Eleven

9.3K 377 28
                                    

"Kumusta ka na kuya? Sorry ha? Sorry kung minsan na lang ako pumupunta dito, sorry. Pero kahit ganun, ni minsan hindi kita kinalimutan at hinding-hindi makakalimutan.

Hanggang ngayon hindi ko pa rin nasusunod yung gusto mo. Kasi natatakot ako. Kasi hindi ako kasing tapang mo. Gusto ko pang mabuhay. Gusto ko pang makita si Bunsoy."

Oo, kuya. Hindi ko pa rin siya nakikita. Hindi ko pa rin nahahanap si Bunsoy. Hindi ko na natatandaan ang mukha niya. Pero yung bracelet. Sana nasa kanya pa rin yun." Tiningnan ko ang bracelet na nasa kamay ko. "Tingnan mo. Sinuot ko ulit. Mabuti na lang kasya pa." Napabuntong hininga ako bago ulit nagsalita.

"Sorry kung hindi ako nakapunta noon. Hindi ko kasi kaya na makita kang nakapikit-habang buhay nang nakapikit. I'm not strong enough to face and accept the reality na iniwan mo na ako. Nang mawala ka, nawala rin si Bunsoy. Hindi na siya pumupunta sa hospital. Ang sabi, magaling na raw yung kapatid niya na lagi niyang dinadalaw at nakalabas na ito ng hospital. Pero sana man lang nagpaalam siya. Sana sinabi niya yung totoong pangalan niya. Paano ko siya mahahanap kung kilala ko lang siya sa pangalang bunsoy.

Nakakatawa nga, hanggang ngayon ay bunsoy pa rin ang tawag ko sa kanya kahit alam ko naman na mas matanda siya sa akin. Ilang taon na kaya siya ngayon? Pati edad niya ay hindi ko rin naitanong. Ako kasi ay 18 years old na. Ngunit ako pa rin ito-ang bunso niyo." Napangiti ako. Bunso talaga ang turing nila sa akin dahil nga sa mas bata ako sa kanila.

"Alam ko kuya, siya ang huling gusto mong makita? Kaya hinahanap ko siya. Gusto ko malaman niya na wala ka na. Na iniwan mo na kami."

Pinunasan ko ang mga luha na tumulo sa mga mata ko gamit ang aking mga daliri. Nakangiting hinaplos ko ang lapida ng lalaking una kong naging kaibigan.

Nakilala ko si Kuya Jeroe at si bunsoy nung magwawalong taong gulang pa lang ako. Pabalik-balik din ako nun sa hospital dahil sa sakit ko. Una kong naging kaibigan si Kuya Jeroe dahil lagi kaming nagkikita sa hospital. Yung unang pagkikita namin ay yung nabangga ko siya dahil tumatakbo ako nun palabas ng hospital. Takot kasi ako sa karayom. Nagsasawa at nadidiri na rin ako sa gamot na lagi na lang ipinapainom sa akin. Nahihilo na rin ako sa amoy ng hospistal.

Tinulungan ako ni kuya Jeroe na harapin ang katotohanang may sakit ako. Tinulungan niya akong tanggapin na kailangan ko ang mga gamot na iniiwasan ko para patuloy na mabuhay. Magkapareho kami ng sakit ni kuya. Ang pinagkaiba lang siguro namin matapang siya, ako naman ay mahina. At dahil sa tapang na yun kaya siya namatay.

Nakilala namin si Bunsoy, na lagi rin nasa hospital dahil sa kapatid nito na may sakit. Naging matalik na magkaibigan kaming tatlo. Dalawang buwan kaming naging magkaibigan. Sa loob ng dalawang buwan naging magkapatid na ang turingan namin. Kapag kasama ko sila nakakalimutan ko na may sakit ako.

Hindi ko maiwasang maalala ang mga kulitan namin noon.

"Friends Forever?"

Ang nakangiti kong tanong sa kanilang dalawa. May bracelet kaming hawak. Bago nila isinuot ang bracelet sa kamay nila ay masaya silang sumagot sa tanong ko.

"Forever and ever."

And I thought it was forever. Pero hindi eh! Dahil sabay silang nawala sa akin.

Tama sila. Hindi dapat ako naniniwala sa Forever. Dahil sa katulad ko na may sakit. Sa katulad kong naghihintay kung kailan tuluyan manghina ang katawan ko. Yung Forever? isang salita lamang sa akin na kailan man hindi magkakatotoo.

Forever is just a word.

Isang salitang mahirap paniwalaan pero maraming umaasa. Madalas ginagamit kaya maraming umaasa't nasasaktan.

Tumingala ako sa langit. Napansin kong dumidilim na pala. Lumalamig na rin ang paligid dahil sa hangin.

"Bunsoy? Naaalala mo pa kaya kami? Naaalala mo pa kaya yung pangako mo sa akin?"

"Wag kang mag-alala. Ako yung magiging Super hero mo. Nandito lang ako bunso."

Ang sabi niya sa 'kin. Pilit niya akong pinapakalma dahil iyak ako nang iyak. Sinugod kasi sa emergency room si kuya Jeroe dahil lagi itong sumusuka ng dugo.

"Si kuya Jeroe. Hindi naman siya mawawala eh! Siya lang ang gusto ko maging Super Hero. Siya lang!"

"Ssshhh.. Eh di kaming dalawa ang magiging Super Hero mo. Basta nandito lang ako para sa 'yo."

"Pero bigla kang nawala." Tumingin ulit ako sa lapida. "Kuya, kailangan ko nang umalis. Baka hinahanap na ako nila Papa. Gusto kong malaman mo na malakas pa rin yung katawan ko. Matagal pa siguro ako kukunin ni Lord." Tumayo ako. "Paalam kuya. Dadalawin ulit kita. At pangako, hahanapin ko si bunsoy bago ako mawala sa mundong 'to." Tumitig muna ako sandali sa puntod ng unang lalaking naging kaibigan ko. Sa unang lalaking nagbigay sa akin ng lakas para labanan ang sakit ko.

Paalam, Kuya Jeroe.

Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad. Pero hindi pa man ako nakakalayo ay napahinto ako nang mapansin ang lalaking makakasalubong ko.

Anong ginagawa niya dito?

Napahinto rin siya at tumingin sa 'king mga mata. May iba sa mga tingin niya. Parang may gusto siyang sabihin.

"Anong ginagawa mo dito? Sinusundan mo ba ako?"

Ang tanong ko sa kanya. Ngumiti lang siya at ginulo ang buhok ko.

"Bakit naman kita susundan? Ikaw, Anong ginagawa mo dito? Gumagabi na, ha? Bakit nandito ka pa?" Ang balik niyang tanong sa akin.

"May dinalaw lang ako. Pauwi na nga ako."

"Ganun ba? Sige na, umuwi ka na bago ka pa gabihin sa daan." May pag-aalala sa boses nito. Ngumiti ako sa kanya at tumango.

"Bye.."

Hahakbang na sana ako nang bigla niya akong hawakan sa kamay at yakapin. Pakiramdam ko biglang lumaki ang mga mata ko dahil sa bigla. Napansin ko pa ang pagbuntong hininga niya bago siya nagsalita.

"Namiss kita." Halos pabulong niyang sabi. Hinalikan niya pa ako sa noo bago niya ako binitiwan sa pagkakayakap.

Tumingin ako sa kanya ng may pagtatanong sa aking mga mata. Pero ngumiti lang siya sa akin at ginulo ulit ang aking buhok.

"Sige na. Umuwi ka na. Sementeryo 'to, baka makakita ka pa ng multo rito." Nakangiting sabi niya. Bigla tuloy nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan. Yung totoo, takot ako sa multo.

Tumango lang ako at tinalikuran siya. May gusto sana akong itanong sa kanya pero hindi ko na lang itinuloy. Naglakad ako na may gumugulo sa aking isipan.

Kuya Jeroe, tama ba 'tong nararamdaman ko? Siya ba? Siya ba si Bunsoy?

Si Sir Lucas ba? Si Lucas ba si Bunsoy??

---------

Twisted RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon