Entry #7: When They Hurt You

43 1 1
                                    

Copyright © 2014

Anne Joo Sell

-----

When They Hurt You

-----

Minsan hindi maiiwasang masaktan ka ng mga taong 'di mo aakalaing masasaktan ka nila. Alam mo 'yung pakiramdam na sana alam mo lahat ng nangyayari? ..ng nararamdaman nila? Para alam mo rin kung ano ang dapat mong isipin at para hindi ka na rin mabaliw sa kakaisip kung ano bang nangyayari? Bakit marami kang hindi maintindihan? Pero..

..wala kang magawa kasi hindi ka makapagtanong. Hindi mo makuha 'yung sagot na hinahanap mo kasi napakakumplikado ng sitwasyon.

Minsan, ang sarap hilingin na sana mawala ka na lang bigla. 'Yun bang, parang hindi ka nag-exist sa mundo... hindi ka nangyari. Kapag sobrang masakit na kasi, mahirap kayanin ang pakiramdam na ibinibigay nun. Iba kasing sakit 'yun eh. Hindi literal na masakit, hindi rin nakakamatay na sakit pero, ito 'yung klase ng sakit na naghihirap ang kalooban mo, hindi ka makahinga sa bumabarang bigat sa damdamin. Parang sinusugatan ka ng walang tigil pero kahit anong iyak mong tama na, sana mamatay ka na lang, walang nangyayari, hindi naiibsan ang sakit, patuloy pa rin, parang walang katapusan.

Nakakapagod 'pag paulit-ulit. Parang walang katapusan. Hanggang kailan ba? May mas matindi pa ba? May mas masakit pa ba? Hindi mo maiiwasang itanong ang mga 'yan. Pakiramdam mo binalot na ng dilim ang mundo mo at hindi mo alam kung permanente na bang ganyan o may pag-asa pa bang lumiwanag ulit.

Nakakalungkot lang minsan. May mga pagkakataon talagang masasaktan ka nila kahit hindi nila alam na nagagawa nila. Na tumatawa sila sa oras na umiiyak ang puso mo. Pero wala kang karapatang ipagsigawan iyon sa kanila dahil isa 'yong kahangalan. Kaya nga minsan parang naniniwala ako sa sinasabi ng iba na sa mundo, wala ka nang ibang mapagkakatiwalaan kundi ang sarili mo lang. Wala ka na dapat asahang kakampi kundi sarili mo lang. Kasi, kahit gaano ka pa magpanggap o magtago ng nararamdaman mo sa iba, hinding-hindi mo magagawang magsinungaling sa sarili mo.

Parang joke ang buhay. Minsan halos malaglag ang panga mo sa kakatawa, at minsan para kang baliw na umiiyak gaya ni Sisa. Parang gulong 'di ba? Paikot-ikot, paulit-ulit. Kahit ako hindi mapagtanto kung ganito na lang ba habang-buhay o kung pwede bang mamili na lang sa dalawa at iyon na lang ang maramdaman. Kahit anong gawin ko, ito pa rin ang ikot ng mundo. Hindi na 'ko makaalis. Hindi na ako makalayo. 

Sana kung saan man ako dalhin nito, mahanap ko na 'yung kasagutan na hindi ko alam kung sa'n ko ba makukuha. Saan nga ba? Ewan, nakakapagod rin pala ang mag-isip. Nakakatawa dahil kahit sa bagay na 'yan wala akong magawa. Paano nga ba iexplain ang lahat kung bago pa ako dumating sa mundong ito ay ganito na? Bago pa ang lahat, ito na ang takbo ng mundo. Ito na 'yung ikot. Ako lang naman ang nakisabay kaya hindi ko talaga alam kung saan papunta 'to.

Siguro nga may pagkakataong akala natin alam na natin lahat, alam na natin ang dapat gawin. Pero may mga pagkakataong sa buhay na isasampal sayo na minsan mahina ka rin, na minsan wala kang alam, minsan wala kang magawa. Sabi nga nila, kapag marami ka nang alam, marami ka pa ring dapat malaman. Ang kahanga-hanga lang talaga ay iyong milagrong nakakatawid ka pa rin kahit alam mong mapuputol na ang tulay. Nakadungka ka pa rin, kahit na may butas ang bangka. Ganoon kasi kahiwaga ang buhay, may mga nakakagulat na pangyayari kung saan naaambunan ka nang pag-asa sa mga panahong tuyot na ang determinasyon mong lumaban.

Siguro kailangan lang na magtiwala pa. Kailangan mo pa munang kilalanin ang sarili mo. Kailangan din sigurong mahalin mo nang sobra ang sarili mo sa puntong kahit may pagkabaluktot ka ay tanggap mo parin ang sarili mo. Nang sa gayon, kahit malagay ka pa sa sitwasyong subsob ka na at wala ng pakialam ang iba na tulungan ka, may lakas pa rin na magmumula sa loob mo, na pipiliting tumayo at bumangon at magpatuloy.

Kapag sinaktan ka nila, ano ang gagawin mo?

Dapat alamin mo. Iba-iba tayo. Iba-iba tayo ng diskarte sa tanong na ito. Pero ang dapat lang nating pare-parehong tandaan ay kapag sinaktan nila tayo, huwag tayong manakit pabalik. Huwag nating gawin sa kanila kung anuman ang ginawa sa atin. Sige umiyak ka, magmukmok ka ka, sumigaw ka, magwala ka. Pero siguraduhin mo sa sarili mong hindi ka magkakaganyan habang-buhay. Ipangako mo sa sarili mo na ngingti ka pa rin, tatawa ka pa rin, magpapatawad at magpapatuloy. Kasi hindi dapat nauuwi sa trahedya ang bawat storya. Oo, may mga kontrabida pero tandaan mo, hindi totoong imposible ang happy na ending. Depende 'yon sa gumaganap sa storya. At tandaan mo na, ikaw ang higit na may kakayahang patakbuhin ang storya mo, hindi sila.

Again, when they hurt you, what will you do?

Sa tanong ko na ito, mag-isip ka na. Bawat oras kasi may posibilidad na masaktan ka kaya dapat naghahanda ka na pero kung ako ang tatanungin mo may naisip na ko na sagot diyan. Mahirap siya pero ito lang ang pinamagandang paraan sa lahat.

Kapag sinaktan ka nila....

MAHALIN mo sila :)

GBU

-------

Open Journal (on-going)Where stories live. Discover now