Part 1

10.9K 276 24
                                    


"MAGSALITA ka na," wika ni Fina kay Maricel Pilar, ang kliyente niyang nakaupo sa isang silya na katapat niya sa loob ng isang silid sa bahay nito.

Gusto nitong makausap ang ama nitong yumao. Namatay sa isang car accident ang ama nito. Bago pa nangyari ang aksidente ay nagkaroon ng matinding alitan ang mag-ama. Tatlong buwang hindi kinausap ni Maricel ang ama. Kaya naman napakasakit para rito na hindi man lamang nito nakasama ang ama bago man lang pumanaw ang huli. Hindi man lang daw ito nakahingi ng tawad sa ama.

Nagsimulang humagulgol si Maricel. Mukhang hindi ito makapagsalita dahil sa hindi mapigilang pagbuhos ng matinding emosyon. Tumingin siya sa multo ni Mr. Timothy Pilar na nasa gilid ng mesa. Bahagya pang tumatagos sa kahoy na mesa ang malaking tiyan nito. Kahit nakatago sa makapal na bigote nito ang bibig nito ay alam niyang naka-arko pabaligtad ang mga labi nito. Napakalungkot kasi ng mukha nito. Tahimik lamang ito habang nakatingin sa anak.

"Papa..." lumuluhang tawag ni Maricel sa ama. "P-Patawarin mo ako sa nagawa kong kasalanan sa 'yo. Pinagsisisihan ko na ang nagawa ko sa 'yo..." Humugot ito ng tissue mula sa inilabas nitong malaking tissue box at suminga roon nang malakas.

Hinintay niya ang pangungumpisal nito. Simula nang sumadya ito sa kanya at hingin ang tulong niya upang makausap ang ama nito ay curious na siya kung ano ang napakatinding kasalanan nito sa ama na sa tuwina ay binabanggit nito ngunit hindi naman ibinubulgar sa kanya. Pagkakataon na niya upang malaman iyon.

"Papa... pinagsisisihan ko nang ninakawan kita ng Forty million...."

Muntik na siyang bumagsak sa kinauupuan niya sa ikinumpisal ni Maricel. Forty million pesos! Nagnakaw ito sa mismong ama nito ng ganoon kalaking halaga?

"Patawarin mo ako sa pamemeke ng mga pirma mo... Ninakaw ko rin iyong mga alahas ni Lola Pacita na ipinamana niya sa 'yo na nagkakahalaga ng twenty million..."

Napahugot siya ng paghinga. Sixty million pesos ang ninakaw nito sa sarili nitong ama!

"At tungkol sa panloloob sa bahay natin a year ago, kilala ko ang mga akyat-bahay na iyon..."

Nadaklot niya ang dibdib sa sinabi nito. Magkaka-heart attack pa yata siya sa mga pasabog nitong pangungumpisal. Tulad niya ay humawak rin sa dibdib si Mr. Pilar. Kung marahil ay nagkaka-heart attack din ang mga multo ay baka bumulagta na ito sa mga pinagsasabi ng anak.

"Boyfriend ko iyong isa sa mga magnanakaw na iyon." Humagulgol si Maricel.

Parang gusto na niyang abutin ang cellphone niya at tumawag sa police station para ipakulong ang babaeng ito. Hindi niya akalaing napakasama pala ng ugali nito. Sarili nitong ama ay niloko at pinagnakawan nito.

"Miyembro siya ng isang sindikato..." patuloy nito.

Pinigil niya ang sariling ipasak sa bibig nito ang cellphone niya dahil parang hindi na niya kayang pakinggan ang mga sasabihin pa nito.

"Pero, Papa, hindi ko naman ginustong gawin ang lahat ng iyon. Si Bogart kasi. Mahal na mahal ko kasi siya, eh. Iiwan daw niya ako kapag hindi ko ginawa ang mga gusto niya."

Kung hindi ka ba naman talaga gaga at kalahati! gusto niyang isigaw rito, kung maaari lang sana.

"Napakatanga ko, Papa... Ang gaga-gaga ko..." patuloy nito. Pinaghahampas nito ang mesa. "Nagpakagaga ako dahil sa pag-ibig. Nagawa ko kayong lokohin at pagnakawan dahil sa kanya. Napakasama kong anak... Patawarin mo ako, Papa..."

Kung siya ang ama nito ay baka inginudngod na niya ang mukha nito sa mesa habang ngumangalngal ito. Ang lakas ng loob nitong humingi ng tawad matapos ang mga pinaggagawa nitong matitinding kalokohan.

Not Another Ghost Story [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon