Inilibot niya ang paningin sa buong sala ngunit wala naman si Ate Ana. Paano nangyari na narito ang kaklase ni Ate Ana mula sa Maynila ngunit wala naman ang pinsan niya?


"She's dead."


Napatanga siya nang magsalita ang lalaking bisita nila. Tumayo ito mula sa kahoy nilang sofa. At halos malaglag ang panga niya ng makitang napakatangkad pala nito.


Ang mukha ng lalaki, napakaguwapo. At ngayon lang nakakita si Isyang ng ganoong mukha. Mas guwapo pa sa artista! At ang mga mata nito, kulay berde! Foreigner yata ang kaklaseng ito ni Ate Ana.


"Patay na ang Ate Ana mo." Mababa ngunit may tigas ang tinig nito.


Patay? Napakurap si Isyang. Hindi niya gaanong naunawaan ang unang sinabi nito, hindi dahil sa Ingles ang lenguwahe, kundi dahil sa may accent ang lalaki. Pero nang mag-Tagalog ito ay buong-buo ang boses, sanay sa wikang Tagalog ang foreigner na ito!


"P-paanong namatay si Ate Ana?" Nilapitan niya ang umiiyak na tiyahin at niyakap siya nito. Napaiyak na rin siya matapos tumimo sa kanyang batang isipan ang masamang balita. 


Pinanlalamigan siya ng katawan. Pakiramdam niya'y nasa isang bangungot siya na nakakatakot.


Hindi man sila close ni Ate Ana ay mahal niya ito. Mahal niya ang pinsan dahil anak ito ng babaeng nag-aaruga sa kanya. At tuwing nangungulila ang Tiya Pat niya kay Ate Ana ay siya ang umaaliw sa tiyahin niya.


Ayon sa lalaking nagpakilalang Kaden Vox, walang awang hinalay at pinatay raw ng isang drug addict ang pinsan niya ng isang gabing ginabi ito sa labas. Nakita na lamang daw kinabukasan ang kawawang bangkay sa isang kalsada. 


Hindi na ipinaliwanag pa ni Kaden ang lahat ng detalye kahit anong pagpupumilit ng tiyahin niya. At hindi na rin kayang tanggapin ng bata niyang isipan ang mga nangyari.


Nang makaalis ang kanilang bisita ay nagkulong na sa kuwarto nito ang kanyang tiyahin.


Alam niyang hindi makaka-attend sa funeral ni Ate Ana niya si Tiya Pat. Magkagalit ito at ang bagong pamilya ng dati nitong asawa. Bukas na ang libing ni Ate Ana, hindi niya tuloy alam kung paano niya aaluhin ang nagdadalamhati niyang tiyahin.


...


KINABUKASAN ay pinuntahan ni Isyang ang kuwarto ni Tiya Pat, natutulog pa rin ang tiyahin niya. Ayaw niya sana itong istorbohin ngunit gusto niyang magyaya sa Maynila. Gusto niyang makita kahit man lang ang puntod ng pinsan niya. At alam niyang iyon din ang nais ni Tiya Pat.


"Tiya..." Inalog niya ang nakahigang babae. "Tiya, nailibing na siguro si Ate Ana. Punta na po tayo sa sementeryo..."


Alam niyang magdamag itong umiyak. Alam niya dahil naririnig niya ito mula sa kabilang kuwarto na manipis na plywood lang ang pagitan sa kinaroroonan ng kanyang tiyahin.


"Tiya... tara na po... mangutang na lang po tayo ng pamasahe sa mama ni Judas." Pero kahit anong alog niya ay hindi gumigising ang Tiya Pat niya.

Fall For YouWhere stories live. Discover now