Chapter Eight-The Revelation

110 6 5
                                    

Napabalikwas si Cielo nang maramdaman ang mainit na palad na dumampi sa kanyang noo. Habol niya ang kanyang hininga dahil sa pagkagulat ngunit hindi niya magawang maimulat ang kanyang mga mata dahil parang idinikit iyon. Gusto niya ring sumigaw ngunit parang may napakalaking sugat sa kanyang lalamunan na pumipigil para gawin iyon. Nahaplos na lang niya ang kanyang leeg.

“Mabuti naman at gising ka na. Nag-alala ako para sa’yo.” narinig niya ang boses na iyon malapit sa kanyang mukha. Napakalambing niyon at mahinahon kaya’t di maiwasang ngumiti ang kanyang puso. Isang tao lang ang nakapagdudulot sa kanya ng ganoong damdamin. Kung ganoon ay tama nga ang kanyang hinala bago siya mawalan ng malay kanina. Si Lyndon nga ang nagligtas sa kanya.

Buhay nga si Lyndon!

Biglang naging madali na sa kanya ang ibukas ang mga mata dahil sa pagnanais na muling magisnan ito. Pagmulat niya’y isang nakasusulong liwanag ang sumakop sa kanyang paningin na sa wari niya’y nagmumula sa isang flashlight. Nanlalabo pa ang kanyang paningin dahil sa pagkawala ng kanyang malay ngunit naaaninag niya ang isang nakahubad na katawan sa harap niya. Iniangat pa niya ng kaunti ang ulo upang magawi siya sa may mukha nito.

Sa lubusang paglinaw ng kanyang paningin ay tumambad sa kanya si—

“…Migz?...”gagatul-gatol pa niyang nawika habang hindi maitatanggi ang pagkagulat. Nanlaki pa nga ang mata niya dahil hindi niya akalaing ito pala ang lalaking nagligtas sa kanya. Ngunit nangibabaw sa kanya ang pagkadismaya. Umasa lang siyang natagpuan na niya ang taong hinahanap. Ngunit isa lang palang ilusyon ang lahat kanina.

Buti na lang at bumalik na ang kanyang paningin at boses. “Anong…anong ginagawa mo rito?” tanong niya kay Migz. Napansin niyang sa t-shirt pala nito siya nakahiga kaya ito nakahubad nang magising siya. Pero di iyon sapat para mabawasan ang galit niya rito.

Ngumiti ito sa kanya. “Sinundan kita dito sa gubat dahil baka mapahamak nga. Eh, ‘yon nga, napahamak ka na nga. Bakit ba nagtatakbo kang bigla dito, alam mo namang mapanganib?”

Hindi niya alam ang eksaktong dahilan kung bakit siya napapunta roon. Nadala lamang siya ng sitwasyon kaya’t sinunod niya ang utos ni Hilda. Pero alam niyang napunta siya roon para isakatuparan ang kanyang plano. Ang planong alamin ang buong katotohanan. Ngunit bigo siyang mahanap si Lyndon.

“Wala kang pakialam!” sigaw niya rito. Hinigit niya ang nauupuan niyang damit nito at inihagis sa mukha ni Migz. “Umalis ka na rito!”

“Ano bang problema mo, Cielo? Bakit ka ba nagkakaganito? Dahil hindi mo matanggap na mamamatay-tao si Lyndon?”

“Hindi siya kriminal! Ang tunay na kriminal dito ay walang iba kundi ikaw! Akala mo ba, nakalimutan ko na ang sinabi mo kay Peter kanina no’ng papunta tayo dito? Sinabi mong papatayin mo siya!” nanggagalaiti na sa inis si Cielo sa binatang kaharap niya. Ngunit tinawanan lang siya nito.

“Desperado ka na talaga, Cielo. Pati ba naman iyon? Ikaw nga ang nagsimula ng mga kababalaghang iyon, eh. Kaya huwag mo akong sisisihin sa mga walang kwentang bagay. Tara na, bumalik na tayo sa camp.” Inialok ni Migz ang kamay niya ngunit tinaplig lang iyon ng dalaga.

“Sinungaling ka! Hinding-hindi ako sasama sa’yo! Traydor ka! Kriminal!” hinablot ni Cielo ang flashlight. Nahihilo pa rin siya kaya’t pasuray-suray siyang humakbang. Pero wala na siyang pakialam basta’t makalayo lang siya sa lalaking iyon.

“Cielo, saan ka pupunta?” naabutan siya nito at hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang braso.

“Bitawan mo ako, Miguel! Wala ka nang pakialam! Hahanapin ko si Lyndon at hindi mo ako mapipigilan!” nagtagumpay si Cielo na maitulak si Migz dahil sinipa niya ito sa kanyang sentro. Nakakalayo na siya nang sigawan ni Migz. At ang sinabi nito ang nagpatigil sa kanya.

“Patay na si Lyndon!”

Nabitawan ni Cielo ang hawak niyang flashlight at awtomatikong nawalan ito ng ilaw. Nanginig ang kanyang mga kalamnan at naramdaman niya ang maiinit na likidong dumudulay sa kanyang mukha. Binalot ng kadiliman ang kanyang paligid. Ngunit mas matinding kadiliman ang bumalot sa kanyang puso.

NightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon