Wattpad Original
Ito na ang huling libreng parte

Ikaapat na Kabanata: Gunita

19K 1K 308
                                    

Ang tanging hiling ko lamang, aking sinta

Ako sana'y huwag mawaglit sa alaala

Na kahit kay tagal na panahong hindi nagkita

Ako'y mananatili pa rin sa iyong gunita

--

Nang makita ni Ariella ang patay na puno sa likuran ng bahay ni Isagani ay agad niyang niyaya si Cielo pauwi. Ramdam niyang parang may mali, may kakila-kilabot na nangyayari sa bayan ng Bughawi, pero hindi niya mailabas ang tunay na saloobin sa kaibigan dahil ayaw niyang magtampo ito sa kanya. Alam niyang mahal na mahal ni Cielo ang isla. Nakakahiya, siya na itong inasikaso at kinupkop nang ilang araw tapos ay magsasabi pa siya ng kung ano dahil lamang sa mga kwentong nagpapabagabag sa kanya.

Idinahilan na lamang niya na sumama ang kanyang pakiramdam, na may katotohanan naman kahit papaano.

Niyaya siya ni Cielo na lumabas uli nang humapon na pero sinabi niyang matutulog na lamang siya, yaman din lamang na palagi siyang puyat at kulang sa tulog. Nagpaiwan siya sa kwarto ni Cielo para matulog. Iyon talaga ang plano niya. Ang matulog.

Pero nauwi siya sa panunuod ng mga pelikula sa dalang laptop.

Mabilis na lumipas ang dalawang oras. Pagkatapos ng isang palabas, tumayo si Ariella para mag-inat. Bumuntong-hininga siya. Ano pa kaya ang pwede niyang gawin bukod sa pagtulog? Kinuha niya ang backpack at kinuha ang talaarawan ng lola niya sa talampakan.

Binuksan niya iyon at pinasadahan ng mga daliri ang sulat sa unang pahina.

Kahit hindi niya naabutang buhay ang Lola Aribella niya ay parang kilalang-kilala niya ito dahil na rin sa kwento ng mga kamag-anak niya. Mayroon ding malaking larawan ang Lola Aribella niya sa ancestral home nila sa Quezon City. Ayon sa lola niya, isinunod ang pangalan niya sa pangalan ng Lola Aribella niya dahil siya ang pinaka-kamukha nito sa lahat ng naging apo at apo nito sa tuhod at talampakan.

Isa iyong malaking papuri para sa kanya dahil napakaganda ng Lola Aribella niya. Marami raw itong mga naging manliligaw noong araw. Matanda na ito nang makapag-asawa. Tatlumpu't limang taon na ito noon. Akala nga raw ng marami ay tatandang dalaga na ito. Uso pa naman dati ang pag-aasawa nang maaga, hindi dahil sa maraming napapariwara kundi dahil mas mabilis na maging handa sa buhay may asawa ang mga tao noon.

Noong huli niyang buklat ng kwaderno, hindi na niya mabuksan ang mga kasunod na pahina dahil magkakadikit na ang mga iyon. Baka kung ipinilit niya, nasira na niya iyon.

Sinubukan niyang ilipat sa kasunod na pahina. Nagulat siya nang mabilis niyang magawa iyon. Parang natanggal bigla sa pagkakadikit. Imbes na takutin ang sarili, na madalas na niyang ginagawa, inisip na lamang niya na nahanginan na ang libro.

---

12 de Abril de 1850

Me trajeron a esta isla por un amigo. No podía creer lo mágico que parece este lugar. El cielo es más azul que el azul. Los árboles son más verdes que verdes. Era tranquilo. Me enamoré del lugar y fue inmediatamente entristecido por el hecho de que tuve que dejar después de dos semanas cortas.

---

Nanghinayang si Ariella nang mapagtantong Espanyol ang lenggwahe ng sulat sa talaarawan. May lahi silang Espanyol. Hindi lamang niya alam kung latak na lamang ba ang natitirang dugong iyon sa katawan niya. Hindi niya pinag-aralan ang lenggwahe dahil hindi naman niya iyon kinailangang aralin.

Sinubukan niyang ilipat ang pahina pero nakadikit na naman iyon. Parang ayaw sa kanyang ipabasa. Iniangat niya ang libro, maingat na inalog, sa pag-aakalang mapaghihiwa-hiwalay noon ang magkakadikit na pahina.

icon lock

Ipakita ang iyong suporta para kay Jhing Bautista, at magpatuloy sa pagbabasa ng kuwentong ito

ni Jhing Bautista
@JhingBautista
Paraiso--iyan ang tingin ni Ariella sa Isla ng Bughawi. Ngunit hindi...
I-unlock ang bagong parteng ito o ang buong kuwento. Anupaman, ang iyong Coins ay makatutulong sa mga manunulat na kumita mula sa mga paborito mong kuwento.

Ang kuwentong ito ay may 17 natitirang bahagi

Tingnan kung paano masusuportahan ng Coins ang iyong mga paboritong manunulat gaya ni @JhingBautista.
MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon