Tatlumpung Hakbang

403 31 9
                                    

Marahan akong naglalakad palapit sa 'yo sa harap ng dambana. Nakangiti ka habang nakatingin sa akin. Napakaguwapo mo talaga lalo na at ang suot mong suit ay ako mismo ang pumili. Bagay sa 'yo ang kulay. Kahit medyo halatang kinakabahan ka, ayan o, kitang-kita ang mga butil-butil mong pawis. Mahal, may panyo ka, punasan mo naman. At maya't maya rin ang pag-aayos mo sa iyong necktie. Nasasakal ka ba mahal ko? Oo, alam kong tense ka.

Hayaan mo, kaunting minuto na lang at matutupad na rin sa wakas ang matagal mo nang pangarap. Pangarap mo simula pa lang.

Isa... Dalawa... Tatlo...

Tatlong tsokolate. 'Yan ang ibinigay mo sa akin no'ng nakita mo akong umiiyak. Dahil doon, napangiti ako. Siyempre, ikaw naman lagi ang tagapagtanggol ko sa mga pangit na kaklase natin. Lagi kasi nila akong inaaway. Buti na lang nariyan ka. Tayong dalawa lang talaga ang magkakampi. Tanging tayo lang wala ng iba simula pa lang. Binuo ng tanging ikaw at ako lang.

Apat... Lima... Anim...

Anim na taong gulang tayo noon, natatandaan mo pa ba? Tama, totoy at nene pa kung tutuusin. Mga walang muwang at walang problemang iniisip kung hindi ang maglaro, makipag-away at maglaro ulit. Pero ikaw, parang matanda na mag-isip. Siguro dahil lolo at lola mo ang nagpalaki sa 'yo. Maaga ka man nawalan ng magulang, narito naman ang pamilya ko para sa 'yo. Oo naman, lahat kaya kong ibahagi sa 'yo. Ganoon talaga. Kahit ang lahat-lahat sa akin.

Pito... Walo... Siyam...

A, ito 'yong nasa ika-siyam na baitang tayo. Hindi ko ito makakalimutan dahil ito 'yong taon na naramdaman kong parang may kakaiba sa akin. Medyo nalilito pa nga ako. Naging abnormal ba ako? Kasi, dati naman kapag malapit ka, hindi ako natataranta, nahihiya at higit sa lahat nagpapaganda ng dahil sa 'yo. Naisip ko rin, tama kaya iyong mainis ako kapag may nakikita akong may ibang babae kang kausap bukod sa akin? Ewan, basta ang gusto ko no'n, tayo lang ang magkasama. Akin lang ang atensiyon mo. Sabihin na nilang madamot ako, e, 'yong ang nararamdaman ko. Wala silang pakialam, 'di ba?

Sampu... Labing-isa... Labing-dalawa...

Nakakatawa ba para sa 'yo ang alaalang ito? Oo na, labing-dalawang araw kitang iniyakan no'n. E, kasi naman nakita kong ka-holding hands mo 'yong naging muse natin. Tapos, no'ng tinanong kita, pinagmalaki mo pang kayo na? Kayo na! Ahhhh... gustong kong magwala nang sabihin mo 'yon. Pero, ano? Siyempre, hindi ko ginawa. Ngumiti pa nga ako, pero mabilis na akong umuwi ng bahay. Para doon na lang umiyak nang umiyak. Ano nga ba naman ang laban ko sa kaniya? Kaibigan mo lang ako. Ang unang sakit na naramdaman ko ng dahil pa rin sa 'yo. Tanging sa 'yo lang.

Labing-tatlo... Labing-apat... Labing-lima...

Hmmm... Ika-labing lima ng Pebrero, tanda ko ang araw na iyon akala mo ba? Naiiyak na naman ako. Hindi ko kasi alam ang puwedeng maramdaman kapag naiisip ko ito, e. Dapat bang matuwa ako dahil may araw kang inilaan sa akin? O, mainis dahil nga second choice mo lang ako? Kasi nga, 'yon ang araw na sine-celebrate natin ang valentines day. O, natawa ka na naman. Sabi mo kasi, kapag araw ng mga puso, para sa mga special someone natin 'yon? E, ikaw lang naman ang mayroong special someone na ganiyan. Ako? Ikaw lang naman ang mayroon ako. Ikaw ang special someone ko, paano iyon? Hindi mo nga pala alam. Nakakabaliw ba? 'Yan din 'yong nararamdaman ko.

Labing-anim... Labing-pito... Labing-walo...

Ang pinakamasayang araw ko dumating din sa wakas. Yehey! Ganap na akong dalaga. Sabi nga, legal na sa lahat, puwede na sa lahat. Pero, 'yong gusto ko, hindi pa rin puwede sa akin. Nakangiti ako habang kasayaw kita, ang aking escort. Pero, bakit ganoon? Hindi ako masaya. Malungkot ka kasi. Huwag ka nang mag-deny. Kita o, sa mga mata mo kahit pa nakangiti ka sa akin. Nakakainis naman kasi 'yong babaeng nanakit sa 'yo. Hindi ba niya alam na 'yong basurang itinapon niya ay ginto para sa akin? Hugot! Pero, totoo 'yon, totoong-totoo. Siguro, panahon na para sabihin ko sa 'yong "Jude, mahal kita matagal na." Tama, aamin na ako. Bahala na...

