TAYONG DALAWA (1)

500 22 2
                                    


KABANATA ISA

"Umalis ka na, nandiyan lang sina Papa," sambit ko sa aking kasintahan.

Hindi pabor sa mga magulang ko ang pag-iibigan naming dalawa. Gusto nila ay kaantas ng pamumuhay namin ang aking magiging nobyo. Pero para sa akin ang tunay na pagmamahal ay hindi nakikita sa kung ano ang antas mo sa lipunang ito.

"Sige. Magkita ulit tayo sa susunod na araw. I love you." Yumakap si Jay sa akin at hinalikan ako sa noo.

"I love you too," pahabol kong sabi. Mabilis siyang naglakad palayo sa aking kinaroroonan.

Inayos ko muna ang aking damit at buhok bago tuluyang lumabas sa gilid ng kalyeng tinataguan. Napahawak ako sa aking dibdib. Mabilis ang pintig ng puso ko, takot na takot kasi akong mahuli nila Papa. Kailan ba hindi nawala ang kabang ito? Simula nang maging kami ni Jay ay parang may sakit na ako sa puso. Laging kinakabahan at naninikip ang dibdib. Hindi na natahimik ang puso ko. Nakakainis!

Nagpalinga-linga ako para tignan kung may mga kakilala na nasa paligid. Mabuti naman at wala akong napansin.

Nagsimula na akong maglakad papunta sa isang restaurant na hindi naman kalayuan sa kinatatayuan ko. May espesyal na anunsyo raw si Papa kaya ang buong pamilya ko ay doon maghahapunan. Napatingin ako sa kalangitan, kitang-kita ko ang nang-aakit na liwanag mula sa buwan at kumikinang na mga bituin. Sana ay kasing ganda ng nila ang mga sasabihin ni Papa mamaya.

Pagdating ko sa pintuan ng restaurant ay agad kumunot ang aking noo nang makita ang mga tao sa loob. Hindi lang pala pamilya ko ang magsasalo-salo, maging ang pamilya rin ng lalaking kinasusuklaman ko!

"Ara, bakit hindi ka pa pumapasok?"

Napasigaw ako sa gulat nang may humawak sa aking balikat. Pagtingin ko sa gilid ay agad sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Sabi ko na nga ba, kilala ko 'to! Kaya pala pamilyar ang boses.

"Kuya Vin!" Lumapit ako at niyakap siya nang mahigpit. Sobrang na-miss ko talaga ang aking kapatid. Isang taon siyang namalagi sa America dahil may inaasikaso raw doon.

Naramdaman ko ang pagkalas ni Kuya sa yakap ko. "Ang higpit ng yakap mo a! Na-miss mo ba ang kuya mo?" tanong niya.

Napangiti ako at tumingala sa kanya. "Sobra! Kailan ka pa dumating?"

"Kanina lang. May importante raw sasabihin si Papa," nakangiting tugon niya. Bigla naman akong napaisip. Gano'n ba kaimportante ang anunsyo ni Papa para pauwiin agad dito si Kuya?

"Uy, natulala ka na. Pumasok na tayo sa loob," sambit ni Kuya. Natigil sandali ang pag-iisip ko nang hilahin niya ang kamay ko papasok sa restaurant.

Pagpasok namin ay hindi kami nakaligtas sa mapanuring mata ng mga tao sa loob. Marami marahil ang nagulat sa pagdating ni Kuya. May mga nagbulungan pa nga sa harap namin, lalong-lalo na sa pamilya ng kinaiinisan ko.

Pero mas kapansin-pansin ang malakas na pagtawag sa akin ni Papa na dumagundong sa buong kainan. Para bang may kasalanan na naman akong nagawa. Natahimik ang lahat, huminto sa pagbubulungan ang iba at pakiramdam ko ay nakasunod sa akin ang mga mata nila habang lumalapit ako kay Papa.

Paglapit ko ay sinalubong agad ako ng tanong. "Saan ka ba nagpunta at napakatagal mo?" bungad ni Papa.

Napalingon ako kay Mama, tiim-bagang siyang nakatingin sa akin. Galit na naman sila.

"Huwag mong sabihin na nakipagkita ka sa Jay na 'yan?" muling tanong ni Papa.

Hindi ako makasagot. Yumuko na lamang ako. Ayoko silang tignan sa kanilang mga mata. Hinigit ni Papa ang aking kamay at pinaupo ako sa tabi ng silya niya.

"Pag-uusapan natin 'yan sa bahay! Humanda ka!" babala ni Papa.

Para na naman akong lumubog sa lupa. Pagkakaisahan na naman nila ako mamaya. Si Mama na una'y kakampi ko ay biglang nagbago. Akala niya kasi ay crush ko lang si Jay. Pero nang malaman niya na kasintahan ko na, hindi na rin siya nagdalawang isip na ipakita sa aking hindi siya sang-ayon sa naging desisyon ko.

Kasalukuyan kaming nasa isang mahabang lamesa. Nakahilera sa kanang bahagi ang buo kong pamilya samantalang nasa kaliwa naman ang pamilya ng lalaking kinaiinisan ko. Mukhang tungkol na naman sa negosyo ang pag-uusapan. Parehas malakas ang negosyo namin. Kung magkakaroon ng merging, paniguradong mas lalakas pa ang negosyo namin.

Nabalot nang katahimikan ang buong kainan. Siguro dahil na rin sa eksenang ginawa ni Papa. Nakakahiya kami! Walang patawad si Papa, nararapat bang tratuhin niya ako ng ganito? Na para bang siya lang ang may karapatang kontrolin ang buhay ko?

Bigla kaming nakarinig ng katok sa pinto kaya nahinto ang pag-iisip ko. Halos sabay-sabay kaming napatingin sa pintuan. Agad kong natanaw si Troy, ang lalaking kinaiinisan ko. Pagpasok niya ay nakatago sa magkabilang bulsa ang kanyang mga kamay habang naglalakad papunta sa puwesto namin. Ang yabang na naman ng dating niya! Ngumisi pa siya sa akin pag-upo mismo sa tapat ko!

"Sorry po na-late ako ng dating," sambit ni Troy kina Mama.

Ito namang sina Mama ngumiti agad at tinanggap ang paumanhin ni Troy. Ano bang pinakain ng lalaking ito at parang gustong-gusto siya nila Mama?

Bumuntong hininga ako at tinignan si Papa. Mukhang magsisimula na siyang magsalita.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ang gabing ito ay isang selebrasyon para sa nalalapit na kasal ng anak kong si Ara at si Troy!" sabi ni Papa.

Parang tumigil ang aking mundo. Humina ang pandinig ko at ang mga sinabi lang ni Papa ang paulit-ulit kong naririnig. Tumingin ako kina Troy, mga nakangiti sila sa akin. Gustong-gusto nila ang anunsyo ni Papa.

Kunot-noo akong lumingon sa mga magulang ko. "Paanong..."

"You're getting married, Ara," wika ni Papa at isang mahigpit na kapit sa aking kamay ang naramdaman ko.


"Pa, ano ba! Ayoko po!" hiyaw ko. Hindi ako makapapayag na makasal kay Troy!

Umiling si Papa at hinigpitan ulit ang pagkakakapit niya sa kamay ko. "Makinig ka, ako ang magdedesisyon para sa 'yo! Tandaan mo, malaki ang utang na loob mo sa amin!"

"Ma, parang awa mo na. Ayoko po makasal sa taong hindi ko mahal," nagmamakaawa kong sabi.

Subalit inirapan lamang ako ni Mama. Sumulyap ako kay Kuya. Mababakas sa mukha niya ang pagkagulat pero mukhang wala rin siyang magagawa pa.

Napahawak ako sa aking dibdib at naramdaman ang paninikip nito. Sa mga oras na ito ay isa lang ang pumasok sa isipan ko, paano na kami ni Jay?


*****

Please drop down your comment, hit like and share this story.

Maraming salamat po sa pagsuporta. luv yah!

-Ms. K


Please like my Page:

KhelieLove Stories

https://www.facebook.com/khelielove

My FB accnt:

Khelielove WP

https://www.facebook.com/khelielovesyou

Tayong Dalawa (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon