Entry 3 for Round Two: Ang Malunod sa Dagat ng Pananalig

122 5 5
                                    


Genre: Fantasy-Inspirational

Word Count: 1471

"Kuya, tinuruan kami tungkol kay God ngayon!" masayang ibinahagi sa 'yo ng nakababata mong kapatid. Napatingin ka sa kanyang mga masisiglang mata. Tiningnan mo kung paano ito kuminang at nanabik sa panghabangbuhay na kaligtasan. Nakita mo ang dating ikaw sa kanya.

Naalala mo pa noong una mo Siyang nakilala, katulad niya'y pumungay din ang iyong mga mata. Ang sarap sa pakiramdam noon na malaman na hindi ka pala nag-iisa, na mayroong taong mahal na mahal ka na handa nitong ialay ang Kanyang buhay para sa 'yo, isang taong hindi ka iiwan, hindi ka pababayaan.

At maniniwala ka sa lahat ng ito.

Mananalig ka.

Magtitiwala ka.

Aasa ka.

Hindi ba't iyan ang turo nila?

Subalit darating sa punto sa buhay mo kung saan kekwestsyunin mo ang lahat ng ito.

Kapag nagbago na ang iyong pakiramdam at napalitan ito nang pakiramdam nang pag-iisa, nang walang nagmamahal, kapag naiwan ka na at napabayaan ka na. Kapag nalunod ka na sa dagat ng iyong pananalig, subalit patuloy ka pa ring lumulubog. Walang sumasagip sa 'yo. Maiiwan ka sa ilalim ng dagat nang walang nakakaalam, walang gustong makialam, walang may pake.

At dito magbabago ang lahat. Na saan na ang sinasabi nila, ang mga tinuturo nila? Magtataka ka kung bakit ginawa mo naman ang lahat subalit wala pa rin?

Hanggang sa matututo kang lumangoy, paahon, patungo sa lupain kung saan ka makatatayo sa iyong sariling paa at tuluyan nang iwan ang karagatan ng iyong pananalig.

Muling nanumbalik ang iyong tingin sa mata ng iyong kapatid. Malungkot kang napangiti sa pag-iisip na balang araw ang kanyang mga mata ay matutulad sa iyo: walang buhay, takot, matamlay, magulo, ewan... Hindi mo na rin alam kung ano na nga ba ang itsura pa ng iyong mga mata sapagkat dumating na rin sa puntong hindi mo na kilala kung sino ka pa nga ba talaga.

"Kuya," tawag sa 'yo ng iyong kapatid. Tininingnan mo siya bilang tugon.

"Bakit di ka lumapit kay God?" Hindi mo inaasahang tanong niya.

"Turo kasi ni teacher, kung may problema raw kami pwede kaming lumapit kay God. Ikaw rin kuya, pwede ka ring lumapit. Gusto mo samahan kita? Paano kasi lagi ka nang sad, eh hindi ako sanay na sad ka kuya." Parang kinurot ang iyong puso. Hindi mo alam kung paano tutugon sa kanyang tinuran. Pinigilan mo na lamang ang pamumuo ng luha sa iyong mata at pinilit ngumiti.

"Tara na, Angel, uwi na tayo." Ngumiti ang iyong kapatid at masaya siyang naglakad habang nakahawak sa iyong kamay.

Pagdating mo sa inyong tahanan ay agad kang dumeretso sa iyong kwarto. Hindi mo alam pero ang bigat-bigat ng lahat. Para kang pinagsakluban ng langit at lupa. At ang una mong ginawa ay ang ilagapak ang iyong sarili sa malambot ninyong kama at umiyak. Umiyak nang umiyak. Humagulgol. Kala mo'y pupunuin ng iyong luha ang 'yong kwarto subalit hindi.

Nagambala ang iyong pagtangis nang bigla mo na lamang naramdaman na may humihimas sa iyong likuran. At kahit hindi mo tingnan kung sino ang taong ito ay kilala mo na ito agad, ito ay ang iyong lola.

Ibinaling mo ang atensyon mo sa kanya at tsaka siya niyakap nang mahigpit. Para kang batang ayaw pumasok sa unang araw ng eskwela.

Tanging ang mga ungol lamang ng iyong pag-iyak ang naririnig. Hinayaan mong patuloy na idaloy ng iyong luha ang lahat ng nararamdaman mo. At sa hindi malamang dahilan ay napapanatag ang iyong puso sa ganitong pakiramdam.

Second Wave and Round 2 EntriesTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang