Another Princess

365 26 11
                                    

Kanina pa ako naiinis! Kandahaba na kasi ang leeg ko sa katatanaw sa paligid, pero kahit ang anino ng mahal kong bestfriend, hindi ko makita. Nakasimangot na kinuha ko ang cellphone sa bulsa ng suot kong pantalon. Kahit text o miscall, wala talaga? Napapalatak ako sa naisip na malamang ay tulog pa ito.

Late. Always late!

Idadayal ko na sana ang numero niya pero paismid kong ibinalik muli ang cellphone sa likod ng aking suot.

Bahala siya!

Last day of enrollees na kaya sobrang daming estudyante. Dalawang araw lamang naman napupuno ang Corregidor na ito; kapag una at huling araw ng enrollment.

Lalong nalukot ang mukha ko nang makita ang pila. Hindi naman ganoon kahaba pero sobrang mainipin ako.

Si Kyle talaga ang may kasalanan nito!

Oo, sinisi ko na naman ang kawawa kong kababata. Isang oras lamang naman akong naghintay sa kaniya sa sakayan. Pagkatapos nga ng isang oras, dalawampung text at sampung tawag, napagdesisyunan ko nang sumakay sa panglabing-isang jeep na dumaan.

At ngayon, wala pa rin ang mabuti kong kaibigan!

Hapon na naman iyon malamang mag-e-enroll.

Pabuntong-hininga akong pumila sa huli. Isang lalaki ang nasa harapan ko at sinasagutan ang tangan nitong form. Saglit kong sinulyapan ang hawak kong papel at baka may mali o kulang kaya.

Subalit, napakunot-noo ako nang makaamoy ng isang nakakahalinang pabango. Lumingon ako sa likuran at siya na ata ang pinakamagandang babaeng nakita ko. Kahit pa mukhang pagod at pawisan siya. Nagkasalubong ang mga tingin namin at tipid na ngiti ang kaniyang naibigay habang nagpupunas ng pawis. Ngumiti rin ako bago tumingin muli sa unahan. Nais ko mang tingnan siyang muli, nakahiyaan ko na.

Mabagal ang usad ng pila. May komosyon pa atang nangyari kaya medyo naantala. Kinuha ko ang panyo sa likod ng aking pantalon at pinunasan ang pawis sa aking noo. Pasimple akong tumingin sa likod at ginagawa na niyang pamaypay ang folder na hawak niya dahil sa sobrang init sa puwesto namin.

Trisha Mae Serra

Napangiti ako nang mabasa iyon. Malaki at kulay itim na pentel pen ang gamit kaya kita ko kaagad. Nice, ngayon alam ko na ang pangalan niya.

Hindi ko alam kung bakit, pero ngayon lang naman ako nagkaroon ng interes sa isang babae. Bente anyos na ako pero parang ngayon pa lang ako nagka-crush. Parang nais ko lang siyang titigan maghapon.

"Ahm... anong oras na po?"

Napaigtad ako nang may kumalabit sa akin sa likuran. Nakakunot-noo akong lumingon. Sinenyas niya ang orasan kong nasa bisig. Tiningnan ko ito bago tumingin muli sa magaganda niyang mata.

"Ten twenty five," tipid kong sagot.

Bumakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha bago sumambit nang pasasalamat.

"Bakit?" Hindi ko napigilang tanong. Hinawi na muna niya ang buhok na tumabing sa kaniyang mukha bago alangang sumagot.

"May interview kasi ako ng eleven. Pero mukhang hindi na ako aabot." Tumanaw pa ito sa kahit paano nababawasan namang pila. Malapit lang naman daw ang interview niya, pero siyempre ayaw niyang ma-late.

"A, working student ka?" Tumango ito at parang lalo akong humanga sa kaniya. Bibihira kasi ang nakakahalubilo kong working student. Gusto ko nga ring maging ganoon kaso lang ayaw ni tita. Kaya pa naman daw ng perang naiwan ng magulang ko ang pag-aaral ko kahit hanggang limang taon.

Sabay pa kaming natahimik. Awkward na ang moment kung kakausapin ko pa siya kaya ibinaling ko na lang ang paningin sa harap. Medyo malapit na pala ako.

Nararamdaman ko ang presensiya niya na aligaga at hindi mapakali. Sa gilid ng aking mata ay nakikita kong kababakasan pa rin siya ng pag-aalangan. Tatlong estudyante na lang at ako na ang susunod. Aligaga pa rin siya nang malingunan ko.

"Ikaw na ang mauna, Trisha. I can manage. Wala naman akong pupuntahang iba." Tipid na ngiti ang ibinigay ko sa nakukunot-noo niyang itsura.

"Paanong..." Inginuso ko ang folder na hawak niya na ngayon ay ipinantakip niya sa sinag ng araw. Napangiti siya nang makita ang sariling pangalan in bold letter.

"Okay lang ba talaga?" Alanganin pa siyang lumipat sa puwesto ko kahit pa nagbigay daan na ako. Tango lang ang isinagot ko bago kami tuluyang nagpalit ng puwesto.

"Ano nga palang pangalan mo?" Isang estudyante na lang at siya na ang nasa register nang lingunin niya ako.

"Jade..."

Hindi ko alam kung narinig niya dahil lumingon na rin siya kaagad sa harap at iniabot na ang form. Nagkibit-balikat na lang ako at pinagmasdan siya habang nagbabayad.

"Salamat, ha? Pero kailangan ko na kasi talagang umalis." Nakangiting tinanguan niya ako habang inilalagay niya sa bag ang mga hawak.

Tinanguan ko rin siya habang ibinibigay ko ang form sa cashier.

Pasakay na siya nang abutan ko sa labasan. Labis ang pagtataka niya nang hinihingal ko pang tinawag ang kaniyang pangalan.

Buti umabot ako.

"Yes?"

Napakaganda talaga niya!

"Ahm... puwede ba kitang i-add sa Facebook or IG kaya?" lakas-loob ko nang sinabi. It's now or never!

Bakas ang alangan sa kaniyang mukha pero kaagad namang tumango.

"Sige. Trisha Mae Serra, pa-search na lang." At dagli na rin siyang sumakay habang malawak naman akong napangiti.

***

Malungkot kong sinara ang laptop at itinabi ito. Dumiretso ako ng kama at pabuntong-hiningang nahiga, tumagilid at pinilit na pumikit para makatulog.

Hindi ko magawang pindutin ang button na magiging daan sana para makilala namin ang isa't isa kanina. Inaamin ko, hindi lang sa pagiging kaibigan niya ang gusto kong mangyari. Kahit matagal sana, handa akong maghintay.

Wala siyang status na "In a Relationship", single nga siya, pero hindi ko pa rin itinuloy. Dahil iyon sa post niya na aking nabasa two hours ago:

"Salamat sa taong nagbigay daan para makarating ako sa interview on time! Kay kuya, ay ate pala kanina sa school. Sayang ang guwapo mo pa naman kaso lang... hahaha Godspeed!"

#NoForAnotherPrincess

#SorryGirlKaRinKasi

Nabasa ko rin ang mga comments na nagpapatunay na hindi siya pumapatol sa gaya niyang prinsesa.

Sa gaya niyang babae.

Dapat siguro masanay na ako sa mga ganito, pero masakit pala talaga. Tuluyan ko nang ipinikit ang mga mata ko.

Sana bukas, okay na ang prinsesang binanggit niya.

End---

A-Not-So-Happy-Ending-Story:
Another Princess
jhavril
2016

A-Not-So-Happy-Ending-StoryWhere stories live. Discover now