Entry 2 for Round Two: Sinteya

79 7 2
                                    

Genre: Fantasy-Inspirational

Word Count: 1494


"Aria!" tawag ko sa aking kaibigan na paikot-ikot pa rin sa himpapawid at nakabungisngis. "Uwi na! Bawal tayo rito sa labas 'di ba?" Agad siyang napahinto at napatitig sa akin. Wari ko'y nainis siya sa aking sinabi dahil gustong-gusto niyang gumala sa labas. Ako'y hindi.

Hindi na nagsalita si Aria at tumalikod na ikinaluwag ng hininga ko. Nauna na siyang lumipad patungo sa aming tahanan habang ako naman ay nakasunod lang sa kaniyang likuran. Hindi ko naman mapigilang humanga sa kaniyang makulay na pakpak. Pinaghalong berde, asul at dilaw ang mga ito at sa tuwing gumagalaw ay nagsisiliparan ang mga maliliit na ilaw na lalabas mula rito. Ang kaniyang dilaw na buhok naman ay sumasayaw sa tugtog ng amihan, hindi katulad ng buhok kong maikli.

"Lagi na lang si Ina!" rinig kong bulong niya. Alam kong galit siya dahil pinigilan ko siyang maglaro sa hardin ng isang tao. Ilang beses nang sinabi ni Ina sa aming lahat na lumayo sa mga tao. "Sakim sila, mga anak. Ang mga tao'y walang ibang sinasamba kung 'di ang mga sarili nila." Iyon ang lagi niyang paalala sa aming lahat.

Huminto si Aria sa paglipad at tumingala sa mga alapaap.

Tumigil naman ako sa paglipad nang makaramdam na ako ng pagkangalay sa aking kaliwang pakpak at nagsimulang maglakad sa gitna ng mga damo. "Kung ako sa'yo, uuwi na ako at baka mahuli pa tayo ng tao!" sigaw ko.

"Sinungaling naman si Ina. Hindi totoong sarili nila ang sinasamba ng mga tao. May diyos sila," bulong niya na pinakawalan ko na lamang.

Unti-unting bumibigat ang aking pakpak na hindi pa talaga tuluyang magaling mula sa pagmamalupit sa akin ng tao. Ang tulad nami'y bihira lang nilang makita kaya't ganito na lamang kalakas ang kuryosidad nila sa amin.

Malaki ang utang na loob ko kay Ina. Kung hindi dahil sa kaniya, siguro hanggang ngayon ay naroon pa rin ako sa napakalaking kristal na kulungan. Marahil ay nagmistulan na akong isang tuyong dahon sa kulungang walang kahangin-hangin, at balot ng takot na baka saktan ng taong nakahuli sa akin.

Ang totoo niyan ay kilala ko ang kanilang diyos. Minsan na akong nadala ng taong nagkulong sa akin sa lugar kung saan siya sumasamba. Isa itong napakalaking silid at sa gitna niyon ay isang napakalaking makinaryo. Ito'y bumababa mula sa mala-langit na kisame sa tuwing nilalatag ako sa isang napakalambot at lumilipad na sahig. Sa pagbaba nito ay titingalain siya ng mga taong nakasuot ng puting damit, at papanoorin lang nila itong gawin ang kung ano ang gusto niyang gawin sa akin. Ang pakpak ko ang may pinakamalalim na sugat sa aking katawan dahil muntik na nila itong tanggalin mula sa akin kung hindi lang dumating si Ina.

Nang matanaw ko ang hapag-kainan ay napakunot ang aking noo. Wala akong nakikitang kumakain sa hapag. Nang makita ko ang isa naming kapatid ay agad akong nagtanong kung nasaan ang iba. "Lumabas yata kasama si Aria. Kanina pa silang wala, e."

"Ano? E, kasama ko si Aria pauwi!" Nilingon ko ang aking likuran ngunit wala akong nakitang Aria.

"Kakapaalam lang sa akin ni Luces na aalis sila ni Aria," ani Tia. "Nag-iwan pa nga siya ng sapat na ilaw para kung hindi pa sila makakauwi ay hindi tayo mawawalan ng ilaw sa gabi. Si Arkin naman ay inayos na ang mga sirang makinaryo. Si Gaston, Helio, Roselle, Igbot at Lumina naman ay sumama rin."

Malakas ang kabog sa aking dibdib. "Hindi sila pwedeng umalis lalo't pagabi na!" Pinaglapat ko ang aking mga kamay at dahan-dahan itong pinaghiwalay. Puting ilaw kaagad ang nakita ko sa gitna ng aking mga palad at nagdasal ako kay Ina na sana'y lumabas kaagad ang imahe nina Aria. Hindi naman ako binigo ng aking kapangyarihan ngunit nanghina ang buo kong katawan nang makita ko ang pamilyar na hardin.

Second Wave and Round 2 EntriesWhere stories live. Discover now