Labing-siyam... Dalawampu... Dalawampu't isa...

Oy, debut mo na rin sa wakas. At ito na rin ang panahon na hinihintay ko, aamin na ako. Oo, ako na. Kasi parang wala kang balak, e. Hanggang ngayon ba kasi nasasaktan ka pa rin sa babaeng pangit na iyon? Naku naman, marunong na akong mag-ayos ngayon at sabi nga ng mama ko maganda na ako kesa dati. Pero, hindi mo pa rin napapansin. Baka nga, ako na ang kailangang gumawa nang paraan. Nahihiya ka ba? O, natatakot dahil baka masira ang pagkakaibigan natin? Okay, lang iyon. Magtapat ka na kasi. Hindi mo kaya? O sige, ako na lang. Ako naman palagi.

Dalampu't dalawa... Dalawampu't tatlo... Dalawampu't apat...

"Maligayang ika-dalawampu't apat na buwan, mahal ko." Nakangiti ako habang iniaabot ang cake na ako mismo ang gumawa. Ang galing ko nang mag-bake, no? Hindi lang iyon, magaling na rin akong magluto. Ang gusto ko lang naman sabihin, e, puwede na akong mag-asawa. Haha... Wait, masiyado bang mabilis? E, two years na naman tayo, baka puwede na. Matagal na panahon na rin naman kitang minamahal. Hoy, hindi naman puwedeng ako na naman ang maunang magsabi. Baka naman ikaw naman ang mag-propose this time. Kung puwede lang naman na ikaw naman ngayon.

Dalawampu't lima... Dalawampu't anim... Dalawampu't pito...

Dalawampu't pitong taong gulang na pala tayo ngayon. Halos tatlong taon na rin pala mula nang makipaghiwalay ka sa akin. Pero, hindi ko pa rin makalimutan na ang araw ng anniversary natin ay siyang araw din nang kamatayan ko. OA ba? Iyon kasi ang naramdaman ko nang mawala ka buhay ko. Kasi sabi mo, hindi mo na ako mahal. Let's separate ways. Parang gago lang, e. Baka hindi mo talaga ako minahal. Panakip-butas kaya? Naku naman, naging mabuti naman akong kaibigan ang tagal pa, huwag naman ganoon, pre. It hurts you know. Pero umaasa ako. Umaasang isang araw kakatok kang muli sa pinto namin at sasabihin mong pahingi ng second chance. Huwag kang mag-alala, hindi ko na hihintaying sabihin mo 'yon, yayakapin na kita agad. Oo, ganoon daw ako katanga sabi nila pero sabi ko hindi a. Ganoon lang talaga kita kamahal.

Dalawampu't walo... Dalawampu't siyam... Tatlumpo...

Ika-tatlumpo ng Disyembre heto ako ngayon naglalakad palapit sa 'yo. Nakangiti ka hanggang tainga at ang saya-saya mo. Parang wala na talagang makakapigil pa sa 'yo. Pinahid ko ang luhang naglandas sa aking pisngi bago nakangiti kitang nilapitan. Niyakap nang mahigpit.

Pagkatapos kong namnamin ang huling akap na atang mararanasan ko sa 'yo, nakangiti pa rin akong humarap. "Congrats" ang tanging nasambit ko bago lumiko para umupo sa unahang upuan para sa maid of honor.

Matapos ninyong banggitin ng mahal mo ang 'I do' hindi ko na talaga napigilan ang mapaluha. Masakit man ay masaya ako para sa 'yo. Alam kong sa kan'ya ka liligaya at hindi sa akin na ang turing mo ay kaibigan lang. Tanging hanggang doon lang.

Masigabong palakpakan ang parang gumising sa akin mula sa napakahabang pagkakatulog. Nakangiting tumayo ako at sumabay sa palakpakang hudyat na tapos na ang aking kabaliwan para sa 'yo. Pag-aari ka na ng iba.

Nang kawayan mo ako para sa picture taking, walang pag-aalinlangang binulungan ko ang bride mo. "Ingatan mo siya, mahal na mahal ka niya." Nakangiting lumingon siya sa akin at bahagyang tumango. At alam kong totoong ngiti na ang sumilay sa akin nang humarap sa kamera.

Ako si Via, baliw pero tapat magmahal na naniniwalang darating din ang panahon na iibig at iibiging muli. Haharap sa altar at kagaya ng iba na magiging masaya. Pero sa ngayon, makukuntento muna sa pagiging single at hahayaang hilumin ng panahon ang sugat sa pusong ang una kong minahal ang may gawa. Hindi ko alam kung kailan pero alam kong darating.

Tiwala lang.

---end---



A-Not-So-Happy-Ending-Story:
Tatlumpung Hakbang
jhavril
2015

A-Not-So-Happy-Ending-StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon