"Iwanan n'yo na kami dito ni Sophia." Napatitig ako kay Darren matapos niyang sabihin 'yon kaya umalis na rin sina Jamie, Ezikiel, Crystal at Ozu, kasama ng mga anak nila.

Hindi na ako umalis sa puwesto ko. Nananatili lang akong nakatayo dito. Yumuko lang ako samantala siya uminom ng alak nang sandali ko ulit siyang tignan. Tumayo rin siya pero pumunta siya sa likuran ko. Pinakikiramdaman ko lang siya.

"Gusto na ng Mommy ko na umuwi na ako sa Canada. Wala raw kasing mag-aasikaso ng business namin do'n. Nalulugi na 'yon kaya gusto niyang manirahan na ako ro'n kasama siya. Nakahanda na ang flight ko sa susunod na buwan. Matagal kong pinag-isipan 'to pero dahil sa 'yo—"

"Ituloy mo ang nararapat, Darren." Pinutol ko ang sinasabi niya.

Palihim akong nangangatal ngayon dahil sa mga nalaman ko. Pilit kong kinakalma ang sarili ko na huwag umiyak sa harapan niya dahil ayokong kaawaan niya ako. Ayokong mag-away sila ng mommy niya at ako ang maging dahilan no'n.

Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Para akong naging bato.

Sa tinagal-tagal naming nagsasama, hindi ko alam na may nanay pa pala siya, na mayroon pa siyang uuwian na pamilya.

Ayokong manghimasok sa buhay niya kaya nga hindi ko naman naisipan na tanungin siya dati tungkol sa pamilya niya. Gusto ko kasi siya iyong unang magkukusa na magkuwento sa akin tungkol doon.

Pero naging mahina ako. Hindi ko pala kaya na hindi umiyak sa harapan niya. Agad ko siyang nilapitan.

"Napakaduwag mo Beb!" utas ko sa kanya. Sapat lang na siya ang makarinig. "Bakit nagdedesisyon ka ng para sa sarili mo lang? Bakit hindi mo pinaalam sa akin ang tungkol dito? Bakit ngayon lang? Dahil ano? Natatakot kang mamili sa pagitan namin ng Mommy mo? Natatakot kang harapin ako kaya iniiwasan mo ako?"

Nagtuloy-tuloy ng umagos ang mga luha ko.

"Bakit naging makasarili ka? Bakit hindi mo ako kinausap? Maiintindihan ko naman, e. Kaya ko namang maghintay, kaya naman kitang hintayin kahit matagal!"

Hindi na rin niya napigilang hindi maluha kaya niyakap niya ako.

Masakit isipin na iiwanan niya lang pala ako matapos kong buuin 'yong pangarap ko na siya na 'yong makakasama ko panghabang buhay. 'Yong mga pinapangarap ko na balang araw haharap kaming magkasama sa altar. Bubuo kami ng sarili naming pamilya. Magkakaroon kami ng mga anak.

Pero dahil sa nalaman ko naging malabo ang lahat nang 'yon.

Anong laban ko sa Mommy niya? Anong kaya kong itulong para sa business nila? Isang papasikat pa lang ako na modelo kaya wala pa akong puwedeng maipagmalaki sa pamilya niya dahil alam kong mayaman sila. Isa pa, ni hindi ko pa nakikila kung anong klase ng tao ang Mommy niya, kung magugustuhan ba ako nito.

Mas lalo tuloy akong napaiyak.

"I'm sorry, beb." Hinigpitan niya ang yakap sa akin. 'Yon na lang ang nasabi niya. Nag-iiyakan na kaming dalawa.

Pero kailangan kong maging matatag para sa amin. Naniniwala akong isang malaking pagsubok lang 'to sa relasyon naming dalawa.

Bumitaw ako sa pagkakayakap niya sa akin at lakas loob ko siyang hinarap.

"Sige, susuportahan kita sa gusto ng Mommy mo, Beb. Pero sana mangako kang babalikan mo ako. Maghihintay ako. Hihintayin kita. Hindi ko kayang mawala k—"

Naputol ang sinasabi ko nang bigla niya akong halikan. Dinama ko naman iyon baka sakaling hindi ko na siya mahagkan sa mga susunod na buwan. Nagtagal 'yon habang umiiyak kami.

Hanggang sa bitawan niya ako nagyakap ulit kami.

"Beb, alam mo kung gaano kita ka-mahal 'di ba? Mahal na mahal kita. Alam mo 'yon 'di ba? Oo naging duwag ako. Pasensiya na kung naging makasarili ako. Pero hindi ko inaasahan na iyan pa ang maririnig ko mula sa 'yo."

Hinawakan niya ang magkabila kong kamay.

"Alam mo ba'ng dahil diyan sa mga sinabi mo na-realize kong mas mahalaga kang sundin kaysa kay Mommy?"

"No! Beb, 'wag mong sabihin sa akin 'yan. Huwag mong ikukumpara ang Mommy mo sa akin."

"Pero Beb—"

"Mommy mo pa rin siya, Beb." Natigilan siya at tumango-tango nalang. "Basta, mangako ka. Ipangako mo sa akin na babalikan mo ako kahit anong mangyari."

"Pinapangako ko, Beb," mabilis niyang sagot. Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap niya sa akin kaya dinama ko 'yon.





(Book 1)Written by MsjovjovdPanda2017 All Rights Reserved

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

(Book 1)
Written by MsjovjovdPanda
2017 All Rights Reserved

Votes | Comments | are highly appreciated

Thank you so much, JOVinians

— Miss Jov 💕

I'm Destined with the Chick Magnet King (Book 1)Where stories live. Discover now