CHAPTER 3: INFORMATIONS FOR SALE

2.7K 124 256
                                    

Pagkalabas nila Hunter at Rosilie sa student council office, nanatiling nakatayo sa Clark sa tabi ng bukas na bintana. Sumilip siya doon na tila may hinihintay.

Isang malamig na daliri ang sumundot sa kanyang kanang pisngi. Bahagya siyang napa-atras dahil sa gulat.

Isang malambing na bungisngis ang kanyang narinig mula sa babaeng nanggulat sa kanya.

"Ako ba ang hinihintay mo?" tanong ng babae habang hinahawi ang mga buhok na tumatakip na sa kaliwang mata niya, ibinunyag ng nahawi niyong buhok ang mapupulang mga mata nito na tila kulay dugo.

"Hindi, nagpapahangin lang," sagot ni Clark habang sinasara muli ang bintana.

Ngumiti ang babae at tumingin sa mga kulay gintong mata ni Clark na pinipilit umiwas. "Maayos naman ang ventilation dito, bakit kailangan mo pa buksan ang bintana?" tanong pa nito na hindi titigil hangga't hindi nasasagot ang kuryosidad.

"Mas healthy at mas refreshing ang fresh air kaysa sa air-con," paliwanag ni Clark na kinakabahang tumingin sa mga pulang mata ng babaeng kausap kaya ipinanatili niya ang tingin sa bintana. Alam niyang magaling manghuli ang kausap ngunit madali ito mauto.

Tumango nang marahan ang babae. Mukhang naniwala ito sa sinabi ni Clark.

Bumalik si Clark sa kanyang swivel chair at tiningnan ang babae na umupo sa isang upuan sa tabi ng bintana at may inilabas na libro mula sa dalang backpack. Hanggang sa hita ang maalong buhok nito na kulay abo. May sidebangs ito sa halos tumakip na sa kaliwang parte ng maputing mukha. Kahit si Clark ay nagtataka kung paano nito natitiis ang ganoon kahabang buhok.

"Pa'no ka nga pala nakapasok dito, Raven?"

Malakas ang pandinig at malinaw ang mga mata ni Clark. Nakakapagtaka na hindi niya naramdaman ang pagdating ng kausap.

Ngumisi ang babae at itinuro ang nakabukas na pinto. "Mukhang nasira ng isa sa bisita mo kanina ang doorknob ng opisina mo."

-*-*-

Salubong ang mga kilay ni Rosilie habang naglalakad patungo sa canteen.

"Huy, kilay mo, naging unibrow na!" komento ni Hunter sa mga kilay ni Rosilie na halos magkadikit na.

"Pa'no naman kasi, kung hindi natin naiharap sa vampire-wannabe na president na yun ang mga tunay na bully, tayo ang magsa-suffer sa punishment na hindi natin deserve?" diretsong sabi ni Rosilie. Hindi nga siya huminga habang sinasabi iyon.

Tumango si Hunter. Nakaramdam din siya ng inis ngunit nanatili ang kalmadong ekspresiyon niya.

"At saan mo naman nakuha 'yang hawak mong doorknob?" nagtatakang tanong ni Rosilie habang nakaturo sa hawak na doorknob ni Hunter na hindi nila alam kung paano, saan at kailan pa nito hawak.

Umiling si Hunter na may kasamang pagkibit ng kanyang balikat. "Hindi ko alam." Ibinato niya lamang sa kung saan ang kanyang hawak.

Pagdating sa canteen, dumoble ang inis na nararamdaman nila dahil sa haba ng pila.

"Kung kelan gutom na 'ko!" reklamo ni Hunter. Kilay niya naman ang ngayo'y magkasalubong.

"May pagkain ako sa bag ko, tara kainin natin," nakangiting niyaya ni Rosilie ang bagong kaibigang si Hunter.

-*-*-

Nasa isang bench sina Rosilie at Hunter sa garden ng eskuwelahan nila. Tahimik doon at mahangin. Isang magandang lugar ngunit hindi napapansin.

May hinahalungkat si Rosilie sa backpack niya. Mukhang nahihirapan itong hanapin ang hinahanap.

"Ang liit lang ng bag mo, hirap ka maghanap?" natatawang komento ni Hunter. "Ano ba yan, bag ni Dora na andaming nakalagay?"

Tiningnan siya si Rosilie na nagpatuloy ang mga kamay sa paghahalungkat sa bag. "Hindi. Marami kasing kalat, wala akong time mag-ayos."

Napangiti si Rosilie nang makapa ang hinahanap. Inilabas niya mula sa bag ang nahanap na isang piping sandwich.

Napataas ang kaliwang kilay ni Hunter habang nakatingin sa sandwich na mukhang nabugbog. "May balak ka pa talagang kainin 'yan?"

Napanguso si Rosilie sa sinabi ni Hunter. Malinis naman ang sandwich na hawak niya kaya hindi dapat iyon iniinsulto. "Maayos ang pagkakagawa ko dito sa sandwich, pero dahil sa mga bully na nakipag-agawan sa bag ko, napipi tuloy."

"Speaking of bullies, paano naman natin sila mahuhuli?"

"Oo nga," pagsang-ayon ni Rosilie habang binubuksan ang plastic na nakabalot sa sandwich.

"Kailangan niyo ba ng impormasyon?"

Iginala nila Hunter at Rosilie ang kanilang mga mata upang hanapin ang may-ari ng misteryosong tinig.

Tumingin sila sa itaas, ibaba, kaliwa at sa kanan. Wala.

"Naghahanap ba kayo ng mga kasagutan sa mga tanong na walang kasiguruhan?" tanong muli ng misteryosong tinig.

Hindi siguradong napatango ang dalawa. Oo, naghahanap sila ng sagot kung saan matatagpuan ang mga bully na nakalaban kani-kanina lamang.

"Mga sagot upang mahanap ang mga taong hinahanap?"

"O-oo!" desperadang sagot ni Rosilie na hawak parin ang sandwich na hindi pa nakakagatan.

Isang lalaki ang tumalon sa harapan nila. Nakasuot ito ng school uniform at gulo-gulo ang kulay itim na buhok na puno pa ng mga dahon at mga dumi. Sa kaliwang balikat nito ay may brown na guinea pig na nakapwesto. Mukhang weirdo, ngunit hindi maipagkakaila na may itsura ito.

"Saan ka galing?" nagtatakang tanong ni Hunter.

"Hindi ba nakita niyo akong tumalon pababa dito? Ibig sabihin galing ako sa itaas," walang emosyong sagot nito na nakaturo pa ang isang daliri sa langit.

"Tumingin kaya kami sa itaas," sambit ni Rosilie bago kumagat sa kanyang hawak na sandwich.

"Nevermind," kibit-balikat ng lalaki. "Ibibigay ko ang kahit na anong impormasyon na kailangan ninyo kapalit ng tamang presyo," dugtong nito.

Nagtinginan sina Hunter at Rosilie. Nagpapakiramdaman kung dapat bang magtiwala sa lalaking kaharap.

"Magkano ba?" tanong ni Hunter.

"One hundred per question. Pero depende naman sa mga maaaring maganap ang singil. May possibility na magpasama kayo para mahanap sila o utusan ako na gumawa ng kung ano."

"Alam mo talaga kung nasa'n ang mga bullies na yun?" taas-kilay na tanong ni Rosilie.

"Yung bullies na naka-enkuwentro niyo kanina ay sina Doney, Jeff at Patz. Class skippers ang mga iyon. Pumapasok lang sila kung naghahanap ng pera sa pamamagitan ng pambubully. Alam ko kung nasaan sila ngayon."

Tumango si Rosilie ng mabilis. Excited nang malaman ang kasalukuyang lokasyon ng mga hinahanap.

Naglahad ng kamay ang istranghero na parang nanlilimos. "Bayad muna bago makuha ang sagot."

"Pineperahan niya tayo! Tayo nalang maghanap, may three days naman tayo!" reklamo ni Rosilie. Hindi siya gagastos hangga't maaari. Kahit nga gutom ay handa niyang tiisin.

Tiningnan siya ng lalaki at ngumisi sa kanya. "Kakailanganin mo mag-skip ng klase para mahanap sila. Pero hindi ba masisira no'n ang perfect record mo? Scholar ka pa man din. Isa pa kahit bigyan kayo ng one week, hindi niyo sila mahahanap."

Sumeryoso ang mukha ni Rosilie. Tama ang mga sinabi nito.

Naglabas si Hunter ng malutong na isandaan mula sa kanyang pitaka at iniabot iyon sa lalaki.

Ngumisi ang lalaki habang ibinubulsa ang pera. "May secret organization ang mga delinquents ng school. Andun kadalasan sina Doney and friends."

"Saan yun matatagpuan?" tanong ni Rosilie na ngumunguya ng sandwich.

Naglahad muli ng kamay ang lalaki. "Five-hundred. Dadalhin ko kayo doon."

Naiinis na dumukot muli si Hunter ng medyo lumang limandaan sa kanyang pitaka. "Kapag kami niloko mo, humanda ka!" banta niya.

THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon