Hit 10~ Decision

7.8K 83 6
                                    

Hindi naman talaga gusto ni Mia ang Yamato Clan, pero sa paglipas ng mga araw ay natututunan na rin niya itong tanggapin.

Sa lugar na ito kasi siya nagkaroon ng mga kaibigan. Naging maayos din ang pamumuhay nila rito.

Pero mukhang magkakalamat na naman ang pagtanggap na iyon dahil sa kagagawan ni Yano Matsumoto.

Dinala nina Nino at Chen Yin si Mia sa clinic. Ginamot ito ni Doktora Sanchez. Tinulungan naman ito ni Cashmere na maglinis ng sarili at magpalit muna ng PE uniform.

"Gusto ko nang umuwi," sambit ni Mia.

Iyon nga ang ginawa ni Nino. Iniuwi na muna niya si Mia. Sinabi na lang niya sa nanay nila na biglang sumama ang pakiramdam nito. Baka kasi mag-alala pa ito kung babanggitin nila ang tungkol sa ginawa ni Yano.

"Ate okey ka na ba?" tanong ng nag-aalalang si Nino.

Nasa kama na ngayon si Mia. "Okey na ko. Hindi naman kasi talaga ako nasaktan, natakot lang ako sa mataas," sabi ni Mia. Nagawa pa nitong ngumiti kaya napatanag na si Nino.

"Mabuti naman at okey ka lang, ate. Sige iwan na muna kita para makapagpahinga ka nang maayos" sabi ni Nino.

Tumango si Mia taglay ang matamis na ngiti. Ngiti na biglang naglaho nang makalabas na ng kuwarto si Nino. Hindi naman kasi talaga siya okey. Bukod sa matinding pagkapahiya at pisikal na sakit ay labis din ang nadama niyang takot kanina. Pero mali iyon. Paano niya mapoprotektahan si Nino kung matatakot siya? Pero anong gagawin niya? Takot talaga siya. "Ayoko na!" nasabi na lang niya. "Ayoko na..." Maya maya pa ay umiiyak na siya.

"Ate." Nakita ni Nino ang pag-iyak ng kapatid. Bumalik kasi siya para bigyan sana ito ng apple candy, pero hindi na niya nagawang lumapit dahil sa nasaksihan.
Parati akong pinoprotektahan ni ate. Ako rin, gusto ko rin siyang protektahan. Gusto ko rin may magawa para sa kanya, naisip ni Nino.

Kinabukasan, maagang gumising si Mia para mag-ensayo ng archery. Oo, natatakot siya sa puwedeng gawin ni Yano pero lalabanan niya iyon. At Archery ang gagamitin niyang lakas.

Papunta na siya sa dojo ng Village III kung saan siya nag-eensayo nang makasalubong niya ang ama.

"Mag-papractice ka?" tanong nito.

"Opo."

"Pasensiya na hindi kita masaasamahan ngayon. Sira kasi ang taxi ko kailangan ko pang tingnan."

"Okey lang po." Lumakad na si Mia.

"Ah, sandali anak!"

Huminto si Mia at nilingon ang kanyang ama, "Bakit po, tay?"

"Pasensiya ka na," sabi nito.

Napangiti si Mia. "Ano ba naman po kayo, tay. Ayos lang naman po kahit hindi n'yo ko masamahan ngayon. Next time na lang po kayo bumawi."

"Hindi iyon ang hinihingi ko ng tawad."

"Ha?" Napakunot ng noo si Mia. Kung hindi iyon, anong hinihingi ng tawad ng tatay niya?

"Patawad dahil isinama kita rito sa Yamato Clan."

"Ah." Natahimik si Mia. Pagkatapos ay napatungo. May alam ba ang tatay niya sa nangyari? Hindi siya sigurado.

Nagpatuloy sa pagsasalita ang kanyang ama. "Kung may magandang trabaho lang sana ako, hindi na natin kakailanganin sumama sa mga Yamato. Ang kakulangan ko ang dahilan kaya nahihirapan ka ngayon kaya patawad."

"Tay naman..." Tumunghay na si Mia. "Huwag na kayong magdrama dahil isang taon na lang aalis na ko rito."

"Oo nga pala. Ang bilis talaga ng araw," sabi ng kanyang ama.

Kizuna: The Bond Between usTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon