Limang Minuto

391 21 29
                                    

Hi, kamusta ka na?

Hi!

Pagkatapos kong pindutin ang send button, hindi ko pa rin binitawan ang cellphone. Titig na titig ako sa numerong buong buhay ko ng kabisado. Lumipas ang isa, dalawa hanggang umabot na sa limang minuto, subalit walang sagot mula sa kaniya. Tiningnan ko pa ang kalendaryong nasa desk ko, a, may trabaho siya kaya hindi makapag-reply. Sinulyapan ko rin ang oras sa tangan kong cellphone, alas-otso y media, tama baka nga busy siya kaya hindi na ako nareplayan man lang.

Pabuntong-hiningang napasandal ako sa swivel chair na kinauupuan ko. Ngumiti nang mapait.

Sino bang niloloko ko, sarili ko? Alam ko naman na matagal na siyang nagpalit ng numero. At hindi ko alam ang bago niyang sim number. Ini-add ko naman siya sa Facebook, pero naka-block na ako ngayon. Siguro, nakulitan sa akin dahil panay ang message ko, kahit pa lagi akong seenzoned. Wala na talaga siyang pakialam.

Wala na.

Hindi gaya dati.

Pinindot ko ang intercom na nasa kanan ko at binilinan ang sekretaryang nasa labas ng aking opisina. Bawal akong istorbohin ngayon. Kahit isang oras lang. Isang oras na pagbabalik-tanaw sa kagagawan ko, kung bakit nawala siya. Hindi pa man ako nag-uumpisa, tumulo na kaagad ang luha ko. Parang pelikulang nag-replay lahat nang nangyari, limang taon na ang nakakalipas. Oo, mahabang panahon subalit hanggang ngayon, parang kahapon lang lahat nangyari.

5 years ago...

"Antonette Keith Labonite, busy ka na naman diyan. 'Yung boyfriend mo, ayun, o. Kanina pa nakatunganga sa 'yo." Nakanguso pang itinuro ni Lyka ang direksiyon kung nasaan si Lucas. Kasalukuyan kaming nasa library at nagre-review.

Napasulyap tuloy ako sa gawi niya, nakangiti at may hawak na bulaklak at tsokolate. Kiming ngumiti lang ako at nagpatuloy sa pagre-review. Graduating ako sa kursong Flight Attendant at matagal ko ng pangarap ito.

Lucas Rivera Tolentino. Ang tanging lalaking naglakas-loob na manligaw sa akin at umabot ng dalawang taon bago ko sinagot. Oo, ligawin naman talaga ako kahit noong high-school pa, pero priority ko ang pag-aaral. Ang makatapos ng may diplomang maipagmamalaki at magagamit ko sa hinaharap. Ayoko na kasing matikman ang hirap, gusto kong guminhawa. Sa tulad kong iniwan lang basta sa harap ng kumbento ng aking batang ina, hindi masama ang mangarap nang mataas. Ang magkaroon ng pangalan. Pangalang masasabi kong akin lang.

Subalit kahit anong taboy ko sa lalaking ito, dahil nangako nga akong hindi muna magnonobyo hangga't hindi ko pa natutupad ang pangarap ko, hindi siya nagpatinag. Nagpatuloy siya sa walang sawang pagsuyo sa akin. Tao lang din naman ako; kinikilig at nagmamahal.

Sinagot ko si Lucas dahil talagang mahal ko siya. Actually, mahal na mahal. Subalit, mas priority ko ang pagtupad sa pangarap ko. At masaya ako dahil naiintidihan niya iyon. Magkaedad lang kami, pero mas lamang ang pag-aadjust niya sa aming dalawa.

Pagkatapos kong magreview, na halos umabot ng tatlong oras, nagpaalam na ako kay Lyka. Tinanguan ko si Lucas na sumunod na sa akin sa labas. Nakangiting sumunod naman siya, hindi talaga siya umalis mula pa kanina kahit pa pinagtitinginan na siya ng mga estudyanteng naroon. Nanatiling mahigpit niyang hawak ang bulaklak at tsokolate sa magkabilang kamay, at hindi man lang siya kababakasan ng pagkainip at pagkayamot. Bagkus, nakangiting niyakap niya ako at iniabot ang mga dala.

"Nasa daan tayo Lucas." Alanganing binitawan naman niya ako kaagad. Ayaw ko kasi sa PDA o public display of affection. Alam niya iyon at naiintindihan niya, lagi naman. Nagsimula na kaming maglakad papuntang kotse niya, wala na naman kaming klase ngayon. Nag-review lang talaga ako para bukas.

A-Not-So-Happy-Ending-StoryWo Geschichten leben. Entdecke jetzt