Pero mali sila, hindi naman tayo ganun kadesperado. Ang sa atin ay isang relasyong nabuo hindi dahil parehas tayong basag na nanangangailangan ng ibang tao para muling mabuo. Nabuo ang TAYO kasi parehas tayong buo. Dumating ang isa't isa sa tamang panahon. Kung anong meron tayo ay bunga ng isang matibay na pundasyon. At iyun ay resulta ng pagiging malapit nating magkaibigan.


Nang magkaroon ng bakante sa HR, binalikan namin ang mga profile ng mga naging OJT sa kumpanya. Bilang isa sa mga senior staff, tinanong ni Sir Titan (HR Manager) ang rekomendasyon ko kung sino ang posibleng kunin ng kumpanya bilang HR Assistant. Binigay ko yung pangalan mo. Hindi dahil sa kung ano pa man, kundi dahil karapat-dapat ka naman talaga base sa ipinakita mong performance bilang trainee. Maagang pumasok. Tsek. Masunurin. Tsek. Madaling matuto. Tsek. Organized. Tsek. Magaling makisama. Tsek na tsek. Nagkataon din siguro na nakita nila iyun sa iyo. Kaya nga, natuwa kami nina Aila at Tere nang kunin ka ng kumpanya.

Simula noon, lalo tayong naging malapit. Ako ang nagturo sa iyo ng pasikot-sikot ng trabaho sa departamento natin. Requirement ng kliyente versus CV ng aplikante. Kung paano mag-interview at magsala ng mga tao. Kung paano ipaliwanag ang kontrata at benepisyo. Kung paano mag-organize ng mga events sa kumpanya.

Naalala mo tuwing unang Biyernes ng buwan, magkasama tayong naghahanap ng pari para mag-misa sa opisina. Tinutukso nga tayo ni Sir Titan na naghahanap tayo ng pari para magpakasal.

Naging constant textmate tayo at nagpalitan ng mga quotes at jokes. Nang magkaroon ng magic yung cellphone kong 5110, ikaw ang pinakamatagal kong kausap sa telepono. Magic kasi nga dalawang linggong unlimited ang tawag sa cellphone ko.

Doon ko nalaman na sa kabila ng kakikayan mo, marami rin pala tayong pinagkakasunduan tulad ng musika ni Gary Valenciano na ginagaya ko pa kahit nasa gitna tayo ng kalsada. Natatandaan mo noong minsang nag-bar yung HR team sa Cowboy Grill. Nang kumanta yung babaeng bokalista ng banda, nilapitan ako at pinasasayaw. Ako si engot, mas gusto pang sumayaw lang sa table natin. Tapos noong ikaw yung inaya nung lalaking bokalista, umakyat ka pa sa stage. Niyabangan mo pa ko at tinuksong walang kwentang ka-gimikan.

Sabay rin tayong naghahanap ng mga trip nating meryenda – fishball, barbeque, mais, pansit, pati na yung tinapay na binibili pa natin dalawang bloke ang layo sa opisina.

Sabay rin tayong umuuwi dahil parehas tayo ng jeep na sinasakyan. Wala ka na kasing nobyong de-kotse. Hindi muna ako bumababa sa kanto ng inuupahan kong apartment dahil sinasamahan pa kitang tumawid ng kalsada para sumakay ulit ng jeep papunta sa lugar ninyo. At kapag nakasakay ka na, parati kong hinihintay na tumingin ka ulit para kumaway. Maliit na bagay yun pero parati kong inaabangan. Tapos, ite-text kita ng ingat. Magre-reply ka naman kapag nasa bahay ka na.


Pebrero 14, 2004. Lovapalooza event noon sa Baywalk. Kasama natin ang G Friends, HR team at yung ibang barkada ko sa opisina. Gaya ng dati, magkasabay tayong umuwi. Nagtaxi tayo noon. Biniro ko yung drayber na ihatid tayo doon sa biglang liko. Ihahatid nga talaga tayo ni Manong kung hindi ko binawi yung joke. Binalingan kita, sabi ko, "Sabi sa iyo, e. Papasa tayong mag-syota." Ang sagot mo sa akin, "Feelers ka talaga."

Feeling. Assuming. Oo, kasi malayo naman talaga ako sa profile ng ex mo na guwapo, konyo at de-kotse. Ako, iba rin naman ang tinitingnan ko sa babae, ang gusto ko matalino, magaling magsulat, simple at hindi maarteng gaya mo. Parang sa trabaho lang natin sa HR, iba yung requirement na hinahanap natin laban sa mga katangiang meron tayo. Misfit para sa isang romantikong relasyon. Kumbaga, ikaw at ako ay talagang magkaibigan lang. Naglagay na tayo ng bakod sa simula pa lang.

Pero noong mga panahong iyun, espesyal na ang tingin ko sa iyo. Kumbaga, pinana na ako ni Kupido bago pa man ang Lovapalooza. Yung gabing iyun, may laman yung joke ko, tinantiya ko lang kung paano mo tatanggapin. At iyun nga, Feelers na salita ang isinukli mo.

Short StoriesWhere stories live. Discover now