28. Estranghero

759 36 8
                                    

Ako ang estrangherong nalampasan mo nang minsan kang magmaneho ng motorsiklo. Hindi ka pa magaling magmaneho. Mabagal at gegewang-gewang. Dahil doon ay kahit naglalakad, nagawa kitang sabayan.

Ako ang estrangherong nakasabay mo sa pila sa tapsilugan ni Aling Baby. Bahagya pa akong natawa nang walang pakundangan mong isanabaw sa iyong kanin ang ketchup.

Ako ang estrangherong nag-abot sa iyo ng iyong panyo matapos itong mahulog habang naglalakad ka papasok sa eskuwela. Ni hindi ka man lamang nagpasalamat sa akin.

Ako ang estrangherong ilang libong ulit na pinatay ng kalungkutan dahil isa lamang akong estranghero sa iyo.

Pero hayaan mo, mawawala rin ang kalungkutang ito. Babalik-balikan ko na lamang sa aking isipan ang isang tagpo sa aking buhay na minsan, siyam na buwan mo akong itinuring na iyong tahanan at hindi ako isang estranghero sa iyo. Na minsan, ako lamang at walang iba ang tangi mong kakilala, anak.

150 mga salita

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon