Entry#24: FERRIS WHEEL

931 15 9
                                    

Hindi ko malilimutan ang eksaktong unang anim na salitang sinabi niya sa akin. “Gusto kong sumakay sa Ferris wheel.”

Linggo iyon ng hapon. Kalalabas ko lamang noon sa simbahan. Sinalubong niya ako at walang paliguy-ligoy niyang binanggit ang mga salitang iyon.

Hindi ko alam kung tatawanan ko siya, tatarayan, o hindi na lang papansinin. Ang unang pumasok sa utak ko, may deperensya siya sa pag-iisip. Hindi siguro angkop sa edad niyang sa tantiya ko’y katorse ang kaniyang pag-iisip. Para kasi siyang maliit na batang nag-aaya sa nakatatandang samahan siyang sumakay ng Ferris wheel.

Pinagmasdan ko siya. Hindi naman siya mukhang pulubing naglalagi sa labas ng simbahan. Mukha naman siyang desente. Nakapolo siya na may mga guhit na kulay pula at itim at maong na pantalon ang pang-ibaba niya. Maayos din naman ang itsura niya. Isa pa, hindi rin siya nanghihingi ng limos. Iba ang hinihingi niya.

Magsasalita na sana ako nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Doon ko lang namalayan ang matamang pagtitig niya sa akin. Napakalalim ng kaniyang mga mata. Puno ang mga ito ng pagsusumamo. Nagsalita siyang muli. Parehong anim na salita.

“Gusto kong sumakay sa Ferris wheel.”

+ + +

Mula sa simbahan, halos sampung minuto kaming naglakad papunta sa karnabal. Nang mga oras na ‘yun, hindi pa nagsisimula ang mga aktibidades sa loob nito. Naghahanda pa lamang ang mga tao kabilang na ang tagapangasiwa ng Ferris wheel ngunit maaari na namang pumasok.

“P’wede na po bang sumakay?” nagbabaka-sakaling tanong ko sa tagapangasiwa. Kailangan ko kasing umuwi kaagad. May mga asignatura pa akong hindi natatapos.

“Naku, hindi pa p’wede. Mamaya pa kami magbubukas. Bumalik na lang kayo,” sagot nito.

“Please po, Manong! Pasakayin niyo na po kami,” pakiusap ng kasama ko. Mukhang hindi lang ako ang nagmamadali.

Napakamot ng ulo si manong. Halatang nakukulitan na sa amin. Malamang dahil sa abala kami sa paghahanda nito. “Sige na, sige na. Sumakay na kayo. Tetestingin ko rin naman,” anito na halatang napipilitan.

“’Yung bayad po namin,” ‘ka ko. Pero hindi ako nito narinig. Nagpunta na ito doon sa kontrolan ng Ferris wheel.

“Tara na.” Hinawakan na naman ng binatilyo ang kamay ko para igiya ako sa sasakyan.

Una siyang pumasok. Pansin kong hindi mawala-wala ang ngiti niya sa mga labi. Hindi ko tuloy maiwasan ang kuryosidad ko. Bakit nga ba ganito siya kasabik sumakay sa Ferris wheel?

Mabagal lamang ang takbo namin. Nakatingin ako sa may labas, pinipilit na masiyahan sa nakikita kong tanawin pero wala, hindi ko kayang ngumiti na kagaya ng kasama ko. Naroroon ang pagkagusto kong makaramdam din ng kahit katiting na kagalakan pero sadyang bato na yata talaga ang puso ko.

Kailan nga ba ako huling sumakay sa ganitong rides? Ang totoo niyan, hindi ko na maalala. Kahit na malapit lang itong karnabal sa tinutuluyan ko, ngayon lang ako nakapunta rito. Hindi ko nga alam kung bakit sinamahan ko ‘tong binatilyong ‘to, e. Ang alam ko lang, nang mga sandaling natitigan ko siya sa mga mata niya, naramdaman kong hindi ko maaaring tanggihan ang pakiusap niya.

Gusto kong malaman kung ano bang mayroon sa kaniya kaya naman bago pa ako makapagpigil, tinatanong ko kung bakit gusto niyang sumakay ng Ferris wheel. Kaswal ang pagkakasagot niya pero ang mismong sagot niya, hindi ganoon kagaan.

“May taling na ang buhay ko, Ate.”

Hindi siya sa akin nakatingin nang sabihin niya iyon kung hindi sa tanawin. Hinintay kong magbago ang ekspresyon ng mukha niya pero wala, nakangiti pa rin siya. Masaya ba na matalingan ng buhay?

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESWhere stories live. Discover now