Part 4

3.7K 164 0
                                    


NAGPAKAWALA ng buntong-hininga si Fina matapos suyurin ang napakagarang mansiyon ng mga magulang ni Arabelle ngunit wala siyang nakita o naramdaman man lang na anumang paranormal activity doon. Gayundin sa sopistikadang apartment ni Arabelle na wala nang nakatira. Sa magkaparehong bahay ay nagsagawa siya ng summon o pagtawag sa espirito ngunit walang Arabelle na lumapit sa kanya. Kaya naman hinagilap niya ang buong bahay sa pag-asang makikita ito sa isang sulok ngunit wala siyang nakita o naramdaman man lang.

"Wala rin siya rito," aniya kay Therese na lumungkot sa sinabi niya.

Si Steven ay nakahalukipkip sa tabi ni Therese at alam niyang inoobserbahan nito ang mga ikinikilos niya. Nang magtama ang paningin nila ay bahagyang naningkit ang mga mata nito. Nakita niya ang babala sa mga mata nito. Pasimple niyang inirapan ito. Akala nito ay masisindak siya nito sa mga ganoong klaseng tingin? Siya, si Josefina Lualhati? Sisindakin nito? Kung sa mga evil spirits nga na may nanlilisik at nagbabagang mga mata ay hindi siya natatakot, dito pa kaya na may tantalizing eyes?

Hmp! Guwapo ka nga, atribido ka naman, pakli niya sa isip.

"Talaga bang nagpapakita ang mga multo sa daytime?" tanong ni Steven sa kanya. Halata ang pagdududa sa mga mata nito.

"Oo naman. Hindi naman masasamang espirito ang mga kaluluwa ng mga namatay. Hindi nila kailangang magtago sa liwanag at lumabas lang sa dilim. Marami akong nakikitang mga kaluluwang naglalakad lang sa kalsada sa umaga. 'Yong ilan sa kanila, tumatawid pa sa pedestrian lane. 'Yong ibang mga kaluluwa na gumagala-gala pa sa mundo, ginagawa pa rin nila 'yong mga bagay na ginagawa nila noong nabubuhay pa sila. Pinupuntahan pa rin nila 'yong mga lugar na dati nilang pinupuntahan na parang buhay pa sila."

Halatang hindi siya sineseryoso ni Steven. Ang hitsura nito ay parang nakikinig lang ito ng gawa-gawang kuwento ng isang bata. "Kung gano'n, bakit sa mga pelikula, sa gabi lang sila nag-a-appear? At saka sa mga séance sessions ng mga medium, kailangang gabi at madilim?"

"Kasi pelikula iyon. Kailangang madilim para mas nakakatakot. Mas maraming kaluluwa sa gabi dahil doon na lumalabas ang mga masasamang espirito."

Nakita niya ang pag-angat ng isang sulok ng mga labi nito na tila ba gusto siyang pagtawanan nito. Hindi na lang niya pinansin ito.

Humarap siya kay Therese. "Wala na bang ibang bahay o mga lugar na madalas pinupuntahan si Arabelle?" tanong niya rito.

Lumiwanag ang mukha nito. "Marami!" Nilitanya nito ang mga bars at disco na madalas puntahan ni Arabelle kapag gumigimik ito sa gabi, ang mga restaurants at hotels na madalas nitong puntahan sa tuwing nagda-dine out ito at may business meetings at social functions na pinupuntahan ito at iba pang mga lugar na paborito nitong puntahan.

"Nagtatrabaho ba si Arabelle?" tanong niya.

Natapik ni Therese ang noo. "Oh! My bad! Nakalimutan kong banggitin sa 'yo. She's a wedding planner. Mayroon siyang maliit na office sa isang commercial building sa Makati."

"Wedding planner?"

Ngumiti nang mapait si Therese. "She's fascinated in weddings since we were teens. Kaya nang maka-graduate siya sa college, she decided to be a wedding planner. She had always been so excited to meet her true love and be wed. But the irony of it, hindi siya nagkaroon ng matinong relationship. Hindi niya nakilala 'yong true love niya... hanggang sa... hanggang sa mawala na siya."

Naalala niya ang larawan ni Arabelle na nakita niya sa apartment nito. Napakaganda nito at mukhang bata sa edad nitong beinte otso. Minsan talaga ay wala sa kagandahan, kayamanan at successful career ang pagkakaroon ng isang taong magmamahal habambuhay.

"Hindi kaya... iyon ang dahilan kung bakit siya nag-suicide?" pagbibigay niya ng ideya. "Na-depress siya dahil gusto na niyang ma-meet ang true love niya at magpakasal pero wala pa ring dumarating?"

Umiling si Therese. "I don't think so. She's not depressed. I went out with her three days before she... she died. I didn't notice anything. She's not extremely happy but she's not sad at all." Saglit na tumigil ito. "Or perhaps she just hid it from me. But still, I don't think she's the type to commit suicide just because she was frustrated about getting married. She's only twenty-eight. Napakabata pa niya para mag-alala na baka hindi na siya makapag-asawa. She's a strong, sensible woman. There must be something really grave that had happened to her that we didn't know about. At iyon ang gusto kong alamin mo, Fina. Malalaman lang natin ang totoo kapag nakausap na natin siya."

Nagsimula na siyang ma-curious kay Arabelle. Ano nga kaya ang nagtulak dito upang kitilin nito ang sariling buhay? "Puntahan natin ang opisina niya."

"I'm afraid it's now occupied by another tenant. Ayokong matakot sila kung pupunta tayo roon para lang hanapin kung naroon ang kaluluwa niya."

"Ano bang kompanya ang nangungupahan doon ngayon?"

"I think it's a small law firm."

"Ako ang bahala. Makakapasok ako roon nang hindi nila nalalaman na naggo-ghost hunt ako roon."

"Ikaw ang bahala," ani Therese.

Nang muli niyang tapunan ng tingin si Steven ay nahuli na naman niyang nakatitig ito sa kanya. Kung hindi lang niya alam na nagdududa ito sa kanya ay iisipin niyang may crush ito sa kanya dahil wala itong ginawa kundi ang titigan siya. Hindi niya alam kung bakit medyo kinilig siya sa naisip.

"Gusto mo bang tumulong?" tanong niya sa lalaki.

Nagsalubong ang mga kilay nito. "Tulong? Ako?" Nang bumaling ito kay Therese na naramdaman marahil nito na tumingin dito ay umayos ang hilatsa ng mukha nito. "Of course."

Pinigilan niya ang mapangiti. Nakakatawa na kahit halatang surang-sura ito sa kanya ay hindi naman siya nito makanti dahil sa nobya nito.


Not Another Ghost Story [COMPLETED]Место, где живут истории. Откройте их для себя