XXXV : Ang Paghaharap

1.9K 73 5
                                    

"Ayos lang ba ang lahat?" Ang tanong ko sa aking mga kasamahan. Tumango ang iba at ang iba naman ay sumagot, maraming inosenteng demons na natamaan ng ligaw na laser beams. Ang iba ay namatay at ang iba naman ay nag-aagaw buhay. Hindi maisalarawan ang kubyerta na nagkaroon ng maraming mga tama't pagkasira. Bumaha ng dugo sa sahig, mga labi ng aming mga kalabang Legions at kapwa demons, mga bubog, at mga nalusaw na bakal dahil sa mga tama ng laser beams sa hull at superstructure ng aviator. Ang baho ng fire extinguishing fumes ay humalo sa malansang dugo ng mga patay. Nakakahilo at nakakasuka ang baho ng kapaligiran. Ang dating maganda at maayos na kubyerta ay naging isang kahila-hilakbot na silid ni kamatayan.

"Nasaan sina Anemone at Stellar?" Ang tanong ko sa mga bihag na demons.

"Dinala sila ng mga Pillars kasama sina kuya Op-art at Regulus." Ang sagot ng isang binatang demons na nakisali sa aming bakbakan laban sa mga Legions.

Nasa punong kubyerta sila.

Kailangan naming magmadali para sagipin aming mga nabihag na kaibigan laban sa kamay ng mga Pillars. "Mga kapatid! Tara na sa itaas!" Kumarimpas kami paakyat sa hagdanan patungo sa bridge o ang punong kubyerta ng aviator ngunit bago pa man kami nakaalis ay tinawag ako ni Rigel at Titan.

"Kuya Orion! Kuya Orion!" Ang uhaw na munting tinig ng dalawang musmos. Naagaw nila ang aking atensyon kaya napahinto ako at pinuntahan ang dalawang bata.

"Ano iyon?"

"Iligtas mo ang kuya Regulus naman, kuya Orion! Pakiusap! Siya na lang ang natitirang pamilya ko." Ang nagmamakaawang sabi ni Rigel.

Muntik ko ng nakalimutan na kasama rin pala si Regulus sa mga nabihag ng Pillars. Wala na akong pakialam sa kanya dahil sa kataksilang ginawa niya sa akin. Mabuti nga at nangyari ang ganoong pagpaparusa sa kanya ng mga Pullars subalit hindi ko rin siya masisisi. Sa maiksing panahon, naging kaibigan ko si Regulus at siguro nagawa niya lang iyon dahil maganda ang alok ng mga Pillars. At isa pa, hindi ko matiis ang pagmamakaawa ng dalawang bata sa akin. Ako'y nakokonsensiya kapag hindi ako magsabi ng oo sa kanila. Napailing muna ako bago tumango sa kanilang dalawa na siyang nagpapahiwatig ng isang pangako. Hinimas ko ang buhok ng dalawa na tanda na ako'y nagbibigay ng importasya sa kanilang kuya Regulus at saka kumarimpas sa pagtakbo patungo sa itaas ng hagdanan. Pinagbabaril namin ang mga surveillance cameras na nakatutok sa aming mga ikinikilos para hindi kami maobserbahan ng mga Pillars.

Nahihingal.

Pinunasan ko ang aking balat-sibuyas na noo at saka huminga ng malalim nang naabot na namin ang nakasiradong pintuan ng punong kuyerta. Pumwesto kami at naghanda sa  posibilidad ng kanilang pag-atake sa aming mga tropa. Muling kinulikot ni Glitter ang analog box na siyang nagsisilyo sa pintuan ng punong kubyerta. Himala naman ay nagawang buksan ito ng dalaga kaya maliksi kaming naghanda.

Katahimikan.

Ang pagsesenyas sa isa't-isa ang tanging paraan namin para magkausap at hindi makalikha ng anumang ingay na siyang pupukaw sa mga kalaban. Kami ay naghintay muna ng ilang segundo bago pumasok ng tuluyan sa loob ng bridge. Nang handa na kaming harapin sila ay nanguna akong nagpakita at pumasok sa loob ng punong kubyerta. Nakapagtataka dahil walang katao-tao sa loob. Nasaan na ang mga kultong Pillars? Nasaan na sila Anemone, Stellar at Regulus? Sinuri ko ang buong lugar. Ang silid na ito ay katulad ng nasa simulator room ng Battle Star Tournament ngunit mas malaki ito at mas maraming aparatos. Matataas at malalaki din ang mga panel boards, ang mga console kumpara sa simulation room. Tulad ng kareplekang simulator room ng Battle Star, ang buong silid ay nangingibaw sa kaputian ang tanging naiibang kulay dito sa bridge ay ang mga numerong naka-stencil sa mga upuan — ito ay kulay itim.

Legend of GeminiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon