Part 27

3.7K 161 1
                                    


"TELL ME, Fina, pumayag na ba si Arabelle na makausap ako?"

Umiling si Fina sa tanong ni Therese. Pag-uwi niya sa villa ay sinalubong siya nito at niyaya na makipag-usap rito nang sarilinan sa front porch. Ang akala niya ay kokomprontahin siya nito tungkol sa relasyon nila ni Steven, sa kung paano niya nagawa na ahasin ang manliligaw nito ngunit ni walang bakas na alam nito ang namamagitan sa kanila ni Steven na nagsimula lamang kaninang umaga.

Nalungkot siya nang makompirmang hindi talaga sinabi ni Steven kay Therese ang tungkol sa kanila. Ibig sabihin ay talagang etsepuwera na siya ngayong sinagot na ito ng babaeng totoong gusto nito. Naalala niya ang sinabi ni Arabelle kanina tungkol sa ginawa ni Melvin dito.

"Nakipagkalas siya sa akin dahil na-realize niya raw na mas mahal niya ang babaeng iyon kaysa sa akin..."

Mukhang kailangan na niyang paghandaan ang pakikipagkalas sa kanya ni Steven. Hindi siya makapaniwalang naging nobyo niya ito nang ilang oras lamang at mamaya ay magbe-break na sila.

"Wala ba siyang nasabi sa 'yo kahit kaunting clue sa gusto kong malaman?" tanong uli ni Therese.

Umiling uli siya. Nangako siya kay Arabelle na wala siyang sasabihin rito. Marahil ay panahon na para tapusin na niya ang trabaho niya dahil bigo siya sa kanyang misyon. Kahit nalaman niya ang kasagutan sa tanong ni Therese ay hindi naman niya iyon maaaring sabihin dito. Hindi niya mapipilit ang kaluluwa na makipag-usap kung ayaw nito. Wala nang saysay na manatili sila sa lugar na iyon at sa misyong iyon.

"Kanina nakita ko ulit siya pero sinabi niya na nagsasayang lang ako ng oras. Hindi raw siya magsasalita kaya tumigil na raw tayo. Hindi natin siya puwedeng piliting magsalita. Gusto niyang baunin sa hukay ang sekreto niya. Malabo nang magtagumpay tayo na makausap siya. Kaya sumusuko na ako. Hindi ko na magagawa itong trabahing ito. Gusto ko nang bumalik sa Maynila."

Tila nabahala ito. "Pero, Fina--"

"Hindi ako magpapabayad. Wala ka namang napala sa serbisyo ko, eh."

"Pero hindi tayo puwedeng sumuko. Kailangan kong makausap ang best friend ko."

"Ang sabi niya sa akin, irespeto mo na lang daw ang pananahimik niya."

Lumarawan ang matinding kalungkutan sa mukha nito. Mabilis na namasa ang mga mata nito. Tinapik niya ito sa balikat. "I'm sorry, Therese. Ginawa ko na ang magagawa ko. Kinombinsi ko na siya pero matatag siya na hindi sabihin ang gusto mong malaman. Tanggapin mo na lang na wala na si Arabelle at ipagpatuloy ang buhay mo."

Nagsimula nang umiyak ito. Mukhang kailangan talaga nito si Steven. Kailangan nito ng taong dadamay rito. Saktong lumabas sa pinto ang lalaki. Saglit na nagtama ang mga mata nila bago siya tumayo at lumayo upang si Steven na ang mag-alo kay Therese.

Dumiretso siya sa silid niya at nag-empake na ng mga damit. Pilit niyang pinigilan ang maiyak. Sa bahay na lamang siya iiyak nang iiyak hanggang sa hindi na siya makadilat sa sobrang pagkamugto ng mga mata. Sa ngayon ay kailangan niyang magmukhang matatag habang naroon siya para hindi malaman ni Steven kung gaano siya sinaktan nito.

Maya-maya ay nagulat siya nang bumukas ang pinto ng silid niya at pumasok doon si Steven. Maingat nitong ipininid ang pinto. Napatayo siya sa kama.

"Fina, we need to talk," mahinang wika nito habang papalapit sa kanya.

"Naiintindihan ko na," matatag na wika niya. "Siguro nga gusto mo ako, pero mas gusto mo siya. Malaki na 'yong hirap mo sa kanya. Kaya tama lang na sagutin ka na niya. Alam kong mahal mo siya. Kaya 'wag kang mag-alala. Naiintindihan ko. Kalimutan na lang natin 'yong nangyari kagabi at kanina. Hindi ako maghahabol."

Umiling ito. "Fina, you got it all wrong. Ikaw ang gusto ko. Hindi ko lang kayang sabihin sa kanya na ikaw na ang gusto ko kaya hindi ako nakaimik kanina. Ayokong saktan siya dahil napaka-vulnerable niya simula nang mamatay si Arabelle. Baka lalo siyang ma-depress kung sasabihin ko sa kanya ang totoo. So, please don't be mad at me. Don't drive me away." Hinawakan nito ang kamay niya. "I'm still yours. I just have to fix this. Hindi pa lang ngayon dahil malungkot siya. Just please give me time to fix this. Give me a few days. Ihahanda ko lang siya sa sasabihin ko."

Natuwa man ang puso niya sa sinabi nito ay hindi iyon kompleto. Nang malaman niya ang istorya ni Arabelle ay natutuhan niya ang hindi umasa. Pinaasa lamang ito ni Melvin ngunit itinapon rin ito sa bandang huli. Hindi malayong gawin sa kanya ni Steven iyon kahit pa ayaw siyang saktan nito dahil kailangan nitong mamili. Ano ba ang dalawang linggong pinagsamahan nila nito kompara sa ilang buwang sinuyo nito si Therese?

Pinakawalan niya ang kamay mula sa pagkakahawak nito. "Babalik rin ang feelings mo kay Therese kapag nakasama mo ulit siya."

Nagsalubong ang mga kilay nito. "What are you talking about?"

"Nawala lang si Therese kaya nabaling sa akin ang feelings mo. Ngayong bumalik na siya, babalik din sa kanya ang nararamdaman mo. Lalo pa ngayon na inamin na niya na gusto ka rin niya. Si Therese ang bagay sa 'yo. Hindi ako. Hindi tayo bagay. Magkaibang-magkaiba tayo. Sobrang laki ng agwat natin sa buhay. Kaya siguradong nabibigla ka lang sa nararamdaman mo."

Mukhang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. "So now you're doubting what I feel for you..."

"Hindi ko rin kayang saktan si Therese. Napakabait niya. Kailangan niya ang isang katulad mo. Lalo na ngayon na depressed siya. Hindi kita aagawin sa kanya."

"Are you really letting me go?" May hinanakit sa mga mata nito.

Nilabanan niya ang pagnanais na yakapin ito at sabihin rito na mahal niya ito. "Yes." Lumabas na siya sa silid upang hindi na ito makahirit pa.

Ipinangako niya sa sarili na hindi siya tutulad kina Maricel at Mr. Pilar na nagpakasama at gumawa ng katangahan dahil sa pag-ibig. Kung paiiralin niya ang katangahang iyon ay paniniwalain niya ang sarili na siya ang pipiliin siya ni Steven pagkatapos ng ilang araw na makakasama nitong muli si Therese at aasa siya. Kung hahayaan niyang maging makasarili siya upang lumigaya ay siya na mismo ang magsasabi kay Therese sa oras ring iyon na sa kanya na si Steven.

Para sa kanya, ang tunay na pag-ibig ay hindi sakim at makasarili. Kaya hindi niya kailangang magpakasama. Kaya niyang tuparin ang pangako niya. Kahit gaano pa niya kamahal si Steven ay kakayanin niya ang pakawalan ito at tiisin ang sakit. Marahil ay mababatukan siya ng nanay niya sa oras na ikuwento niya rito na pinakawalan niya ang isang lalaking tulad ni Steven at ipinagparaya ito sa iba.

Halos pareho ang naging sitwasyon nila ni Arabelle. Pero hindi niya tutularan ito sa lahat ng mga maling desisyong ginawa nito para lang lumigaya sa pag-ibig. Isang pag-ibig na sa huli ay hindi naman pala para rito.

Not Another Ghost Story [COMPLETED]Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu