Sa Pagitan Ka Natagpuan by Mai Mai Cantillano

4.8K 38 0
                                    

Parati kong naririnig
ang dalawa sa mga uri ng pag-ibig
Ang Tamang pag-ibig ngunit maling panahon
At tamang panahon, ngunit maling pag-ibig
Hindi ko alam kung alin tayo dun sa dalawa
Kung tama pa bang may tayo o kung mali na
Nasaan ka na ba?
Hindi na ba talaga tayo magkakatagpo?
Dahil kung ito'y tagu-taguan,
Hindi ko alam kung sino sa atin ang taya
At kung sino sa atin ang nawawala
Napakaliwanag ng buwan
Ngunit hanggang ngayon
hindi pa rin tayo magkakitaan
Hindi ko alam kung sino satin
sa atin ang nagtatago
Dahil matagal nang tapos
ang isa hanggang sampu
At matagal na rin akong lumabas
mula sa'king pinagtataguan
At ngayon, patuloy na naglalakad
sa kawalan na dati ay kalawakan
Kalawakan na sabay nating pinagmamasdan
Sa ilalim ng nagniningning na mga bituin
Kasama ang mga alitaptap
na sumusulyap sa pag-ibig natin
Ngunit sino bang nagtatago?
At sino ang naghahanap
Lumalalim na ang gabi
Ngunit hanggang ngayon wala ka pa rin sa aking tabi
Kaya't sabi ko
Hindi na ako pwedeng maglaro
Hahanapin kita kaya't ako'y tumayo
Wala akong pakealam kung ako ma'y madapa
O kung ako ma'y mataya
Isinantabi ko ang takot ko sa dilim
At sa kung anong nasa likod ng dilim
Mahanap ka lang
Makita ka lang
Dahil kailangan kitang bawiin sa tadhana
Hindi ko alam kung paano, bahala na
Basta hahanapin kita
Kahit nasaan ka pa
Hahanapin kita
Hahanapin kita
At nakita na nga kita
Nakita na kita
Natagpuan kita sa pagitan ng gabi at umaga
Hindi alam kung magpapatuloy pa
Kung nanakawin pa ba ang mga tala para sa akin
Dahil ang sabi mo kahinaan ko ang mga bituin
Natagpuan kita sa pagitan ng laban at paalam
Nakikipagdigma sa tadhana
Dahil ang sabi mo, iyon ang tama
Natagpuan kita sa pagitan ng ngayon at bukas
Masaya ngunit lumuluha
Hindi ko alam kung anong paniniwalaan ko
Kung ang ngiti mo ba o ang luha mo
Natagpuan kita sa pagitan
ng mahal kita at ng minahal kita
Ngunit nagdurugo ka na
Patawad
Patawad
Dahil kung minsan, mas nauuna pa
ang bibig kong pumutak
Kaysa mag-isip ang kulubot kong utak
Patawad dahil kung minsan
Mas nauuna pa ang pagmulat ng aking mata
Kaysa sa pagtibok ng puso kong hinahapo na
Patawad dahil kung minsan
Binabalewala ko ang tenga mong
hindi napapagod sa
pakikinig sa bawat pantig na niluluwa
ng aking bibig
Kahit kadalasan wala naman talagang kwenta
ang mga binibitawan kong salita
Patawad
Kung isa ako sa naging dahilan ng pagsikip
ng 'yong mundo
Kung ang dating payak
ay naging komplikado
Patawad
Patawad
Kung isa ako sa naging dahilan
at kung isa ako sa nagbaon ng takot dyan sa loob mo
Na unti-unting lumaki at ngayon
ay iyo nang inaani
Patawad
Kung mas pinili kong magtago
Para lang hanapin mo
Kahit na alam ko na ang mas dapat mong hanapin
ay ang sarili mo
Naging makasarili ako
Kaya't heto, nagkasalisi tayo
Sabay tayong naghanap
Ngunit sabay rin tayong nagtago
Nakakapagod pala ang laro
Kung akala ko kasing simple lang ito
ng pagbilang mula isa hanggang sampu
Ngunit hindi
Hindi pala
Kaya't patawad
Dahil hindi na kita kayang makitang
nagdurugo pa sa pagitan
Ng gabi at umaga
Ng laban at paalam
Ng ngayon at bukas
At ng mahal kita at minahal kita
Hindi na kita kayang makitang nasasaktan pa
Kaya't mahal,
Malaya ka na.

A/N: Eto po yung 2nd piece ni Ate Mai MaiIsa. Isa pinaka hugot piece na talagang makakarelate lahat.

Spoken Words And Hugot Lines.जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें