Tito Emilio

493 6 0
                                    


Tito Emilio

Abril. Bakasyon naming mga mag-aaral ng Elementarya sa baryo ng Santo Domingo. Walang pasok kaya masayang masaya kaming magpipinsan ng malaman naming magbabakasyon sa aming lugar ang kapatid ng Lolo namin at ang pamilya nito.

Halos sampung taon na ring hindi namin nakita ang aming mga Tito at Tita sa kadahilanang sa Mindanao ang mga ito nakatira. Ayon kina Mama, may mga anak na rin daw ang mga ito kaya mas lalo kaming nanabik sa mga bago naming makakalaro.

Biyernes ng umaga ay sinundo na nila Papa sina Lolo Berting na kapatid ng Lolo namin sa bayan. Ang aga naming nagising na magpipinsan para hindi namin makaligtaan ang kanilang pagdating.


Halos magka-pista sa malaking bahay nina Lolo dahil sa napakasayang selebrasyon na naganap ng dumating ang mga bisitang taga-Mindanao kinahapunan. Ang mga matatanda ay masayang nagku-kwentuhan at nagtatawanan habang may konting inuming alak sa lamesang kanilang napapalibutan. Samantalang kaming mga bata naman ay walang kapagurang nagtatakbo at naghaharutan.

Alas-syete at wala na ang araw ng magkaayaang maghapunan ang lahat. Napakasaya ng mga naging kaganapan dahil ang lahat ay nakapaikot sa isang sinadyang ipagawang mahabang hapag kainan. Kahit puro gasera lang ang gamit, makikita mo parin ang kasiyahan sa mukha ng bawat isa. Puring-puri ng mga taga-Mindanao ang adobong baboy at kalderetang kambing na niluto ni Mama at Lola Sonia.

Sa haba ng tawanan, halos walang nakapansin na alas-diyes na pala ng gabi. Napatigil lang ang lahat ng biglang sumigaw ng napakalakas si Tito Emilio.

"Nayyy!!!!" Ubod lakas na sigaw nito kay Lola Konsing kasabay ng pagkapatay ng ilang ilawang de-gaas.

Lahat kami ay napatingin kay Lola Konsing. Nagtatakang napatanong si Papa kung anong nangyari dahil mukhang wala namang problema si Lola Konsing.

Pagtingin ko kay Tito Emilio, doon na nagsimula ang gabi ng lagim na bumalot sa buo naming pamilya.

Kasabay ng biglaang paglakas ng ihip ng malamig na hangin sa buong kabahayan, naging malikot na si Tito Emilio sa kanyang kinauupuan. Likot na hindi mapakali na parang may kinakatakutan habang nagtuturo sa isang sulok ng bubungan na malapit sa may pintuan.

Nakaramdam na ng pagkataranta ang lahat. Nagsitayuan ang mga nakaupong malapit sa pwesto ni Tito Emilio. May kumuha din ng flashlight at may nag-ipon sa aming mga bata.

Ilang minuto pa ay palakas na ng palakas ang mga galaw ni Tito Emilio na umabot sa puntong hinahawakan na siya ni Papa at ng isa pang Tito namin. Takot na takot si Tito Emilio na nakatingin at nagtuturo sa may bubungan na malapit pa rin sa pintuan. Sa tuwing papasadahan naman ng flashlight ang bubong, wala naman kaming nakikita.

"Nay, tulungan mo ako! Nandito sila!" Takot na takot si Tito Emilio.

Nagsimula ng mag-iyakan ang mga Tita kong kinikilabutan sa nangyayari kasama ng iba kong pinsan na maliliit. Halos lumilinaw na sa kaisipan ng lahat na maligno ang nagpapakita kay Tito Emilio.

Inilabas ni Lola Konsing ang baon nitong bibliya. Nagpupunit sya ng ilang pahina habang patungo kina Tito Emilio. Humingi ito ng tulong kay Lolo Berting para gawing sinturon ang mga pinunit na pahina.

Habang ginagawa nila ang sinturon, naglulundag na sa takot si Tito na para bang papalapit na sa kanya ang maligno mula sa bubungan. Pawisan na din sina Papa sa kakahawak at kakapigil dito.

Nang akma ng ipupulupot ni Lola Konsing ang ginawang sinturon, biglang umangat at lumutang ang isang gasera sa harapan ni Tito Emilio. Nagsigawan na ang lahat at malakas na rin ang aking iyak sa sobrang takot.

Ilang segundo itong lumutang bago bumagsak ng napakalakas sa lamesa at lumikha ng malaking apoy.

Kasabay ng malakas na sigawan ng lahat at pagtakbo ng karamihan, nakawala si Tito Emilio at tumakbo palabas ng bahay diretso papasok sa gubat na puno ng kakahuyan.

Halos mahimatay na ang lahat sa dami ng kaguluhan. May naghahanap ng tubig, may sumisigaw na sundan si Tito Emilio, may naghahanap ng anak. Malakas na rin ang iyakan.

Ilang sandali pa matapos maapula ang nagkalat na apoy ay nag desisyon na sina Papa na sundan si Tito Emilio sa kakahuyan.

Sa kasamaang palad, pagkalipas ng ilang oras ay bumalik sina Papa na hindi kasama si Tito Emilio. Iyak ng iyak si Lola Konsing at mga anak nito. Inutos nito na ang mga anak nya naman ang maghanap sa gubat.

Mag-a-alas tres na ng tuluyang maging kalmado ang lahat bagama't hindi pa nakakabalik ang mga anak ni Lola Konsing.

Napagkasunduan na ring patulugin kaming mga bata.

Nang papalabas na kami ni Mama sa pintuan patungo sa kabilang bahay namin, hindi ko maiwasang huling sulyapan ang sulok ng bubungan na itinuturo at kinakatakutan ni Tito Emilio. Sa hindi inaasahang masasaksihan, nandoon si Tito Emilio, nakadikit sa bubungan at nakangiti sa akin.

Short StoriesΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα