Chapter 18: Freedom Fall (Ang Pagbagsak ng Kalayaan)

Start from the beginning
                                    

"Ako ang makikipag-usap sa kanila," wika ng inspektor. Agad namang naglakad patungo sa isang hover car ang pulis. Sumunod naman siya dito.

Nagbarikada na ang mga bid sa paligid ng mataas na gusali ng Hotel Dela Rouge. Mga lumang kagamitan, mga upuan, mga bakal na pangharang at maging ang ilang mga bato ay ginawa nilang barikada paikot sa mataas na gusali. Nakaupo pa ang mga bid at may mga hawak na mahahabang mga kahoy, bakal at ilang mga patalim. Nagsindi na rin ng apoy ang mga ito. Sa bawat limang metro ay makikita ang mga sulo na gumagawa ng itim na usok na lalo pang nagpadumi sa imahe ng lugar. Ang mga militar ay nakaabang lamang. Nakaharang ang kanilang mga hover truck at ilan pang mga sasakyan ng mga pulis. Hawak nila ang matataas na kalibre ng mga baril at tila handa sa kung ano mang puwedeng maganap.

"Hindi kayo puwede dito!" sigaw ng isa sa mga bid na may hawak na isang mahabang bakal. Matalim ang dulo nito. Halatang hinasa muna para gawing sandata.

"Doon kayo sa loob! Hindi niyo kami mapapaalis dito!" sigaw naman ng isang babae.

"Hindi naman po kayo paaalisin. Mag-iimbestiga lang kami..." sagot naman ni Inspector Vega nang lumabas siya sa hover car na kararating lamang. Agad niyang inayos ang kanyang trench coat at lumapit sa kanila. Tila naging alerto naman ang mga bid. Naglundagan ang mga ito palabas ng harang at hinawakan ang kanilang mga sandata. Hinawi naman ng inspektor ang kanyng trench caot, tumalikod at itinaas ang kanyang mga kamay upang ipakita na wala siyang sandatang dala.

"Nandito ako para pakiusapan kayo na kahit sa sandaling pagkakataon lang, hayaan niyo kaming mag-imbestiga," wika niya.

"Hindi! Hindi kami papayag!"

"Pagkatapos noon ano?! Palalayasin niyo kami?! Saan niyo kami patitirahin?"

"Hindi pa ba sapat yang maganda niyong lugar?! Bakit niyo kami kailangang guluhin dito?!"

"Umalis na kayo dito!"

Napuno ng tension sa lugar na iyon. Ang lahat ay dahan-dahang lumalapit sa inspektor. Bitbit nila ang kanilang mga sandata at umaamba na sasaktan siya kapag lumapit pa siya sa barikada. Agad namang nagkasahan ng mga baril ang mga militar at pulis. Itinutok nila ang kanilang mga baril sa mga bid. Natakot naman ang mga ito at umatras din. Tinaas naman ng inspektor ang kanyang kamay at isinara ang kanyang kamao senyales na huwag magpaputok.

"Kung hindi kami gagawa ng imbestigasyon dito, hindi namin malalaman kung nasaan si Black Out..." tugon niya.

"Wala kaming pakialam sa kanya! Kaya umalis na kayo dito!"

Nagulat naman siya sa sinabi ng isang babae. May lungkot sa kanyang mukha. May bahid ng galit ang kanyang tono at namumuo ang luha sa kanyang mga mata. Nagkatinginan naman ang mga pulis at militar. Sa pagkakaalam nila ay naniniwala ang mga taong iyon na si Black Out ang natitira nilang pag-asa upang wasakin ang MEMO at gawing pantay-pantay ang lahat.

Muling tinunghayan ni Inspector Vega ang paligid. Ang mga guhit sa lumang gusali na iyon. Ang mukha ni Black Out, ang kanyang pangalan. Ang lahat ng iyon ay minarkahan na ng ekis na pula. Malayo sa inilalabas ng media na ang naging pag-asa ng mga bid ay siya.

"Hindi na kami naniniwala sa kanya. Pero hindi ibig sabihin noon na makakapasok kayo dito!" sagot muli ng babaeng iyon.

"Tama na ito!" isang boses ng lalaki sa likuran ng inspektor ang umugong. Isang hover truck ang papalapit sa kanilang pwesto. May marka ito ng Philippine Army. Sa pagkakataong iyon ay alam na ni Inspector Vega na gulo ang maidudulot nito. Nanlaki na lamang ang kanyang mga mata at nakaramdam siya ng kaba.

"Sandali! Sandali lang!" sigaw ng inspektor habang ihinaharang ang kanyang mga kamay sa sasakyan. Tumigil naman sa harap niya ang truck.

"Inspector Robert Vega. Pasensiya na. Utos lang galing sa Malakanyang," wika ng isang malaking lalaki na nakauniporme habang bumababa sa hover truck. Nakangiti pa siya habang nakaharap sa kanya.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersWhere stories live. Discover now