RAINBOW 23

1.4K 63 5
                                    

LUKE'S POINT OF VIEW:


"Arwin sandali lang nga." Ang sabi ko habang halos patakbo na kami habang hawak at hila niya ako sa kamay ko, pero sa halip na tumigil ay nagpatuloy lang siya sa paghila sa akin hanggang sa makalayo na kami sa bahay at shop nila Icko at doon lamang siya huminto, at pagkatapos ay humarap sa akin ng nakasalubong ang kilay at nakasimangot. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo huh?" ang tanong ko sa kanya na medyo may pagsusungit.


"Ako pa talaga ang tinanong mo niyan ha, di ba dapat ako ang magtanong niyan sa'yo? Ang aga-aga kasama mo na agad si Icko at pagkatapos ikaw pa talaga ang pumunta sa kanila? Akala mo siguro di ko malalaman 'no? sinundan kaya kita mula sa inyo. Susurpresahin pa naman sana kita ngayong umaga tapos ako pa pala ang masusurpresa." Ang sabi ni Arwin na halatang nagseselos sa tono pa lang ng pananalita kaya hindi ko naiwasan na mapangiti, isang ngiti na talaga namang nakakaasar. "At ano nginingiti mo diyan? May nakakatawa ba sa sinabi ko ha?" ang tanong niya sa akin na halatang selos na selos at malapit ng mapikon.


"Alam mo nakakatawa ka Arwin, para kang bata." Ang sabi ko sa kanya na hindi pa din maalis ang pangiti ko sa kanya.


"Wow ha, ako pa talaga ang parang bata, ang pagkakaalam ko sa ating dalawa ikaw yung isip bata." Ang sabi naman ni Arwin bilang pagdepensa, halatang hindi siya papaya na tawaging isip bata kahit na totoo naman. "Pero huwag mong ibahin ang usapan, sabihin mo nga ano ginagawa mo ng ganito kaaga kila Icko?" ang sabi niya na seryosong nakatingin sa akin.


"Alam mo huwag kang malisyoso kapreng hilaw, nagpunta lang naman ako kila Icko para i-check si Wrain, 'yung tuta na nakita namin nang minsang maabutan kami sa ulanan ni Icko, iyon 'yung time na..." ang hindi ko natuloy na sabihin dahil ayoko na ungkatin pa ang panahon na hindi ako nagawang piliin ni Arwin, ang panahon na naging dahilan ng komplikadong estado namin ngayon.


"Yung time na ano? Bakit bigla kang napahinto?" ang tanong ni Arwin sa akin.


"Ah basta 'yon yung time na sinamahan ako ni Icko, tiyaka hindi ko kasi magawang kunin agad sa kanila si Wrain kasi naman wala pa akong dog house para sa kanya." Ang sabi ko bilang pagsagot at pag-iwas sa katanungan niya dahil nga sa ayoko na pag-usapan pa ang ano mang bagay tungkol sa deal namin ni Charlie, isang deal na binali ko na noong panahon na nagkasama kami muli ni Arwin at mag pa sa mga sandaling ito.


"Sus eh di igagawa kita ng dog house para sa tuta mo. Next time try mo kaya na magpasabi sa akin para masamahan kita." Ang sabi ni Arwin sa akin.


"Talaga igagawa mo ako? Duh? Paano ako magsasabi sa'yo eh halos beinte y kwatro oras ka yatang binabantayan ng magaling mong best friend, bigyan mo kaya ng suweldo o kahit pamerienda lang." ang sabi ko bilang tugon sa kanya na may halong pang-aasar.


"Tignan mo 'to kinakausap ng matino kung ano-ano sinasabi." Ang sabi naman ni Arwin bilang pagtugon sa pang-aasar ko sa kanya.


"Biro lang, masiyado kang seryoso, oo na sige igawa mo ako ha, aasahan kop o yan Mr. Arwin kapre." Ang sabi ko na hindi ko pa din maiwasang asarin si Arwin dahil sa simula kagabi ay para bang naging magaan na ulit ang aming pakikitungo sa isa't isa, marahil dahil sa talagang buo na ang pasya ko na maibalik ko ang nasira naming relasyon, ngunit sisiguruhin ko na sa oras na magkabalikan na kami ni Arwin ay isang relasyong hindi na masisira pa ng sino mang kontrabida na darating sa buhay namin, nakakabaliw na din kasi dinaig pa namin ang teleserye sa dami ng nangyari sa amin.

Rain.Boys VWhere stories live. Discover now