Isang Araw

291 18 12
                                    

"Eto na ang huling tanong para sa 'yo... may girlfriend ka na ba?" nakangiting tanong sa akin ng babaeng host.

Halos mabingi ako sa sigawan ng mga fans kong nasa maliit na studio na 'yon kung saan kami nag-shooting para sa isang TV show. Napangiti na ako dahil alam kong lahat sila isa lang ang gustong isagot ko; wala pa. Pinagbigyan ko sila, umiling ako nang nakangiti. Nakangiti ang aking mga labi, pero kung pakatititigan nilang maigi, sigurado akong hindi ang mga mata ko.

Tama, malungkot ako sa loob. Lungkot na hindi ko maaaring ipakita dahil ngayon ko pa lang nararamdaman ang kasikatan. Ngayon ko pa lang natatamasa ang pinaghirapan ko ng maraming taon bago nila makita na may potensiyal talaga ako sa larangan ng musika.

Bokalista ako ng na-disband na banda. Malaking sugal ang maging solo singer, lalo pa't hindi naman masiyadong nakilala ang banda namin dati. Subalit, masuwerte nga sigurong matatawag dahil mabilis nila akong nakilala at nagustuhan. Panalo ako sa sugal na pinili ko.

Hindi gaya sa sugal ng pag-ibig.

"Ano ba 'yan? Magigiba ata ang station namin. Okay, para mas ma-feel ninyo ang single status ni Jaden, kakantahan niya tayo. With a guitar pa, ha?"

Agad kong tinipa ang sarili kong gitara at kailangan pang patigilin muna ang mga tao sa paligid dahil talagang nagkakagulo sila. Natututuwa naman ako sa atensiyong pinapakita nila, dahil ngayon ko lang ito nararanasan. Ito naman talaga ang gusto ko kaya pinasok ko ang mundo ng musika; sumikat at makilala.

Pumikit pa ako para mas ma-feel ko ang kantang alay ko para sa kaniya. Tanging sa kaniya lamang.

Biglang tumahimik ang buong paligid. Kahit sila, dalang-dala sa pagkanta ko. Hindi nila alam, isang tao lang ang nasa isip ko ng mga oras na iyon. Isang tao na hindi kailan man magiging akin.

Masigabong palakpakan ang narinig sa paligid nang ganap na matapos ko ang kanta. Nakangiting nag-bow pa ako na lalo nilang ikinatuwa.

***

"Saan ang sunod natin, Ma?" habang pasakay ng kotse ay tanong ko sa aking ina/manager. Kumaway pa ako sa mga nagkakagulong fans sa katatapos kong mall tour, bago naisara ng mga guards ang pinto.

"Ma, baka matunaw ang anak mo. 'Di pa tapos ang mall tour ko," saad ko habang nakasandal at nakapikit. Ramdam ko kasing nakatitig na naman siya sa akin. Narinig ko pa ang pagbuntong-hininga ni mama.

"Carding, uwi na tayo. Pagod na si Jaden." Napamulat at napabalikwas akong bigla nang marinig ko ang sinabi ni mama sa driver namin.

"Ma, may guesting ako ngayon. Tapos may gig pa ako after. Kung pagod ka na, ikaw na lang magpahatid kay-" hindi ko natapos ang sasabihin dahil sumabad kaagad si mama.

"Hindi ako ang pagod. Ikaw Jaden, kaya uuwi na tayo. Tinext ko na 'yong guesting mo dapat ngayon bukas na lang daw. At 'yang gig na 'yan, puwede ba? Hindi mo na kailangan patulan ang pagtugtog sa bar," madiin ang bawat salita ni mama.

"Gusto kong tumugtog sa bar, ma. Ayoko pang umuwi." Sumandal muli ako at pumikit. Hinugot ko mula sa bulsa ang ipod ko at ipinasak ang earphone. Basta ko na lang pinindot ang play button. Napalunok pa ako nang marinig ang sariling composition para sa kaniya.

Siya ang dahilan kung bakit ayokong umuwi.

Ayokong magkulong sa loob ng kuwarto dahil hindi rin naman ako makakapagpahinga. Ayokong mag-isip dahil siya rin lang naman ang maiisip ko.

Napamulat akong bigla at napatingin sa bintana ng kotse. Medyo madilim na sa kahabaan ng edsa. Mayamaya pa, bumuhos na ang malakas na ulan. Pilit akong napangiti nang marinig ko na ang chorus sa ipod. Kasabay nang pagbabalik-tanaw noong araw na iyon, na halos ganito rin, maulan.

A-Not-So-Happy-Ending-StoryWhere stories live. Discover now