng mas lumalaking populasyon ng Aldubnation?

Nagsimula ang kanilang makulay na love story sa aksidenteng sabay na pagkuha sa kanila ng camera. Nang mga oras na iyon, nakita ng buong sambayanan na nakatutok sa noontime show na Eat Bulaga ang kanilang chemistry na hindi nakakasawang panoorin kaya naman nabuo ang isang segment na tinatawag ngayong "Kalye Serye". Pinangunguhan ito ni Maine Mendoza na mas kilala sa tawag na Yaya Dub at ng kan'ya namang ka-loveteam na si Alden Richards. Ang isa pang kumukumpleto sa palabas ay si Lola Nidora na ginaganapan ng komedyanteng si Wally Bayola kasama ang kapwa n'ya mga artistang sina Wally Bayola na gumaganap bilang Tinidora at si Paolo Ballesteros na gumaganap bilang Tidora. Walang sawang tinututukan ang kanilang napakagandang istorya. Magmula sa pagpapalitan ng matatamis na mga mensahe gamit ang isang marker at bond paper hanggang sa kanilang pag-du-dubsmash ng iba't-ibang kanta at ang walang sawang pagpa-pabebe wave, nahuhumaling, hindi lamang ang mga bata kundi pati na rin ang mga matatanda.

Tuwing sasapit ang tanghali, nakaupo na sa kan'yang mga upuan ang mga tao upang panoorin ang kapana-panabik na mga pangyayari sa kanilang love story. Dahil na rin sa sobrang kasikatan ng dalawa, maraming naglipanang FB Groups at Pages, Twitter, Instagram at Tumblr fan accounts ang nagsilabasan upang suportahan ang kanilang paboritong loveteam. Kaya naman naging resulta ito ng araw-araw nilang pagpapasabog ng Tweets sa Twitter na nagsimula sa anim na milyon, hanggang sa naging sampung milyon, tumaas pa sa labing-apat na milyon hanggang sa umabot ng bente milyong tweets. Hindi lamang sa Pilipinas umabot ang Aldub fever kundi pati na rin sa iba't-ibang parte ng mundo.

Ngayon ay nagkakaroon na din ng iba't-ibang mallshows si Maine Mendoza partikular na si Alden upang mas makasama at maka-bonding pa ang kanilang fans. Hindi na rin mabilang ang interviews na kanilang sinalangan pati na ang mga guestings sa iba't-ibang shows na sakop ng GMA. Pati mga manunulat ng kanta at mga pintor ay labis ring humanga sa dalawa kaya naman gumawa sila ng iba't-ibang musika na may kaugnayan sa Aldub na pinaniniwalaan ng nakararaming mas lalong makapag-aangat sa kalidad ng OPM. Daan rin ito upang mas makilala pa ang mga taong may talento sa pagguhit dahil doon ay maaari nilang ibandera ang kanilang abilidad sa pagguhit ng mukha ng Aldub gamit ang lapis, pintura o kung ano man ang kanilang sandatang nakapag-guguhit.

Para rin sa iba, ang Aldub ay may mabuting impluwensya sa kasalukuyang henerasyon. Binubuhay nila ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng segment na ito katulad na lamang ng pagsunod sa mga bilin ng sariling pamiya at hindi nito pagpapalit para lamang sa minamahal. Ang sabi pa ng ilan, ang ipinapakita ni Maine Mendoza sa Kalye Serye ay ang pagiging Maria Clara sa ating panahon ngayon. Bakit? Makikita ito sa uri ng kan'yang pananamit kung saan hindi siya nagpapakita ng gaanong balat pati na ang hindi nito masyadong pagmamadali na mahawakan at mahagkan ang kan'yang mahal. Ipinapakita rin nila na ang tunay na pagmamahal ay nasusukat sa kung gaano kayang maghintay ng isang tao para sa kan'yang sinisinta. Na ang tunay na pagmamahal pala ay nakapaghihintay at mayroon talagang tamang panahon na kahit hindi n'yo nakikita at nahahawakan sa personal ang taong inyong natitipuhan, kung totoo ang iyong nararamdaman, tatagal at tatagal kayo at hindi Malabo na maabot ang inyong minimithing forever.

Hay! Tunay nga na napakagandang panoorin ng Aldub. Maganda na ang impluwensya, nakakakilig pa! Kaya ikaw, huwag ka nang magpahuli pa. Hindi pa naman huli ang lahat upang tumutok sa segment ng Eat Bulaga na Kalye Serye! Kaya kung ako sa 'yo, bubuksan ko na ang aking telibisyon at papanoorin ang kwento ni Yaya Dub at Alden na punong-puno ng pagmamahal. Huwag nang magpatumpik-tumpik pa, maki-hashtag, Aldub na! 

Feature ArticlesOù les histoires vivent. Découvrez maintenant