"Ano tara na?" ang bigla niyang tanong sa akin at napatingin naman ako sa kanya ng may buong pagtataka.


"Huh? Anong tara na?" ang tanong ko naman dahil parang bigla akong naguluhan sa kanya.


"Bakit akala mo ba sinundan lang kita para hilahin palayo sa tukmol na Icko na 'yon? May pupuntahan tayo, malaya akong makakagala ngayon kaya naman huwag nang maraming tanong ha." Ang sabi ni Arwin na kanina lang ay halos magdugtong na ang kilay sa sobrang pagkakasalubong ay ngayo'y halos abot tainga ang ngiti na nangangahulugang na kahit siya ay hindi na makapaghihintay pa sa kung saan man kami pupunta ng ganitong kaaga, bago pa ako makapagsalita ay hinawakan niya ang kamay ko ngunit hindi tulad kanina ay hindi na niya ako kinailangan pang hilahin sa halip ay kusang loob na akong sumama sa kanya dahil sa excited din akong malaman kung saan kami pupunta.


Magkahawak kamay kaming naglakad, walang pakialam sa kung sino man ang makakakita sa amin, tulad lamang ng dati, kaya naman hindi ko naiwasang mapangiti at kiligin ng mga sandaling iyon, pakiramdam ko kasi ay talagang nagagawa ko nang maiayos ang lahat sa amin. Nagpatuloy kami sa paglalakad, hanggang sa maging pamilyar na sa akin ang dinaraanan namin, hanggang sa rumehistro na sa utak ko kung saan patungo ang dinaraanan naming ito.


"Arwin sabihin mo nga sa akin saan tayo pupunta?" ang tanong ko sa kanya na bahagyang seryoso ang tono.


"Basta huwag ka nang magtanong makakarating din tayo sa pupuntahan natin, at tiyak ko na matutuwa ka kapag naroon na tayo." Ang sabi ni Arwin bilang sagot at naramdaman ko na pinisil niya ang kamay ko kaya naman napatingin ako sa kanya at isang ngiti ang agad na ibinigay nito sa akin.


"Alam mo, ang dami mong alam." Ang tangi ko na lamang nasabi at napangisi na lang, at hindi ko na lamang ipinahalata na alam ko na ang lugar na aming pupuntahan.


"Oo naman madami talaga akong alam, pero pinakaalam ko lang talaga ay yung nararamdaman ko sa'yo." Ang sabi ni Arwin sa akin bilang pamimilosopo, pero inaamin ko kinilig din ako.


"Oo na lang, ha-ha, tara na nga nagugutom na din ako, sana lang may makakain sa pupuntahan natin." Ang sabi ko at ako na ang humila sa kanya, oo alam ko na kung saan kami pupunta pero hindi dahilan iyon para sirain ko ang ano mang inihanda ng mokong na ito.


Ilang hakbang na lang ay malapit na kami sa pupuntahan namin, alam ko iyon dahil nakabisado ko na din naman ang dinaraanan namin noong sinundan ko sila ni Charlie, ang lugar na kung saan kahit minsan ay di ako dinala ni Arwin. Ilang sandali pa ay huminto kami, at mula sa likuran bulsa niya ay kinuha niya ang isang kulay berde na panyo, at napangiti na lamang ako dahil alam ko na kung ano ang susunod nitong gagawin.


"Nakikita mo ba 'to?" ang tanong niya sa akin.


"Hindi, hindi ko nakikita, bulag ako sorry." Ang pabiro kong tugon sa kanya.


"Para ka namang sira eh tinatanong ka ng matino eh." Ang sabi niya na para bang naasar ng kaunti, pero sa halip na mag-alala ako ay di ko naiwasan na matawa.


"Ha-ha, ako pa ngayon ang sira, eh ikaw nga itong parang sira eh, malamang nakikita ko 'yan, ano si Dora ka na ba at kailangan tanungin mo ako kung nakikita ko 'yang panyo na hawak mo? Baka naman next tanungin mo na ako kung anong kulay niyan, kaya sasagutin na kita, berde ang kulay niyan, ha-ha." Ang sabi ko na alam ko na bahagyang nakakaasar kaya naman nakita ko na ang pagsimangot ng kapreng hilaw tanda na napikon ito.


"Ah talaga, galing naman ni Boots." Ang bigla niyang sabi bilang pangganti sa akin, at nang marinig koi yon ay di ko naiwasan mapasimangot at nang makita naman niya ang reaksiyon ko na iyon ay doon niya na sinundan ng tawa na talaga namang nakakaasar.


"Ah talaga so mukha pala akong unggoy?" ang sabi ko naman at natawa na naman siya kaya naman unti-unti nang nagsasalubong ang kilay ko at humahaba ang nguso ko, at nang makita niya iyon ay tumigil siya sa pagtawa at agad akong hinalikan sa aking labi, at napapikit na lamang ako, kasunod noon ay ang pagpiring niya sa akin.


"Ano ka ba nakalimutan mo na duwende ka? Ikaw yung duwende na minahal ko. At kung magiging unggoy ka naman willing ako na alagaan ka at mamahalin pa din kita." Ang pabulong na sabi ni Arwin sa akin nang bumitiw siya sa paghalik sa akin at kanya nang inayos ang pagpipiring sa akin.


"Bakit ba kailangan na piringan pa kasi ako?" ang tanong ko sa kanya dahil nga alam ko na din naman kung saan kami pupunta.


"Bakit kita pipiringan? Siyempre para naman mas maging kasurpre-surpresa yung pupuntahan natin, alam ko nakapunta ka na sa pupuntahan natin, pero may hindi ka pa nakikita sa lugar na iyon." Ang sabi ni Arwin na labis kong pinagtaka kung paano niya nalaman na nakapunta na ako sa pupuntahan namin.


"At paano mo naman nasabi na nakapunta na ako sa pupuntahan natin?" ang tanong ko sa kanya na hindi pinapahalata sa tono ng pananalita ko na tama siya sa sinabi niyang iyon.


"Nagkukunwari ka pa, alam mo, masiyado kitang mahal kaya imposible na hindi kita mapansin na sinusundan mo kami ni Charlie noon, alam ko na iniisip mo kung bakit hindi kita dinala doon? Bukod sa naging sa mga alaala namin ni Charlie bilang mag-best friend na naiwan doon na nais ko noong kalimutan ay ayoko din kasi dalhin ka sa lugar na mararamdaman mo ang kalungkutan ko, kaya naman ngayon na may binago ako sa lugar, well di lang naman ako, ay handa na kitang dalhin doon, at sa lugar ding iyon ay bubuo na muli tayo ng bagong alaala." Ang sabi ni Arwin at sa halip na tumugon dito ay nanahimik na lamang ako dahil sa kilig at sa tuwa na nararamdaman ko sa aking puso at alam kong nararamdaman din niya iyon.


Pagkatapos niyang ayusin ang pagkakapiring sa akin ay naramdaman ko na muli niyang hinawakan ang aking kamay, at kasunod noon ay sinabi niya sa akin na sumunod lamang sa sasabihin niya, na hayaan ko siyang maging aking mata, na hayaan ko siyang alalayan niya ako hanggang sa makarating sa aming pupuntahan. Sa bawat paghakbang na ay ramdam ko ang pag-iingat ni Arwin, ramdam ko ang pagmamahal na tanging para sa akin niya lamang inilalaan, sana lang hindi na matapos ang mga ganitong sandali namin ni Arwin, yung wala mang klaripikasyon sa kung ano na nga ba an gaming estado ay para pa din kaming dalawang magsing-irog na ang tanging alam ay pasayahin, ingatan, at mahalin ang isa't isa.


Sa ilang minuto pa naming paglalakad ay agad niya akong sinabihan na huminto at agad ko namang ginawa, at naramdaman ko na pumunta siya sa likuran ko at niyakap ako. "Aalisin ko na ang pagkakapiring ng iyong mata, sana ay magustuhan mo ang aking sorpresa mahal kong duwende." Ang sabi ni Arwin na pabulong at tumango naman ako bilang pagsang-ayon, nang sabihin niya iyon ay para bang nanabik ako bigla na maalis na ang piring sa aking mga mata, at kanya nang inalis ang mga bisig niya sa pagkakayakap sa akin, at unti-unti ay naramdaman ko ang pagluwag ng pagkakapiring sa aking mga mata, hanggang sa tuluyan nan gang alisin ni Arwin ang piring at nanatili akong nakapikit, naramdaman ko ang malakas na ihip ng hangin at para bang biglang naging musika sa aking pandinig ang bawat paghuni ng ibon at mahinahong lagaslas ng tubig, at sa pagbukas ko ng aking mga mata ay halos hindi ko na alam kung paano ko ikukubli ang labis na tuwa at pagkagalak at naramdaman ko na lamang ang pag-agos ng luha ng kasiyahan at ang tangi ko na lamang nagawa ay ang yakapin si Arwin ng sobrang higpit na agad din naman niyang ginantihan ng isa ding mainit na yakap.


"Sira ka talaga, ang dami mong alam." Ang sabi ko sa kanya habang nakayakap sa kanya at naluluha pa din ng dahil sa saya at tuwang nararamdaman ko.


"Sabi ko naman sa'yo eh madami talaga akong alam, at alam na alam ko paano pasasayahin ang taong alam ko na mahal na mahal din ako." ang sabi ni Arwin sa akin at naramdaman ko na humigpit ang yakap niya sa akin, at hinalikan niya ako sa aking ulo.

Rain.Boys VWhere stories live. Discover now