Entry#29: PUGANTE

884 20 3
                                    

MAHIGPIT ang tangan ng lubid sa nanghihina ko nang mga kamay. Sa bibig kong walang mamutawi ay may panyong nakabusal. Naglilikot, umiikot, ang mga mata ko ay walang laban sa piring na nakasasakal. Subalit ni isa doon ay walang katotohanan—gawa-gawa ng malupit kong kinasasadlakan.

Mariin kong naipikit ang mga mata kong maghapong nakababad sa kaharap kong aparato. Hapong-hapo iyon, tila anumang oras ay gusto nang bumigay. Ilang oras na nga ba akong pulos ang tipa rito ng mga letra? Hindi ko na halos mabilang.

Tila wala na ngang lumalabas na mga salita. Said na said. Hindi ko na madugtungan ang araw ng karakter kong nag-aagaw buhay, ng mga letrang hindi sapat nang walang kaakibat, at ng mga pangungusap na hanap ay katatagan.

Bagsak ang mga balikat kong isinandal ang aking likod sa upuan at napatingala sa kisameng kakulay na marahil ng nanlalabo kong mga mata. Pakiwari ko ay isa akong patay na may buhay—buhay na malapit nang mamatay.

Napaayos ako ng pagkakaupo at napailing sa ideyang kanina lang ay sumaglit sa isipan ko.

Kahibangan.

Gamit ang natitirang lakas ay tumayo ako at nagbanat-banat ng mga buto. Sa bawat banat ko ng aking mga braso ay siya namang rinig ko ng tila kahoy na rurupok-rupok. Sa kada ikot ko ng ngalay kong ulo ay siya namang daing ko sa kaginhawaan.

Subalit may kung ano sa aking isipan ang hindi mawaglit-waglit. May kung ano ang nagpupumilit. May isang alalahaning nagsusumiksik.

Napalunok ako at napatitig sa larawang ilang taon na ring nakapirmi sa moog. Larawang siyang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob. Larawang kamakailan lang ay hinatak ko sa kahihiyan. At sa dugong sa amin ay nananalaytay, pigil-hininga akong humaharap sa tuwing sila ay nadaraanan.

“Kahihiyan!” alingaw-ngaw mula sa aking isipan. “Iyan ba ang iyong ganti sa dugo at pawis naming pinaghirapan?! Kahihiyan!”

Ang akala kong said nang likido ay nagsimulang dumungaw sa aking mga mata. Wari’y gusto na namang kumawala sa likod ng mga mata kong napunan ng kalungkutan at dumaloy sa pisngi kong dala ay kadustaan.

Subalit ako ay matagal nang pagal. Pagal na pagal. Ang pagtangis nang paulit-ulit ay walang mababago ni papasibol na mga araw. Tumingala ako at nilunok ang pausbong na pagsinghap.

Muli akong pumwesto sa upuan at tinitigan ang mga letrang buong araw kong pinaghirapan. Isang libo, walong daan at siyamnapu’t pitong mga letra—kapos na kapos sa kaisipang araw ang aking iginugol sa katitipa subalit labis na labis naman sa utak kong pagal na sa kalilikha.

Marahas na paghugot ng isang malalim na paghinga at tuluyan ko nang itinigil ang aking kahibangan. Simula’t sapul ay alam kong malabo na. Animo’y ang kagustuhan kong makagawa ng isang obra ay tila suntok sa buwang kagustuhan ng isang taong wala naman talagang kakayanan.

Gaya ng buhay kong pilit kong dinadala sa kasiyahan, iyon pala ay may kapalit na kapighatian.

Tinahak ko ang madilim na silid at kasabay niyon ang paglabas sa kabilang kuwarto ng aking kapatid. Agad akong nag-iwas ng tingin, ngunit sa pagkakataong iyon ay wala akong takas sa kanyang husga niya sa akin.

“Nagagawa mo pang magpakapuyat sa ganyang lagay, ha?”

Ibinuka ko ang aking bibig sa kagustuhang magdahilan, ngunit hindi ko na iyon naisakatuparan dahil sa takot na magdingas ang kanyang pagkamuhi sa akin.

“Noong una pa lang ay alam ko nang wala kang magandang dulot. Bakit pa kasi nag-aral kung hindi naman pala mag-aaral? Kahiya-hiya!”

Tunay ngang kahiya-hiya!

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESWhere stories live. Discover now