Wattpad Original
Mayroong 2 pang mga libreng parte

Ikalawang Kabanata: Himbing

19.3K 1.1K 264
                                    

Pakinggan ang tinig na magpapahimbing

Aawitan kita nang may lambing

Sundan ang tinig patungo sa aking piling

---

Nang gabing iyon, hindi mapakali si Ariella. Bukod sa namamahay siya, hindi pa rin mawala sa isip niya iyong lalaking nakita niya kanina. Kanina, pinilit niyang ituong muli ang atensyon sa dula, pero tuwing mapapatingin siya sa gawi ng lalaki—na sa isip niya'y sinimulan na niyang tawaging Isagani—nakita niyang nakatingin pa rin ito sa kanya. Para bang siya ang pinanunuod nito.

Ngayon, tulog na tulog na si Cielo sa tabi niya pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Kanina pa siya nakatutok sa kisame. Nakapagbilang na siya ng tupa, pero dilat na dilat pa rin siya. Pumikit siyang muli at bumilang hanggang isang daan. Nang makarating ng limampu at hindi pa rin siya nakaramdam ng ni katiting na antok, bumangon siya at binutbot ang mga gamit.

Isang malaking travel bag at isang backpack ang dala niya. Isang linggo sila ni Cielo roon pero pang-dalawang linggo halos ang inimpake niyang damit dahil unang beses niyang magbakasyon sa isang lugar nang hindi kasama ang mommy niya. Katwiran niya, mas mabuti na'ng maraming sobrang damit kaysa kapusin.

Ngayon kaya niya ayusin ang mga damit niya?

Kanina pa siya sinabihan ni Cielo na ilagay sa aparador ang mga damit niya pero hindi niya ginawa. Dahilan niya, isang linggo lamang naman siya roon. Saka hindi naman gusutin ang mga dala niyang damit. Pero ngayong naghahalughog siya sa bag, saka niya napagtanto na mahirap magbulatlat ng gamit kapag magkakasama sa isang lalagyan ang iba't ibang uri ng damit niya.

Binuksan niya ang lampshade na katabi ng puwesto niya sa kama. Dinala niya roon ang travel bag. Luma na ang aparador na nasa gawing kanang ulunan ng kama. Katabi noon ay ang malaking bintana na luma na rin ang pangsara. Noong una siyang makapasok sa kwarto ni Cielo, nahintatakutan pa siya nang makita ang sariling repleksyon sa malaking salamin sa pintuan ng aparador.

Tinitigan niyang mabuti ang sarili sa salamin, pilit inaalis ang kaunting takot na natitira. Pagkasalansan ng mga damit sa kama, dahan-dahan niyang binuksan ang aparador para ilagay ang mga iyon sa loob.

Nang mailagay niya ang mga damit, dahan-dahan niyang isinara ang pintuan.

Napatalon siya sa gulat nang may makitang bulto sa likuran niya. Agad niya iyong nilingon, pero wala namang nandoon. Nilapitan pa niya para makasigurado. At nang bumaling siya sa harap ng salamin, napatalon na naman siya sa gulat nang makita naman ang sarili.

Kailangan na siguro niyang bawasan ang pagkakape.

---

Alas tres ng umaga. Sa wakas ay nakatulog na rin si Ariella. Alam niyang nananaginip na siya dahil hindi niya maramdaman ang sahig kahit alam niyang naglalakad siya palabas ng kwarto. Tinatawag niya si Cielo para samahan siya sa labas, pero hindi siya nito naririnig.

Binuksan niya ang pintuan at inilinga ang paningin sa paligid. Inisip niya kung saan siya pupunta.

"Dito," sabi ng isang malambing na tinig.

Sinundan niya iyon. Dinala siya nito sa sala. Kusang bumukas ang malaking pintuan.

"Ariella..."

Isang bulto ng lalaki ang naglahad ng kamay para tanggapin niya. Hindi niya maaninag ang mukha nito, pero may pakiramdam siyang kilala niya ang lalaki. Estranghero ito pero magaan ang loob niya rito.

"Isagani?" tanong niya.

Hindi sumagot ang lalaki. Alanganin niyang tinanggap ang kamay nito. Lumabas sila ng bakuran. Dapat ay masakit na ang mga talampakan niya dahil nakayapak siyang naglalakad, pero parang sa bulak siya tumatapak. Walang maramdaman ang mga paa niya.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon