Chapter 3

4.4K 67 4
                                    



Muling napakurap si Mia nang marinig ang pormal na katanungan. Biglang humulas ang paghangang iniuukol sa perpektong kaguwapuhan ng aristokratikong mukha ni Idan. Dali-dali niyang binawi ang paningin.

Lihim siyang nagpasalamat nang makita ang panyong nahulog sa sementong pavement. Naitago niya ang pamumula ng mga pisngi sa ilalim ng lumugay na mahabang buhok nang yumuko upang damputin ang panyo.

"Oo."Kalmado na uli siya nang tumuwid ang pagkakatayo. Isinuksok niya ang panyo hanggang sa kailaliman ng bulsa ng white skirt, upang itago ang panginginig ng mga daliri.


Tinitigan siya ng lalaki. Naghihintay sa iba pang sasabihin niya.

Ngunit ang pinto sa pribadong sarili ni Mia ay parang kabibe ng perlas. Dagling sumasara kapag may naramdamang panganib. Ang dalawang taong kaharap ba niya ngayon ay may taglay na panganib...?

Pinilit niyang ngumiti nang natural kay Bella.

"Nandito na ang Daddy mo. 'Bye, Bella."Pilit ang pa-kaswal na paalam niya. Sa maikling panahong pagkikilala, nagkapuwang na agad sa kalooban niya ang bata.

"Aalis ka na, Mia?"Basag na naman ang tinig ni Bella.

"Oo, Bella. May appointment akong pupuntahan mamayang two o'clock."Sinulyapan niya ang suot na wristwatch. One-twenty na. "Nag-lunchbreak lang ako dito sa zoo."Nagpaliwanag si Mia sa bata, pero mataman ding nakikinig ang ama.

"I want to see you again, Mia"ang prangkang pahayag ni Bella. "Can I have your address and phone number?"

Napasulyap muna si Mia sa matangkad na lalaking tahimik na nakamasid bago sumagot. "Cell number lang ang maibibigay ko sa'yo, Bella. Wala pa kasi akong permanent address."

"Okey lang! Kukuha ako ng pen and notebook!" Lumuhod si Bella sa pavement habang kinakalas ang nakasukbit na kulay hot pink na mini-backpack sa likod at maliksing binuksan ang zipper.

"A cell number is also not permanent,"ang banayad na sambit ni Idan Alvarez. "Bagong dating ka lang ba dito buhat sa Cebu?"

Napilitan lang na tumango si Mia.

"Since when?"

"T-two days ago."Sumagi sa isip niya ang magsinungaling pero piniling magsabi na lang ng tutoo.

"Two days ago,"ang marahang ulit ng baritonong tinig. Lalong sumidhi ang panunuri sa mga mata ni Idan habang nakatitig sa mukha ng dalaga.

"Pakisulat na lang dito, Mia,"sabad ni Bella habang iniaabot ang kulay pink na mini-notebook at katernong mini-ballpen.

Agad na tumalima si Mia upang maialis ang pansin kay Idan.

"Puwede ka ba naming ihatid sa pupuntahan mo bilang pasasalamat sa oras na inaksaya mo kay Bella?" alok ng lalaki nang muling naging abala sa pag-aayos ng gamit ang bata.

Bigla ang pagsulak ng emosyon ni Mia. Namalayan lang niya nang sumabog na. "Hindi ako nag-aksaya ng oras kay Bela!"angil niya, pero mahina lang.

May kumislap sa kailaliman ng mga matang madidilim. Tila isang malayong bituin. "Sorry, ma'am, I stand corrected." Bahagyang kumiling ang aroganteng ulo. "Pero siguradong maaaksaya ang oras mo sa pag-aabang ng masasakyan patungo sa pupuntahan mo—kaya sumabay ka na."

My All [KathNiel]{Completed}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon