"Sabihin niyo nga may kailangan ba akong malaman na hindi niyo ba sinasabi sa akin?" ang tanong ko sa kanila na halos mapanguso na ako at mapakunot ang noo habang nakatingin ako sa pinsan kong si Justine na napatingin din sa akin nang madinig niya ang tanong kong iyon.


"Ano ka ba? Kung ano-ano iniisip moa yaw lang naman namin na mabinat ka at bukod doon ay ayaw lang namin na mag-isip ka ng ibang bagay bukod sa pagpapagaling mo, pag magaling ka na at nakapasok ka na bukas ay tiyaka mo na isipin ang ibang bagay okay?" ang sabi ng pinsan ko na parang ginamit pa ang sama ng pakiramdam ko para di sagutin ang tanong ko sa kanila.


"Mabuti kumain na tayo, baka lumamig na itong pagkain natin." Ang sabi ni Kaloy upang ilihis nang tuluyan ang usapan at wala na din akong nagawa pa dahil tumayo na si Justine mula sa pagkakaupo sa aking kama at inayos ang lamesita malapit sa aking kama at doon ay ipinatong nila Kaloy ang tray na dala nila, at nakita ko na ang laman ng mga mangkok ay mainit na sopas.


"Dito na kami kakain, sasabayan at sasamahan ka na naming kumain." Ang sabi ng pinsan ko at ngumiti siya sa akin at ngumiti din ako sa kanya. "Teka ano ba 'tong envelope na 'to?" ang tanong ni Justine nang mapansin niya ang plastic envelope ng mga dokumento ko para sa nalalapit kong pag-alis na kinuha niya mula sa side table na malapit sa kama ko, agad akong napatayo sa kama ko at mabilis na inagaw iyon kay Justine.


"Wa-wala 'to, mga mahahalagang certificates ko lang 'to." Ang sabi ko sa kanila na nakatingin pa sa akin dahil sa pagkabigla sa aking ginawa na pag-agaw sa envelope kay Justine.


"Grabe naman ang reaksiyon mo para sa mga cerificates ah, siguro mga love letters yan ni..." ang hindi na natuloy pang sabihin ni Orly dahil mahina siyang siniko ni Kaloy. "Ang ibig kong sabihin ay love letters yan nila mama at papa mo dati." Ang tangi na lang niyang sinabi kahit na alam kong ang gusto niyang sabihin ay love letters iyon ni Arwin, pero kahit ano naman sa dalawa ay mali pa din siya, dahil hindi love letters ang laman ng envelope na hawak ko.


"Hay naku mabuti pa ay kumain na lang nga tayo bago pa kung saan mapunta ang usapan na ito." Ang sabad ni Kaloy para lamang matigil ang usapan na patungo na sa amin ni Arwin, kinuha niya ang isang mangkok ng sopas at pagkatapos ay lumapit ito sa akin. "Kaya mo na ba kumain ng hindi susubuan?" ang tanong sa akin ni Kaloy, nakatingin ako sa kanya at naupo sa aking kama, itinago ko sa ilalim ng aking unan ang plastic envelope at iniligay ko naman sa ibabaw ng aking unan ang panyo na halos di ko na binitawan.


"Oo kaya ko na. Salamat." Ang sagot ko at agad ko nang kinuha ang mangkok ng sopas kay Kaloy, pagkatapos noon ay naupo sila sa sahig at doon sa lamesita na inayos ni Justine sila kumain na nakaharap pa sa akin. Napatingin ako sa sopas na hawak ko noon, dahil nga kakagaling ko lang sa sakit ay di pa ganoon kayos ang pang-amoy ko at tiyak na ganoon din ang aking panlasa pero ang sopas na hawak ko sa aking kamay noong mga sandaling iyon para bang kilala ko na agad kung sino ang nagluto kahit na hindi ko ito naaamoy at natitikman pa.


"Luke ayos ka lang ba? May nararamdaman ka ba?" ang tanong sa akin ng aking pinsan na may pag-aalala habang may laman pa ang bibig nang mapansin niya na tinititigan ko lang ang sopas na hawak ko, tumingin ako sa kanya at ngumiti at kasabay noon ay isang iling lamang ang aking itinugon.


"Sige na kumain ka na Luke, masarap 'yang sopas kahit na ininit na lang namin, kagabi pa talaga 'yan eh kaso di ka na gumising kagabi kaya naisipan namin na iinit na lang namin." Ang sabi naman ni Kaloy at ngumiti din ako at sabay tango sa kanya, pagkatapos ay muli kong hinarap ang sopas na hawak ko, kinuha ko ang kutsara at sumalop ako ng sopas at agad koi tong isinubo, at sa pagsubo ko at hindi ko pa nalalabas ang kutsara sa bibig ko nang mga sandaling iyon ay doon ko napagtanto na hindi panaginip ang kagabi, nang mga sandaling 'yon gusto ko umiyak pero tinatagan ko ang loob ko.


Tama ang sopas na ito, hindi ako pwedeng magkamali, si Arwin ang gumawa nito, ang lasang ito ay ang lasa na hindi ko makakalimutan, tama, totoong nandito siya kahapon at inasikaso niya ako, matiyaga niya akong pinunasan hanggang sa bumaba ang lagnat ko, narinig ko ang paghingi niya ng tawad noon, narinig ko ang pag-iyak niya. Nang mga sandaling iyon nilingon ko ang panyo na nakalagay sa ibabaw ng aking unan, at di ko naiwasan na mapangiti kasabay ng pagbagsak ng aking luha na agad kong pinunas.


"Luke ayos ka lang ba?" ang tanong ng aking pinsan na agad akong nilapitan at naupo sa aking tabi, at kanyang pinunas ang mga luha ko na patuloy pa din sa kanilang pagbagsak. Kinuha ni Kaloy ang mangkok ng sopas na aking hawak at pagkatapos ay mabilis akong niyakap ng aking pinsan. "Tahan na Luke, tahan na, halos hindi ko na makita sayo ang masayahin na pinsan ko, tahan na Luke, tahan na pinsan kong bubwit." Ang sabi ng aking pinsan kasabay ng paghagod niya sa aking likod upang ako ay mapatahan.


Noong hapon ng araw na iyon ay muli akong naiwan na mag-isa sa aking kwarto, pumasok na kasi sila Justine nang sumapit ang tanghali, patuloy pa din ang pagbuhos ng ulan kaya naman bumaba ako sa aking kama at pagkatapos ay naglakad palapit sa bintana ng aking kwarto at doon ay ako ay dumungaw upang pagmasdan ang pagbuhos ng ulan, ang pagdilig nito sa buong paligid. Napatingin ako sa kalangitan at napatulala na lamang ako sa madilim na kalangitan dahil sa makakapal at itim na ulap na bumabalot dito.


"Salamat. Salamat. Salamat." Ang paulit-ulit kong sabi habang nakatitig pa din sa madilim na kalangitan, umihip sa akin ang malamig na hangin na may kasamang pag-anggi, at kasabay noon ay aking naramdaman ang pag-agos sa aking mukha ng aking mga luha. "Salamat, Drop, salamat Arwin. Salamat sa lahat." At napayuko na lamang ako at napahawak sa kwintas na aking suot, ang kwintas na naging tanda at saksi sa pagsisimula namin ni Arwin, ang kwintas na siyang nagtataglay ng lahat ng alaala naming dalawa.


Kinabukasan ay nagpasya na akong pumasok, bago ako umalis ng bahay ay nakareceive ako ng text message mula sa ticketing agency na aking tinawagan noon, at sa text na aking nareceive ay ipapadala na sa akin kinabukasan ang ticket ko papunta ng Canada, at ang ilang detalye pa sa aking flight kasama na roon ang araw ng aking pag-alis, at ang buong linggo na lamang na ito ang nalalabi para sa akin, para makasama ko ang mga kaibigan ko, at para makapagpaalam na din sa lahat.


Noong araw na iyon ay aking sinulit ang bawat oras kasama ang aking mga kaibigan, hindi ako nagpakita sa kanila ng ano mang kalungkutan, kahinaan, o kahit na kaunting sakit na nararamdaman, basta ang gusto ko noong araw na iyon ay makaipon ng alaala na babaunin ko sa aking pag-alis dahil alam ko na sa pag-alis ko ay malaki ang posibilidad na di na ako bumalik, mga siyamnapu't siyam na porsiyento akong sigurado sa hindi ko pagbabalik. Nagpunta din ako noong araw na iyon sa DEAN's office upang ayusin ko ang school documents ko, nais ko din kasing ipaalam sa kanila na hanggang sa linggo na lamang na iyon ang ilalagi ko sa unibersidad na halos naging tahanan ko na din at naging lugar kung saan ko halos naranasan ang saya at pait ng buhay, pero mangingibabaw pa din sa akin ang masasayang alaala ko sa unibersidad na iyon lalo na ang mga naging professor ko lalong lalo na si Sir Leo. Habang mag-isa akong naglalakad sa pasilyo ng College of Fine Arts building pansamantala kong dinungaw ang labas nito, at para bang isang pelikula na nag-play sa aking isipan ang lahat ng alaala ko sa school na ito, para bang totoong nagbalik ako sa lahat ng mga oras na iyon, hindi ko napigilan ang maluha na agad kong pinunasan at pagkatapos ay ngumiti ako para sa aking sarili.


"No more turning back Luke." Ang aking pabulong na sabi para palakasin ang aking sarili na harapin ang pagpapaalam sa kanila, para planuhin ang lahat bago ako tuluyang mapalayo sa lahat. At muli ay nagpatuloy akong naglakad ng tahimik sa pasilyong iyon ng College of Fine Arts building ng may ngiti sa aking labi ngunit sakit at luha sa aking puso.

Rain.Boys VWhere stories live. Discover now