Lumang Double Deck

406 7 0
                                    


Lumang Double Deck

Magkakasama kami nina Chino at Bogs sa trabaho. Dahil Biyernes at dahil sobrang natuwa ang mga Clients namin sa design naming website, napagkasunduan naming mag-night out sa Ortigas kasama pa ng tatlo naming kaibigan na babae.

Sobrang nalasing ako kaya sumama ako kina Chino pauwi. Makikitulog muna ako tapos uuwi ng boarding house paggising ko sa umaga.

Ala-una ng hating-gabi na kami dumating sa bahay nila. Umakyat kami agad sa kuwarto ni Chino sa ikalawang palapag at humiga sa ibabang higaan ng medyo may kalumaan nilang double deck. Nakatulog agad kami.


Naalimpungatan ako bandang alas 3 ng madaling araw dahil pakirambadam ko ay may sumisipa-sipa sa higaan sa itaas namin.

Bahagya kong inalis ang unan sa mukha ko at kabadong sumilip sa itaas ng dahan dahan. Muntik na akong mahimatay ng makita ko ang dalawang paang nakalawit sa gilid ng higaan sa itaas. Hindi normal ang kulay ng balat nito dahil parang nangingitim na. Para bang paa ng Zombie.

Hindi ko lang matandaan na may tao pala doong nakahiga kanina pagpasok namin. Yun siguro ang kapatid ni Chino na lalaki. Pinikit ko nalang ang mga mata ko ulit.

Ilang segundo lang ang nakalipas, naramdaman ko na namang sumisipa sya ulit sa itaas. Tinanggal ko ulit ang unan sa mukha ko at dahan-dahan ko ulit syang sinilip sa itaas. Nanindig lahat ng balahibo ko dahil hindi na dalawang paa ang nakita ko kundi maputing mukha ng multong babaeng malalaki ang nangingitim na mata at nakatitig sa akin.

Halos maihi ako sa takot kaya ginising ko si Chino at pinabuksan ang ilaw. Tumayo na ako at walang lingon-likod na bumaba ng unang palapag at nagpahatid sa sakayan sa labas ng bahay. Dinahilan ko nalang na may susunduin pala ako sa airport ng umagang iyon.

Nung pasakay na ako ng dyip, sabi ni Chino pwede daw ako bumalik doon kasi nasa probinsya lahat ng pamilya nya kaya solo niya ang bahay. Tumango lang ako pero sa isip ko, hindi na ako babalik sa bahay na iyon kailanman.

Habang papalayo ang dyip, naisipan kong kumaway kay Chino. Nang dumako ang mga paningin ko sa bintana ng kwarto ni Chino, nandoon ang babaeng multo. Nakatingin sa akin na parang may gustong sabihin.

Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon