Hindi ko inaalis ang paningin sa unti-unting pagkakamalay ni Faith. Bumaling-baling ang kaniyang ulo kasabay nang pagpikit-dilat ng kaniyang mga mata. Napangiti akong tuluyan nang nanlaki ang kaniyang mga mata nang matuon iyon sa akin. Sinubukan niyang gumalaw pero nakatali ang kaniyang mga paa at kamay. Nakabakas na ang pangamba sa kaniyang magandang mukha habang unti-unti akong lumalapit sa kaniyang kinaroroonan.
"Long time no see mahal kong Faith." Itinaas ko ang kanang kamay para sana haplusin ang kaniyang pisngi subalit nanginginig na iniiwas niya ang mukha.
"Ba-bakit ako na-naririto?" matiim niya akong binalikan nang tingin; tinging nag-aakusa.
"Matagal tayong hindi nagkita kaya..."
"Huwag na tayong maglokohan!
Puwede ba, ipinaliwanag ko na sa 'yo ang dahilan kaya hindi na tayo puwede." Tuwid na ang nang-uuyam niyang tinig at naniningkit na mga mata.Napangisi ako, sabay hawak nang mahigpit sa kaniyang baba at bahagya ko pang inilapit ang aking mukha.
"'Yon nga ang dahilan kung bakit kinidnap kita. Hindi ako pumapayag. Akin ka lang, naiintindihan mo?" At isang mabilis na halik sa labi ang iginawad ko sa kaniya.Dumura naman siya sa sahig pagkatapos at parang nandidiring sinulyapan ako. Nasaktan ako pero nais kong ipakita sa kaniya na hindi ako basta-basta ngayon. Hindi na ako ang kilala niya noong hindi pa ako labis na nasasaktan.
"Kadiri ka talaga! Hayop! Ano?! Ganito ba ang gusto mong mangyari? Magsama man tayo habang-buhay, ikulong mo man ako sa mabahong lugar na ito, hindi pa rin mababago na isa kang..."
Narindi ako kaya isang malakas na sampal ang natamo niya mula sa akin. Nanggigigil ako sa galit dahil paulit-ulit niyang ipinamumukha sa akin ang isang bagay na hindi ko naman kagustuhan mula nang isilang ako. Iyon kasi ang dahilan kaya nakipaghiwalay siya sa akin.
Matalik kaming magkaibigan mula pa man na lumipat ako sa subdivision sa kanilang lugar. Madali kaming nagkapalagayan ng loob. Sobrang bait ng kaniyang pamilya sa akin kaya alam kong matatanggap nila kung sakaling magtapat ako kay Faith.
Kaya noong tumuntong kami ng college, nagtapat na ako sa kaniya. Hindi ko kasi kinakaya ang makita siyang umiiyak gawa ng kaniyang mga nagiging kasintahan. Sa akin, pinapangako kong magiging masaya lang siya. Isa pa, sobra ko na siyang mahal.
Mahal na mahal.
Napakasaya ko nang pumayag siyang magkaroon kami ng relasyon kahit pa patago. Nag-aaral pa siya para maging ganap na guro at naintindihan ko iyon. Dalawang taon din ang itinagal namin. Dalawang taong akala ko, okay lang ang lahat, pero hindi pala.
Pinilit ko siyang magtapat na sa kaniyang mga magulang. Ayoko kasing ganito, na para kaming kriminal na may kinatatakutan, sakali mang may makakita sa amin.
At hindi ko akalaing hindi nila matatanggap, ang aming relasyon ay isang mali ayon sa kanila.
Kaya kong tanggapin lahat nang pang-aalipusta, panduduro at galit ng kaniyang magulang.Pero hindi ang talikuran ni Faith!
Si Faith na mahal na mahal ko!
Pumayag siyang magpadala sa Cebu para doon na magtapos. Iniwan niya akong luhaan at nasasaktan.
Pero hindi ako sumuko, sinundan ko siya roon. Oo, ganoon ko siya kamahal. Ngayon lang ako nagmahal ng ganito at siya lang talaga ang gusto ko wala ng iba.Isang sikat na basketball player ang naging karibal ko sa kaniya. At sa harap nito ay ipinamukha niya sa akin na hindi niya ako minahal talaga. Sinubukan lang daw niya ang tulad ko. Kung okay ba, kung masaya rin ba?
Sinubukan? Anong akala niya sa pagmamahal ko, freebies?
Labis akong nasaktan kaya kinidnap ko siya. At itinaon ko no'ng magbo-board exam na siya rito sa Maynila. Madali na ang lahat kung marami kang koneksiyon at pera.
YOU ARE READING
A-Not-So-Happy-Ending-Story
Short StoryHindi lahat ng story may happy ending. Hindi lahat ng prinsesa natatagpuan ang kanilang prince charming. At hindi lahat naniniwala sa Forever! Heartbreakers season 2 (under Psicom) 1. And for the First Time - "Memory is a B*tch" book 2 2. Angel In D...