Prologue

83.3K 1.6K 435
                                    

Prologue

FAVORITE FOOD #1: Rice + Extra rice

FAQ 1: Nasubukan mo na bang mag-diet?

COMMON REPLY: Opo, pero ang sarap kasing kumain!

DEEP INSIDE: Bakit affected ka? Sa 'yo ba ako humihingi ng pang-kain?

IMBYERNA #1:Mga babaeng payat na nagpo-post ng picture na may caption na: "Ang taba ko!" o "Kailangan ko nang mag-diet!" Magkaaminan tayo, girl. Nagpapapansin ka lang. Gusto mo lang sabihin sa 'yo ng mga tao na hindi mo kailangang magpapayat, imbey kang bruha ka. Sarap mong kalusin.

__

Ako si Eulalia Lion a.k.a. Yuli. Mataba ako.

Wala nang sasaklap pa sa buhay ng isang mataba kundi isang kapatid na payat. Parang pinagtitripan ka ng tadhana. Kung anong ikinalaki ng tiyan mo, siyang ikinapayat ng kapatid mo. At iisa ang school ninyo. Lahat nagtatanong sa 'yo, "Bakit ikaw mataba, ate mo hindi?"

Hindi ko alam! Hindi ko alam kung baket! Wala akong picture kahit noong bata ako na nagpapakitang payat ako. Ako ang tipo ng batang umuuwing puro pasa dahil sa maghapong kurot ng mga tao kapag namamasyal ang pamilya. Cute daw ako, nakakatuwa. Sana kahit matanda na ang isang tao, cute pa rin kapag mataba. Pero hindi ganoon ang sitwasyon.

Love life? Wala ako niyan. Inggit na inggit ako sa ate kong maya't maya kung makatanggap ng love letter. Nangarap akong makatanggap ng mga ganoon. Hanggang sa maisip kong kahit isa lang, keri na. Actually, kahit note lang, puwede na. Gusto ko lang makatanggap ng sulat galing sa isang taong may crush sa akin. Pero walang sulat na dumating.

Kinder. Maagang tumibok ang puso ko. Ang pangalan ng salarin sa maaga kong paglandi ay John Lancelot Domingo. Anak siya ng teacher at sikat sa school dahil doon. Mula kinder hanggang grade 6, siya ang crush ko. Taon-taon siyang escort. Guwapo kasi talaga. Siguro napansin niyang patingin-tingin ako sa kanya sa loob ng pitong taon naming magkaklase, nakahalata rin. Hindi lang siya ang nakahalata, pati 'yong kaibigan niyang si Enrique Magalang. Sa tuwing makikita nila ako, magtatawanan sila pagkatapos magbulungan. Ang saklap, dahil siya ang una kong puppy love. Hindi pa uso ang malalanding bata, tumibok na ang puso ko para kay John Lancelot. Alam mo ba kung gaano kasakit kapag pinagtatawanan ka ng crush mo sa rasong hindi mo kontrolado? It hurts talaga. Iyan ang una kong kabiguan.

Ryan Acuin, Sylvester Reyes, Charlie Padar, Reynaldo Farriols… ang mga lalaking ito ang naging crush ko noong high school. Ni hindi nila alam na humihinga ako sa mundo. Puwede rin palang mangyari 'yong kahit kasing-lapad ka ng pader, parang hindi ka nakikita ng crush mo? Siguro obvious ako masyado na crush ko sila, at siguro nababaitan sila sa akin para mahiya ako kapag tumawa sila nang harapan kaya umiwas na lang silang lahat. Para doon, salamat, boys.

Heto na ang college. NBSB pa rin ako pero okay lang kasi bata pa naman ako. Pero 'yong maging NMSB (No Manliligaw Since Birth) ay parang medyo nakakahiya naman. Pero anong magagawa ko, sa walang nangliligaw sa akin?

At hayun siya, si Joaquin—long hair, medyo short in height, chinito, ang kinis ng kutis, ang guwapo-guwapo Nagtutumili ang puso kong sawi. Parang slow motion siya gumalaw sa paningin ko. Siguro dahil in love na in love ako. Sa tuwing makikita ko siya… ♪♫why do birds suddenly appear…♪♫ Para akong nagsu-swimming sa ocean of love. Kaya ko siyang titigan kahit ilang oras, promise! Baliw na baliw ako sa kanya na walang oras na hindi ko siya naiisip.

OMG. Ngumiti siya sa akin. Hihihi!

At sobrang desperada ako sa pag-iisip na baka may crush siya sa akin kaya binibilang ko kung ilang ulit siyang tumitingin. Bawat sulyap niya, isang ganda point sa akin. Kinontrata ko ang mga kaibigan ko—sina Pablita at Ruthie, sabi ko bilangin nila kung ilang sulyap ang ibibigay sa akin ni Joaquin kapag hindi ako nakatingin. Tuwing uwian, binibilang ko ang total stare. Kung minsan inaabot ng 30 plus. Langit na langit na.

Umasa ako. Medyo todo ang pag-asa ko. Masisisi mo ba ako kung inlababo ako? First love. Isa pa, ipinakita niyang parang may gusto rin siya sa akin. Sino ba namang lalaki ang titingin sa isang babae nang ganoon karami sa isang buong araw lang? Wala naman akong utang sa kanya. 'Tapos, madalas niya akong yayain sa kung saan-saang gig nila (banda kasi siya) at ako naman, oo nang oo. Kaso, kung kelan ako a-attend ng gig nila, saka ako tinubuan ng bulutong! Nakakainis! Two weeks akong hindi nakapasok sa school dahil puro bulutong ang mukha ko.

At sa loob ng dalawang linggong 'yon, may isang ahas na pumulupot kay Joaquin. At na-loss ang mataba.

Umiyak talaga ako. Ang sakit talaga. Dalawang linggo akong may sakit, pagbalik ko sa school, sila na. Carmel. Iyan ang pangalan ng haliparot. Friend ko siya. Oo, friend ko pa. Hindi close friend pero friend pa rin. Siguro naman nararamdaman niyang may gusto ako kay Joaquin, pero sinumpong ng kalandian at siyempre, daig ng malandi ang mataba.

Ang mataba kasi, kahit naglalandi na e hindi masyadong halata. Parating iniisip ng boylet na nagiging friendly lang. Kasi pag mataba, inaasahan nang comedy, jokester, clown, mascot. Ang dami kong lalaking friends. Pero ayoko na ng lalaking friends! Gusto ko, boyfriend. At gusto ko lang si Joaquin sana. Pero… sila na ni Carmel.

Hindi naman maganda si Carmel, makinis lang at maporma. Mas maganda ako sa kanya, pero mas mataba rin. Sa buhay na ito, daig ng chakang sexy ang may hitsurang mataba. Tama?

Heartbroken ako. Todo. Pero nag-break din sila after three months.

Celebration!

Ako ang kasama ni Joaquin sa araw na nag-break sila. O, bongga, di ba? Umaariba ang mataba… Pero hanggang doon lang kami—kuwentuhan, paramdaman. Hindi talaga pumorma ang lintik. Hanggang sa nag-graduation na at nagkanya-kanya na kaming buhay. Nalaman-laman ko na lang, ikakasal na siya sa iba.

I therefore conclude, hindi niya ako niligawan dahil siguro nahihiya siyang magkaroon ng girlfriend na mataba.

Pero 'ika nga, digital na ang karma. A few years later, tiningnan ko siya sa facebook. Ang gandang revenge! MATABA NA RIN SIYA! HAHAHAHA! At ang pinakasalan niyang babae? Hindi naman sa namimintas ako pero parang kulang na lang sumakay sa walis tingting at lilipad na sa gabi. Isa na namang patunay na daig ng chakang payat ang may hitsurang mataba. Tama?

Si Lancelot naman, iyong crush ko noon, well, nagmukha na nga siyang jejemon, nabungal pa. HAHA!

At ako? Well, folks, tulad ng mga taba ko, ang angkin kong kagandahan ay hindi kumukupas. Naks!

Funny how time flies... ilang taon na rin pala ang lumipas mula nang maka-graduate ako. I'm now twenty-six years old, five-three, one hundred-sixty pounds, single, NBSB at NMSB. Naisip ko, kailangan ko nang tapusin ito. At kung maghihintay akong may manligaw sa akin, baka amagin na ako at ma-expire, dalaga pa rin ako.

Dumating na ako sa puntong gusto kong maranasan magka-boyfriend. At ngayong araw na ito ang magmamarka sa kalendaryo na hindi na ako mauuwi sa sulyap-sulyap lang. I will take action! Kikilos ng bonggels ang mataba para hanapin ang pag-ibig!

Kaya humanda ang ka-blind date ko mamaya. Ilalabas ko ang itinatago kong alindog. Hindi nila alam, sa likod ng mga bilbil ko ay nagkukubli ang isang diyosang mapang-akit... Sana kayanin ng powers ko!

Diary ng Chubby [Published under PHR]Where stories live. Discover now