TAYONG DALAWA (2)

336 17 4
                                    

KABANATA DALAWA

Dahan-dahang napamulat ang aking mga mata nang dumampi sa aking mukha ang liwanag mula sa araw.

"Umaga na mahal. Bumangon ka na."

Napaupo agad ako at tinignan ang nagsalita. "Ano'ng ginagawa mo rito Troy?"

"Nahimatay ka kagabi. Binantayan ko lang naman ang mapapangasawa ko," masayang sabi niya.

Naningkit ang aking mga mata at napakuyom ang aking kamao. May gana pa siyang maging masaya! Alam kong alam niyang may boyfriend ako!

Pabor na pabor sa kanya ang pag-iisang dibdib namin dahil matagal niya na akong nililigawan. Ilang beses ko na rin siyang tinanggihan pero hindi pa rin tumitigil. Kaya mas lumawak ang pagkainis ko sa kanya. Para siyang bata kung humabol sa akin. Nakakairita talaga!

"Hindi kita binigyang pahintulot na pumasok sa kuwarto ko! Alis!"

Parang hindi siya natinag sa pagpapaalis ko. Ngumisi pa siya sa akin at umupo sa tabi ko.

"Dito na pala ako nakatira, Mahal. Magkatabi lang ang kuwarto natin kung gusto mo akong puntahan," nakangiting sabi niya.

"Ano?" sigaw ko. Agad siyang tumayo at kumaway sa akin bago umalis.

"Buwisit! Bakit dito na nakatira si Troy?" Napasabunot ako sa aking buhok sa sobrang pagkainis.

Ano ba ang plano nila Papa? Kakatapos ko pa lang ng college at ayoko pang mag-asawa lalo na sa taong hindi ko mahal! Kainis! Dahil kay Troy ay nasira na ang gising ko.

Naligo ako nang mabilis at nag-ayos. Napatingin ako sa aking orasan. Medyo maaga pa kaya malamang ay hindi pa nakakababa sina Papa.

Pagkatapos ko mag-ayos ay bumaba na ako. Tulad nang nakasanayan, magmamasid muna ako sa paligid para mapagplanuhan ang pagtakas mamaya. Balak kong puntahan si Jay at sabihin ang mga nangyari kagabi. Hindi ko kasi nakita ang cellphone ko sa kuwarto. Malamang ay kinuha na naman 'yun nila Mama. Bukod sa mga magulang ko ay problema ko na rin ngayon si Troy. Paniguradong hindi niya hahayaang makalabas ako ng 'di siya kasama.

Habang dahan-dahan akong bumababa ng hagdan ay umagaw sa aking atensyon ang malakas na tunog na nagmumula sa TV namin sa sala. Wala si pa Manang, ang alam ko ay sa makalawa pa siya makakabalik dito. E sino kaya ang nanunuod kung hindi si Manang?

Hindi nanunuod sa sala sina Mama kaya imposibleng sila 'yun. Teka, mukhang alam ko na. Malamang si Troy 'yun. Hay, may bantay agad ako!

Mabagal ang bawat hakbang na nagagawa ko. Hanggat maaari ay ayokong lumikha ng anumang ingay. Kailangan ko munang ma-check kung sino ang nasa sala. Subalit habang bumababa ako ay nahigit ng balita mula sa telebisyon ang aking pandinig. Narinig ko kasi ang isang pamilyar na pangalan. Iyon ay pangalan ng pinakamamahal ko!

Parang hangin akong tumakbo papunta sa sala. Tumapat ako mismo sa TV namin at ninamnam nang mabuti ang binabalita ng isang reporter.

Unti-unti akong napaluhod habang hawak ang aking bibig nang makumpirma kong si Jay nga. Siya ang lalaking tinutukoy sa balita na natagpuang patay sa talahiban malapit sa kanilang lugar. Ayokong maniwala no'ng una kahit sinabi na mismo ng reporter kung sino iyon.

Bagamat hindi na pinakita ang mukha, lalo kong napatunayan na si Jay iyon dahil sa pinakitang damit. Tandang-tanda ko ang damit na iyon dahil 'yon ang suot niya no'ng huli naming pagkikita. Nagtamo raw ng pitong saksak sa dibdib si Jay. May mga sinyales na pinahirapan muna siya bago pinatay dahil nakapiring ang mga mata at nakagapos ang mga paa. May mga paso rin at hiwa sa binti.

Naramdaman ko na lang na sunod-sunod ang pagtulo ng mga luha sa aking mga mata. Ang sakit sa dibdib, ang sakit, sobra!

"Hindi 'yan totoo! Hindi! Jay ko!" Umiling-iling ako. Hindi ito totoo! Paano nangyari 'yun? Talaga bang si Jay 'yun? Iniwan na ba talaga ako ng taong mahal ko?

Tayong Dalawa (Complete)Where stories live. Discover now