Part 26

3.5K 154 0
                                    


SA BUTTERFLY garden napiling pumunta ni Fina dahil malapit lang iyon sa villa. Walang tao doon sa mga oras na iyon kaya malaya niyang inilabas ang bigat ng nararamdaman. Habang nakaupo siya sa isang bench doon at tahimik na lumuluha ay biglang nagpakita sa harap niya ang kaluluwa ni Arabelle. Kung kailan naman wala siyang interes na makipag-usap sa kahit sino—buhay man o patay—ay saka naman ito ang kusang lumapit sa kanya.

"Masakit ba?" tanong nito.

Mukhang nasaksihan nito ang kaganapan kanina at sadyang sinundan siya nito. "Obvious ba?"

"Naramdaman ko na rin iyang ganyang klaseng sakit."

"Hindi ko tinatanong. Iwan mo na ako." Nag-iwas siya ng tingin dito.

"Hindi ba gusto mo akong makausap? Bakit mo ako tinataboy ngayon?"

"Dahil alam kong hindi ka lumapit sa akin para ibigay ang sadya ko sa 'yo. Nandito ka dahil gusto mong mag-add ng insult sa injury."

"Naiintindihan kita," wika nito pagkaraan ng isang saglit.

Tumingala siya rito at sa kabila ng pamamasa ng mga mata niya ay naaninag niya ang lungkot sa mga mata nito. Kumunot ang noo niya. "Hindi kita kakampi. Best friend ka ni Therese. Kaya bakit maiintindihan mo ako?"

"Sabi ko nga naramdaman ko iyang kaparehong sakit na nararamdaman mo ngayon."

"Anong ibig mong sabihin? Nagmahal ka na rin ba ng isang lalaki na may nililigawang iba pero sinabi niya na na-develop siya sa 'yo at ikaw na ang gusto niya pero nang sinagot na siya ng nililigawan niya, biglang ayaw na niya sa 'yo?"

"Hindi. Pero mas malala doon ang naranasan ko."

"A-Anong naranasan mo?" May kaugnayan ba sa sinasabi nito ang dahilan ng pagpapakamatay nito?

"Kung sasabihin ko sa 'yo, nangangako ka ba na hindi mo sasabihin kahit kanino?"

"Promise!" Itinaas pa niya ang isang kamay.

"Nagmahal ako ng isang lalaking malapit nang ikasal sa iba," malungkot na tugon nito. "Nagkaroon kami ng secret affair habang engaged siya."

"Secret affair? Nagtaksil kayo!"

Tumango ito. "Hindi ko rin akalaing kaya ko palang gawin ang katangahang iyon... Pero nang dahil sa pag-ibig, nagawa ko. Siya lang ang lalaking minahal ko nang ganoon katindi."

Naalala niya ang mga nagawa ni Maricel at Mr. Pilar nang dahil sa pag-ibig. Mukhang hindi nalalayo si Arabelle sa mga ito na naging tanga at sakim nang dahil sa pag-ibig.

"Pagkatapos? Anong nangyari?" tanong niya.

Umupo ito sa tabi niya ngunit hindi nakalapag ang pang-upo nito sa batong upuan. "Noong minahal ko siya, naging makasarili ako. Naging masama ako. Binalak ko siyang agawin sa babaeng iyon habang hindi pa sila nakakasal. Ginusto ko na hindi matuloy ang kasal nila at ako na lang ang pakasalan niya. Ang akala ko nagtagumpay ako nang sabihin niya na hindi na niya pakakasalan ang fiancée niya. Hinintay ko siyang makipaghiwalay sa babaeng iyon at sabihin na hindi na matutuloy ang kasal nila. Pero two days na lang at kasal na nila, hindi pa niya nasasabi. Iyon pala, wala na siyang balak na itigil ang kasal. Nakipagkalas siya sa akin dahil na-realize niya raw na mas mahal niya ang babaeng iyon kaysa sa akin..."

Kung may luha lang siguro ito ay malamang na bumabaha na ng luha sa mga oras na iyon dahil sa matinding pighati na nakalarawan sa mukha nito.

"Kaya ka ba... kaya ka nagpakamatay? Dahil ba sa kanya?"

Sa halip na sumagot ay tumayo na ito at nagsimulang lumayo.

"Arabelle, 'wag kang umalis! Nandito na si Therese. Makipag-usap ka sa kanya, sa tulong ko. Kung talagang naiintindihan mo ako, tutulungan mo akong makalayo kay Steven. Kung malalaman na ni Therese ang gusto niyang malaman tungkol sa pagkamatay mo, matatapos na ang trabaho ko at makakalayo na ako sa kanila. Hindi ko na sila makikita at hindi na ako masasaktan."

Humarap ito. "Ayokong malaman niya ang ginawa ko. Therese will be disappointed kapag nalaman niyang naging imoral ako at napakatanga ko para patayin ang sarili ko para sa isang lalaki. At ayoko ring malaman ni... ni... Mas mabuting hindi na lang niya malaman habangbuhay ang nangyari." Muling tumalikod ito.

"'Wag mong takasan ang kasalanan mo," habol niya rito. "Baka kaya nandito ka pa sa lupa ay dahil kailangan mong ipaalam sa babaeng iyon ang totoong nangyari. Malaki ang kasalanan mo sa kanya. Malaki rin ang kasalanan ng lalaking minahal mo. Kailangang malaman ng asawa niya ang ginawa niyang pagtataksil para magbayad siya sa kasalanan niya. Please, Arabe--" May narinig siyang kaluskos kaya napalingon siya.

Napatda siya nang makita si Melvin na nakatayo isang dipa ang layo sa kanya. Manghang-mangha ang hitsura nito. Mukhang nakita at narinig nito ang pakikipag-usap niya sa isang multo.

"A-Anong ginagawa mo rito?" lumabas sa bibig niya.

"Ah... h-hinintay kita sa villang t-tinutuluyan mo," nauutal na tugon nito. "Nakita kong dumating si Therese. Tapos umalis ka. Sinundan kita dahil gusto kitang kausapin." Lumikot ang mga mata nito na tila may hinahanap. "T-Totoong nakakakita ka ng kaluluwa? N-Nakakausap mo si Arabelle?"

Napuna niya ang malaking eyebags nito na tila ba hindi ito nakatulog nang nagdaang gabi. Nang tingnan niya si Arabelle ay nakita niya ang pagkamangha sa mukha nito.

"N-Narinig mo ang mga sinabi ko?" tanong niya kay Melvin.

Tumango ito. Marahil ay nakuha nito ang gist ng kuwento kahit pa hindi nito narinig ang mga sinabi ni Arabelle. Hindi lang ang tungkol sa sekreto ng multo ang naibuking niya rito, kundi pati ang kasalukuyang sitwasyon nila ni Steven.

"'Wag mong sasabihin kay Mylene ang mga narinig mo, ha," bilin niya. "Bale, kinuha ako ni Therese para makausap niya si Arabelle at malaman niya kung bakit nagpakamatay ang best friend niya kaya, please 'wag mong sasabihin ang tungkol dito. Parang pagrespeto mo na lang sa kaluluwa ni Arabelle."

"Nandito pa ba si Arabelle?" tanong nito.

Tumingin siya kay Arabelle na niyon ay nakatingin kay Melvin. Ipinagtaka niya ang nakitang galit at pait sa mukha ng kaluluwa. "Oo... nandito pa siya... at nakatingin siya sa 'yo."

Bumakas ang matinding pagsisisi sa mukha nito. Nagulat siya nang bigla na lang lumuhod at umiyak ito. "Arabelle... patawarin mo ako..."

Napanganga siya. Si Melvin ang lalaking tinutukoy nito na nanakit ng damdamin nito at ang sariling pinsan nito ang sinubukan nitong agawan ng fiancé!

Ngayon ay alam na niya kung bakit nasa kasal ng mga ito ang kaluluwa ni Arabella at kung bakit naroon rin sa Eden ito. Sinusundan nito ang bagong kasal.

Not Another Ghost Story [COMPLETED]Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang