Part 11

3.6K 163 0
                                    


HABANG kumakain sa restaurant na paborito ni Arabelle ay imbes na pakiramdaman ni Fina ang paligid ay mas pinakikiramdaman niya si Steven. Kataka-taka na hindi siya nito sinita kanina sa ginawa niyang hindi pagpansin sa mga signals nito at sa paggawa niya ng pekeng konsepto sa pekeng kasal nila para malibadbaran ito. Lalo na doon sa parte na "magki-kiss" sila ng torrid bilang bride at groom.

"What? May nararamdaman ka ba sa lugar na ito?" tanong nito nang mapuna na nakatitig siya rito. Sumubo ito ng piniraso nitong sugpo na ginamitan pa nito ng table knife.

"Hindi ka ba nainis kanina?" hindi makatiis na tanong niya.

Umangat ang isang sulok ng mga labi nito. "I actually liked your wedding concept. Cool."

"Huh? Cool?" manghang gagad niya.

"Yeah. Nakakasawa na 'yong mga kasal na ginaganap sa simbahan at garden, et cetera. I told myself that if I get married someday, I'd want to be exceptional and adventurous."

"May pagka-adventurous ka pala?" Ang akala kasi niya ay conventional ito.

"Of course. I ride the motocross."

Namangha siya. "Talaga? Kaya mong lumipad at umiikot-ikot sa ere habang nakasakay ng motorbike?"

"Yeah. I do racing and freestyle."

"Astig ka pala, eh!" Totoong humanga siya rito sa nalaman.

Mukhang proud na proud naman ito sa sarili dahil pinuri niya ito.

Tumikhim siya. "Ako rin naman, may pagka-adventurous. Nakapag-rock climbing na ako at bungee jumping noon. Kumakausap nga ako ng mga ghosts, eh. Kundi ba naman ako maging adventurous n'yon, ewan ko na lang." Tingnan mo nga naman... may similarity pala kami ng mokong na ito... "Si Therese ba, may pagka-adventurous din kaya mo siya nagustuhan? Bukod sa syempre maganda at matalino siya," dugtong niya, sabay bangas ng hita ng manok.

"Therese doesn't have to be adventurous para magustuhan ko siya. I like her because she's the epitome of a refined, well-mannered lady."

Napahinto siya sa pagbangas ng manok dahil parang bigla siyang na-concious sa tingin nito sa paraan niya ng pagkain habang binabanggit nito ang pagiging refined lady ni Therese. Hindi siya refined. Pero so what? Hindi naman siya naghahanap ng lalaking tulad ni Steven na mayaman at edukado. Tama na sa kanya ang mga tulad ni Luis—ang pangalawa at huli niyang naging nobyo. Kung hindi lang ito naging marupok ay perfect na sana ito sa kanya. Masipag at mapagmahal ito. Bonus nang guwapo at matangkad ito. At higit sa lahat ay hindi ito natatakot sa espesyal na kakayahan niya at tanggap nito iyon.

"Ang sarap nitong chicken," sinabi na lang niya at nagpatuloy sa pagkain nang walang refinement. Nakita niya ang pag-iling nito at ang pagtingin nito sa paligid ng class na restaurant. Marahil ay ikinakahiya siya nito. Wala naman siyang pakialam.

"Puwede mo bang ayusin ang pagkain mo?" tila nagtitimpi sa inis na tanong nito.

"Chicken ito. Hindi puwedeng hindi kamayin."

"Puwede. Use the knife," turo nito sa table knife niya na hindi niya ginalaw dahil hindi siya sanay na gamitin.

"Ang arte n'yo talagang mga sosyal. Kailangan n'yo pang pahirapan ang mga sarili n'yo sa paggamit ng maraming kobyertos, eh, puwede namang kamayin na lang. Masisimot n'yo pa ang laman." Nagpatuloy siya sa pagkain at hindi inintindi ito.

"You can eat like that at home but not in this kind of place," patuloy na pagsaway nito.

"Ang plastic n'yo," himutok niya. "Nakikinita na kitang bumabangas ng hita ng manok sa bahay n'yo na tulad nito."

Not Another Ghost Story [COMPLETED]Where stories live. Discover now