"LIGAW"

360 9 0
                                    


KAKILIG TO PROMISE😍🙀❤️BASAHIN|"Naku, Teresa, nand'yan na naman 'yung manliligaw mo. Ano bang ipinakain mo d'yan at linggo-linggo na lang kung pumunta dito?" bulong ni Mama habang may inginunguso sa kung saan.Mabilis kong tinapunan ng tingin ang tinutukoy ni Mama at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang pinakahuwarang manliligaw sa modernong panahon, si Damian. Sa lugar namin kung saan magkakadikit ang mga bahay at makipot ang daanan, wala yatang hindi nakakikilala sa masugid kong manliligaw. Sa tatlong taon ba naman niyang pagpapalipad-hangin sa'kin, pagkuntsaba sa kung sino-sino at paggawa ng kung ano-ano para magpapansin, sino pang makalilimot sa kaniya?Si Damian, mabait, matalino, masipag at magaling kumanta. Graduate siya ng kolehiyo at empleyado na sa isang kompanya habang ako'y hayskul lang ang natapos at umaasa pa sa mga magulang.Madalas siya sa'min kahit hindi ko alam kung ano ang ipinaglalaban ng pagdalaw niya. Katulad ngayon, nand'yan na naman siya. Suot ang paborito niyang itim na statement shirt at leather jacket kahit sobrang init. May hawak siyang gitara sa kaliwang kamay at ngiting-ngiti na para bang nanalo sa lotto kahit hindi naman siya tumataya.Lumunok ako nang ilang ulit bago mabilis na kumilos papunta sa banyo."Ma, 'pag hinanap ako ni Damian, pakisabi wala, umalis, naglayas!""Gagawin mo na naman akong sinungaling na bata ka!," sagot ni Mama sa akin.Bumuntong-hininga ako at nagpunas ng pawis sa noo. Ni hindi na ako nag-abalang buksan ang ilaw sa banyo dahil baka mahalata pa ni Damian na nagtatago na naman ako.Sa tatlong taon niyang panliligaw, wala akong ibang ginawa kundi tapatin siya. Palagi kong sinasabing hindi ako ang para sa kaniya, na tigilan na niya 'ko, pero heto't tuloy-tuloy pa rin siya. Ayoko siyang paasahin dahil alam kong wala akong nararamdaman para sa kaniya. Pero wala yata sa bokabularyo ni Damian ang 'pagsuko'.Muli akong huminga nang malalim. Tahimik na pinagmasdan ang banyo naming bukod sa maliit ay mapanghi rin. Tinakpan ko na lang ang ilong ko saka sumilip sa maliit na butas sa gilid ng pinto para makita ang nangyayari sa labas."Umalis na kaya 'yon?" bulong ko. "Dapat pala'y sinabihan ko si Mama na katukin ang pinto kapag wala na si Damian,"Maya-maya pa ay naulinigan ko na lang ang matinis na boses ng nanay ko."Si Teresa? Naku, nasa banyo, hayaan mo't palabas na 'yon! Excited nga 'yong makita ka, Damian! Dito ka na sa harap ng banyo para ikaw agad ang bubungad sa kanya."Napasabunot ako sa kulot kong buhok nang marinig ko ang sinabi ni Mama. Pinaypayan ko ang mukha ko at pinigilang sumigaw sa inis."Talaga po? First time po yatang na-excite si Tere na makita ako. Nakakatuwa naman," ani Damian na tingin ko'y nakangisi habang sinasabi yun."Naku, nagpapakipot lang 'yon! Sige na't magtitiklop pa 'ko ng damit sa taas. Hintayin mo siya d'yan. Sa labas kayo mag-usap, ha? Do'n sa makikita ng mga kapitbahay. 'Wag sa tagong lugar at baka kung ano pang magawa n'yo. Twenty-six na si Teresa pero isip-bata pa 'yon, ikaw naman ay... ilang taon ka nga ulit? Parang uhugin ka pa nung nagsimula kang manligaw sa anak ko, e. Ngayon, tingnan mo nga naman, uhugin ka pa rin."Tinakpan ko ng palad ang bibig ko para pigilan ang paghalakhak. Si Mama talaga!"Hindi na naman po ako uhugin, twenty-six na rin po ako. Pero salamat po sa mga payo, Tita.""O siya, sige na, aakyat na 'ko. Teresa, harapin mo na 'tong bisita mo!" sigaw ni Mama habang kinakatok ang pinto ng banyo.Napakamot ako sa batok at napailing. Akmang bubuksan ko na ang pinto nang bigla kong marinig ang boses ni Damian, dahilan para matigilan ako."Teresa, ano, 'di ba sabi mo noon na ayaw mo 'kong makitang kumanta? Pero may bago kasi akong kantang nabuo para sa'yo. Kaya kakantahan kita habang nand'yan ka sa loob ng banyo. Hindi mo ako makikitang kumakanta pero maririnig mo 'ko," ani Damian sa malambing niyang boses.Gusto kong magsalita pero parang may nakabara sa lalamunan ko. Kailan ko sinabing ayaw ko siyang makitang kumanta? Hindi ko yata matandaan. Sabagay, may mga bagay akong sinasabi sa kaniya na hindi ko naman talaga gustong sabihin kaya tuloy hirap na akong alalahanin.Narinig ko nang umalingawngaw ang tunog ng gitara ni Damian. Napakagat ako sa labi nang magsimula na siyang kumanta. Malinaw ang pagkakakanta niya kaya agad kong narinig ang mga katagang, "Teresa, mahal kitang talaga."Parang kumalabog ang aking dibdib. Tumingala ako at nagmamadaling binuksan ang pinto ng banyo. Tumambad sa'kin ang nakapikit na si Damian habang patuloy sa pagtugtog at pagkanta. Hindi niya agad napansin na nakalabas na ako at nanonood sa kaniya."Damian," bulong ko habang tinitingnan siya.Hindi siya gwapong-gwapo pero may itsura siya. Palaging magulo ang buhok niyang bumabagay sa hulma ng kanyang mukha. Matangkad din siya at kapag magkatabi kami ay hanggang balikat lang ako. Dito sa lugar namin, marami-raming kababaihan ang nagkakagusto sa kaniya.Napaigtad ako nang dumilat na siya, ibinaba ang gitara at lumapit sa'kin. Bahagya akong humakbang palayo sa kanya. Natigilan siya sa ginawa ko pero pinilit niyang ngumiti nang malapad."Teresa, kamusta? Ano'ng masasabi mo sa nabuo kong kanta? Maganda ba? Nahirapan ako sa paglalapat ng musika pero sa t'wing naiisip kong para sa'yo 'yon, parang--""Damian, please," pagputol ko sa kaniya. "Alam mo naman, 'di ba? Hindi... hindi kita..."Umiling siya."Kung ano man 'yang sasabihin mo, 'wag mo nang ituloy. Hindi ako matitinag. Maghihintay ako," ang sabi ni Damian sabay hatak sa akin sa paupo sa upuang kawayan. Sinimulan na niya akong kwentuhan.'Yung trabaho niya, mga kaopisina niya, 'yung aso niyang si Tessa na kung hindi ko pa nahalata ay ipinangalan niya sa'kin. Lahat 'yon ikinukwento niya.Nagpatuloy siya sa panliligaw sa'kin. Tuwing Linggo siya nagpupunta. Ni minsan hindi siya pumalya sa pagbisita. Kung ano-ano ring gimik ang baon niya tulad nang dati. Nariyang sayawan n'ya ako, tulaan, kantahan at gawan ng portrait. Biro nga ni Mama, kulang na lang daw ay kumain siya ng buhay na manok, magbuga ng apoy o tumulay sa alambre para lang pasayahin ako."Gusto mo bang ibili kita ng cellphone para magkapag-text-an tayo?" tanong niya sa akin ni Damian."Damian, 'di ba sabi ko naman sa'yo--""Oo, alam kong ayaw mong tumanggap ng kahit ano galing sa'kin. Kahit nga tinapay na dinadala ko dito, hindi mo kinakain. Pero sige na please, na-mimiss kasi kita palagi. Tuwing Linggo lang kasi ako nakakabisita," paliwanag ni Damian.Tumahimik ako bago umayos ng upo."Ayoko. Hindi ko naman kailangan ng cellphone. Kung may gusto kang sabihin, pwedeng kay Mama mona lang i-text at siya na lang ang magsasabi sa'kin."Pinaglaruan niya ang daliri niya bago sumagot,"Paano kung mga private message ang sasabihin ko? 'Miss na kita','mahal kita', 'sagutin mo na 'ko', mga ganun. Nakakahiya naman kung padadaanin ko pa kay Tita," nakangiting sabi ni Damian.Napakamot ako sa ulo."Hindi ko alam kung saan mo nakukuha 'yang tiyaga mo, Dam. Pwede naman kasi tayong magkaibigan na lang para mas masaya,""Grabe naman Tere, three years tapos friendzone pa ang bagsak ko?" napahawak siya sa dibdib niya at umiling-iling.Hinampas ko siya sa braso nang pabiro."Three years na nga, sawa-sawa! Saka magkaibigan naman talaga tayo nung hayskul, bakit ba kasi biglang gan'yan, ang ganda ko naman yata.""Love is blind nga, 'di ba?" Tumawa siya at ginulo ang buhok ko."Loko! Pero seryoso, Dam, pwede bang tama na?" Lumunok ako at pinakiramdaman ang mabilis na pintig ng puso ko.Ilang ulit siyang kumurap bago humawak sa batok. "Wala..." Tumikhim siya. "Wala pa rin ba? Wala ba talaga? Baka kasi... baka kailangan mo lang na mas makilala pa 'ko. Alam ko namang magbarkada tayo nung hayskul pero baka pinagdududahan mo pa rin 'yung intensyon ko. Hindi naman kita minamadali, kaya kong maghintay."Ngumiti siya at parang may tumusok na kung ano sa kaloob-looban ko habang tinitingnan siya. Naaawa ako sa kaniya. Mabuti siyang tao pero hindi ko masuklian ang pagmamahal niya."Tatlong taon, Damian. Hindi ka ba napapagod? Nagsasawa? Wala kang aasahan sa'kin, Dam.""Ilang beses mo nang sinabi 'yan pero sumuko ba 'ko? Hindi, 'di ba? Kung kaya ko lang sanang tumigil, ginawa ko na. Kaso hindi talaga, bumabalik at bumabalik pa rin ako sa'yo." Binasa niya ang labi niya at mariin akong tinitigan gamit ang malamlam niyang mga mata."Hinding-hindi ako magsasawa. Pangako, " aniya.Pero mukhang hindi rin niya napangatawanan ang pangako niya dahil matapos ang araw na sabihin niya 'yon ay naglaho na siyang parang bula.Ilang linggo ang mabilis na dumaan, hanggang umabot sa isang buwan, dalawang buwan, dalawang buwan at kalahati. Ang dating masugid kong manliligaw ay nawala at hindi na nagparamdam. Walang nakakaalam kung bakit o kung ano'ng nangyari. Kahit si Papa at ilang kapitbahay namin ay nagtanong kung nasa'n si Damian pero tanging kibit-balikat lang ang naisagot ko.Masaya ako dahil sa tingin ko'y natauhan na siya. Masaya ako... masaya talaga."Teresa, gabi na! Pumasok ka na't isarado na 'yang gate!" sigaw ni Mama habang abala ako sa pagmumuni-muni sa labas, isang Linggo ng gabi.Simula nang tumigil si Damian sa pagsuyo sa'kin ay halos naging tambayan ko na ang gate ng bahay namin. Palagi akong nakadungaw doon kahit hindi ko alam kung ano ba ang dahilan ng pagdungaw ko.Huminga ako nang malalim bago muling tinapunan ng tingin ang makipot na kalsada sa harapan ng bahay namin. Walang tao. Mabigat ang bawat hakbang na lumakad ako papasok ng bahay. Naabutan kong minamasahe ni Mama ang noo ni Papa kaya napailing ako. Gabi-gabing ganito ang eksena sa bahay dahil palaging sumasakit ang ulo ni Papa sa bigat ng trabaho niya bilang karpintero."Sweet naman," sabi ko."Hay naku, Teresa, maghugas ka na ng plato do'n at hindi na 'ko makakapaghugas dahil masakit ang katawan ko," ani Mama."Ma naman, ayoko.""Naku kang bata ka! Kung ayaw mong maghugas ng plato, e maghanap ka na lang ng trabaho!"Sumimangot ako. "Sabi ko nga maghuhugas na lang ako ng plato.""Hay naku, Raymundo! Tingnan mo 'yang anak mo, ang tamad-tamad!""Pabayaan mo na 'yang unica hija natin," sagot ni Papa."Naku! Tayo na nga lang nagtatiyaga d'yan, pati manliligaw n'yan nagsawa na!"Napakurap ako sa sinabi ni Mama. Ilang linggo kong iniwasang isipin ang tungkol kay Damian pero heto si Mama at isinasampal sa'kin ang katotohanang walang nakatatagal sa'kin. Masaya ako... dapat akong maging masaya. Ginusto ko 'to. Ilang taon ko siyang itinulak palayo, ngayong nagdesisyon siyang tumigil, masaya ako."Masaya ako, Ma."Ilang ulit akong lumunok at kumurap-kurap. Ikinuyom ko ang kamao ko at pumihit patalikod kina Mama. Nang maramdaman kong may yumakap mula sa likod ko ay napahikbi ako. Humarap ako at gumanti ng yakap sa yumakap sa'kin, si Mama."Hay naku, sinabi na kasing pansinin mo na 'yung manliligaw mo habang hibang pa 'yun sa kagandahan mo. E ngayon, natauhan na, pa'no ka na n'yan?" natatawang bulong ni Mama."Lusing, tigilan mo na 'yang anak mo. Lalo mo pang paiiyakin, e," sabat ni Papa saka sumali sa yakap. Kinagat ko ang labi ko."Mama, ako naman ang may gusto nito, 'di ba? Pero bakit ang sakit? Bakit nagsisisi ako? Normal ba 'to? Pakiramdam ko ang tanga ko. Dapat masaya ako, e."Tumasat si Mama. "Akala mo kasi habambuhay siyang baliw sa'yo. Akala mo hindi niya kayang umalis sa tabi mo. Nakatatak sa utak mo na sobrang ganda mo kaya akala mo hinding-hindi siya magsasawa.""Ma naman," pagkontra ko."Hay naku! Anak, tao lang si Damian, napapagod. Ilang beses mo siyang itinulak palayo. Itinutulak mo siya hindi dahil ayaw mo sa kaniya, kundi dahil alam mong hindi niya kayang tuluyang lumayo. Ngayong nakita mo nang kaya niya, ikaw ngayon ang nagdudusa. Pero mababawi mo pa siya kung kikilos ka, hatakin mo siya pabalik bago pa siya maagaw sa'yo.""Pero--""Hay naku, kung ayaw mo edi 'wag! Hala, sige, maghugas ka na ng plato do'n," sabay tulak sa'kin ni Mama.At habang naghuhugas ay apat na salita lang ang tumatakbo sa isip ko. Tulak, kabig... hay pag-ibig!Kinabukasan ay maaga akong gumising at naghanda para umalis. Nagtaka nga si Mama dahil hindi naman ako palaalis pero mukhang may ideya na siya kung saan ako pupunta kaya hindi na rin siya nagtanong. Binigyan niya lang ako ng pera pamasahe at pangkain at inabala na niya ang sarili sa pagkausap ng kung sino sa telepono."Anak, iuwi mo dito si son-in-law, na-mimiss ko na kamo ang leather jacket niya!" ani Mama nang sumakay ako ng pedicab.Natawa't nailing na lang ako. Nang makababa ng pedicab ay nag-abang naman ako ng dyip papunta sa kabilang bayan. Kinakabahan ako habang tinatahak ang daan patungo kina Damian. Ang daming tanong sa utak ko. Paano kung ipagtabuyan n'ya 'ko? Paano kung ayaw na talaga niya? Paano kung...?Napatigil ang pag-iisip ko nang matanaw ko ang isang pamilyar na bahay."Manong, para po!"Dali-dali akong bumaba nang huminto ang dyip. Lalong tumindi ang kabog ng dibdib ko. Pinagpapawisan na rin ako at alam kong hindi ito dahil sa init kundi sa kaba. Pinasadahan ko ng tingin ang bahay at napaatras nang makita kong may lumabas na babae mula roon.Pamilyar ang mukha ng babae pero hindi ko sigurado kung saan ko siya nakita. Maganda siya, maputi at mukhang mas bata ng ilang taon kaysa sa'kin. Huminto siya sa paglalakad nang makita ako at nanlaki ang mga mata. Itinuro niya ako kaya kumunot ang noo ko."Teresa?" aniya."K-kilala mo 'ko?"Ngumisi siya. "A-ano, naikwento ka ni Damian noon at ipinakita niya pa sa'kin ang picture mo.""Talaga? Gusto ko sanang makausap si Dam," bulong ko.Umarko ang kilay niya at humalukipkip. Nakita kong bumulong-bulong siya pero wala akong narinig sa sinabi niya."Ano?" tanong ko."Hindi mo ba itatanong kung ano ako ni Damian? Girlfriend niya 'ko. Ikinuwento ka niya sa'kin at pinakitaan ako ng litrato mo kasi gusto niyang malaman ko ang lahat tungkol sa kaniya. Kahit 'yung babaeng tatlong taon niyang niligawan pero hindi siya sinagot," matabang na sabi niya.Binuksan ko ang bibig ko para magsalita pero walang lumabas. Lumunok ako at huminga nang malalim. Ang sakit. Parang may mga maliliit na insektong kumakain ng puso ko. Gusto kong maglupasay, umiyak at magwala. Pero sa halip na gawin 'yon ay tumango na lang ako at tumalikod sa kaniya.Ang daya. Sobrang daya naman. Wala akong karapatang magreklamo pero ang sakit-sakit talaga. Habang unti-unting naglalakad palayo ay nagtuluan na rin ang luha ko. Kinagat ko ang labi ko at pinaypayan ang sarili.Ilang saglit pa'y narinig kong tinatawag ako ng girlfriend ni Damian pero hindi ako lumingon. Tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa isang bisig ang humigit at yumakap sa'kin. Pumiglas ako sa takot pero natabunan ng saya ang takot na iyon nang magsalita ang may-ari ng bisig."Tere, ang tagal kitang hinintay.""Damian," bulong ko habang humihikbi."Teresa," sagot niya.Gumanti ako ng yakap sa kaniya. "Sorry. Ang tanga-tanga ko. Ako ang may gusto nito pero ngayon, nasasaktan ako. Sorry."Umiling siya at pinunasan ang luha ko. "Shh, tama na. Sorry din. Na-miss kita. Mahal kita."Umawang ang labi ko sa gulat. "P-pero may girlfriend ka na." Saka ko tinapunan ng tingin ang babaeng nagpakilala bilang girlfriend niya at itinuro."Hindi mo ba siya natatandaan? Si Jona 'yan. 'Yung nakakalaro mo dati ng chinese garter.""J-Jona? 'Yung kapatid mong laging umiiyak kapag natatalo?"Tumingo siya. "Oo."Nakita ko namang nag-peace sign sa'kin si Jona habang nakangiti bago siya pumasok sa loob ng bahay nila.Wala sa sariling natawa ako. "Kaya pala pamilyar. Sobrang pumuti lang siya at gumanda.""Mana sa'kin," natatawang sagot ni Damian."Sus. Pero... pero bakit ka nawala? Hindi ka na bumibisita?"Kumalas siya sa pagkakayakap bago ako hinawakan sa balikat at tinitigan sa mga mata. Ilang saglit siyang nag-isip saka bumuntong-hininga."Sabi kasi si Tita Lusing dun ko raw makikita kung may pag-asa ba talaga ako sa'yo o wala."Kumunot ang noo ko. "Si Mama?"Tumango siya. "Kapag daw hinanap mo 'ko, mahal mo ako. Kapag hindi, tumigil na raw ako. Pero hinanap mo 'ko, tumawag si Tita kanina para ibalitang papunta ka na. Sobra-sobrang saya ko." Ngumiti siya at maluha-luhang tumingin sa'kin.Kinagat ko ang labi ko. "Si Mama talaga." Umiling ako. "Pero tiniis mo pa rin ako.""Sorry, Tere. Wala na kasi akong ibang maisip na paraan. Pero araw-araw naman akong binabalitaan ni Tita tungkol sa'yo. Alam kong palagi kang malungkot at may inaabangan sa labas. Gustong-gusto kitang puntahan no'n pero sabi ni Tita, 'wag muna. Sabi ko sa sarili ko, last na 'to. K-kung wala talaga, baka hindi talaga ako ang para sa'yo." Nabasag ang boses niya sa huling salita kaya napayakap ako sa kaniya."Sorry kung ang tagal bago ko na-realize.""Alin?" may himig pang-aasar niyang sambit."Nakakahiya.""Ikinahihiya mo ang nararamdaman mo?" malungkot niyang sabi.Napakamot ako sa noo. Ngumiti ako sa kaniya at tiningnan siya sa mga mata. "Hindi, ano ka ba.""Kung gano'n--""Damian, mahal kita. Mahal din kita," pagputol ko sa sinasabi niya.Pumikit siya at nagtakip ng mga mata. "Sa wakas... sa wakas."Lumapit siya sa akin at dahan-dahang yumuko para maabot ng labi niya ang labi ko. Malakas ang pintig ng puso ko, kinakabahan. Sinuklian ko ang bawat halik niya at halos maiyak ako sa sayang nararamdaman ko. Humiwalay siya saglit at tumingin sa mga mata ko."Sa loob tayo, Tere. Nakakahiya naman sa mga audience natin," nakangiti niyang sabi.Nanlaki ang mga mata ko saka nag-ikot ng paningin. Doon ko nakita ang mangilan-ngilang taong nanonood sa'min. Karamihan ay nakangiti at parang kilig na kilig, habang may ilang naiiling. Gusto kong magtago sa kahihiyan pero nang makita ko ang masayang mukha ni Damian ay napangiti na lang din ako.At parang narinig ko pa ang boses ni Mama, kahit wala naman siya, na nagsasabing, "Hay naku, Anak! Tinulak mo't kinabig, sa'yo pa rin nakakapit. 'Yan ang pag-ibig.. . (c) Maine Lasar- Kung nabasa at nagustuhan mu ay pakishare kung nakarelate at kinilig ka.

Short StoriesWhere stories live. Discover now