Kasabay non ang pagtubo ng isang tanong sa isip ko... paano niya nagawa sa akin 'yon? Mahal niya ako, ramdam ko 'yon pero bakit tila mas malakas ang hatak ng galit sa dibdib niya? Hindi ko makita ang sarili ko na ginagawa sa kaniya ang mga ginawa niya sa akin kaya mas lalong tumitindi ang sakit na nararamdaman ko dahil napatunayan kong... ganoon katindi ang galit niya sa akin. Ganoon katindi na umabot sa puntong nagawa niya akong saktan, ako na sarili niyang kasintahan.

Sana hindi magpatuloy sa sistema niya ang ganoon. Sana maalala niya ang sinabi niya sa akin noon.

"Nique, what are you saying? Hindi mo kailangang sabihin 'yan. Hindi mo kailangang pakiusapan akong gawin 'yan, dahil wala naman akong ibang gagawin kung hindi ang pagkatiwalaan ka... and of course, uunahin ko ang kung anumang mayroon tayo. Uunahin kita. Kahit anong mangyari,"

"Ciel, parang awa mo na... unahin mo ako-unahin mo ang pagmamahalan natin, ang relasyon natin," bulong ko sa hangin habang tuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha sa magkabilang pisngi ko.

Lumuluha nanaman ang kulay abo kong mga mata.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko nang itigil ko ang sasakyan sa harap ng mansyon ng mga Velmon. Kinakabahan ako ng sobra at natatakot rin para sa sarili ko. Mga bagay na bago para sa akin dahil kilala ko ang sarili ko na walang kinatatakutan pero bakit sa pagbabalik ni Ciel sa buhay ko, kasabay non ang maraming pagbabago sa sarili ko? Pero nagbago nga ba talaga o bumalik lang sa tunay na ako?

'Yong ako na may puso at marunong makaramdam ng iba't ibang emosyon.

Nilakasan ko ang loob at bumaba mula sa sasakyan saka nanginginig ang kamay na nag-doorbell. Pinapatay ako ng tensyon at matinding antisipasyon sa dibdib ko.

At tuluyan na nga akong namatay nang bumukas ang pinto. Dahil sumalubong sa akin ang pares ng mata na tila nananaksak ang tingin. "Anong ginagawa mo dito?"

Aminado ako, nasira ang barikada ng lakas ng loob na itinayo ko sa isip at puso ko nang magsalita siya. Pakiramdam ko nga'y babalik ako sa posisyon ko noong nakaraang gabi kung saan nakaluhod ako sa harap niya. Pero parang may kung anong napindot sa utak ko para dumaloy sa buong katawan ko ang mensahe na ako si Reeam Dominique Imperio. Simple lang kung tutuusin pero malaki ang naging epekto sa akin.

Sinalubong ko ang tingin niya gamit ang patay na kulay ng aking mga mata. Pinanatili ko rin ang mapagmalaki kong tindig at walang ipinakitang emosyon sa aking mukha bago magsalita sa malamig na boses. "Gusto kong makita si Crizana Marione Varga,"

Nakita ko ang pagsilay ng kalituhan sa kaniyang mga mata. Marahil nagtataka kung bakit ganito ang aking ipinapakita ngayon na tila hindi naaapektuhan sa kaniyang presensya.

"Anong kailangan mo sa kaniya?"

"Kung anuman ang kailangan ko sa kaniya, wala ka na doon... Ciel," oo, siya ang nasa harap ko ngayon.

Ang babaeng pinakamamahal ko.

Matinding pagpipigil ang ginagawa ko sa sarili dahil kung hindi, baka kanina ko pa siya dinamba at ikinulong sa mga bisig ko dahil tang ina... miss na miss ko na siya.

"Umalis ka sa harap ko-!"

"Anak, sinong nandiyan?" hindi niya naituloy ang sinasabi niya nang mula sa loob ay narinig ko ang boses ng taong hinahanap ko. Hindi pa man siya nakakapagsalita ulit, sumilip na mula sa kaniyang likuran si Crizana Marione Varga at nang makita ko ang mukha niya, bumagsak ang balikat ko. "Hija, ikaw pala," at ang magandang ngiti ng ginang ang naghatid ng kung anumang mainit na pakiramdam sa dibdib ko.

"Aalis na rin siya, Mom-,"

"Tita... pwede ho ba kayong makausap?" mahinang sambit ko na pumutol sa sinasabi ni Ciel. Malamlam ang naging pagtingin ko sa kausap dahilan para mapatango siya kahit alam kong naguguluhan siya.

BOOK I: Touch Her and You'll be DeadWhere stories live. Discover now