Chapter 10: An Invisible Enemy (Ang Hindi Makitang Kalaban)

Magsimula sa umpisa
                                    

"Pupunta ka sa subastahan.Magbabantay kami sa paligid," sagot naman ng kanyang ama. Bago naman umalis ang dalaga ay tumingin muna siya sa nakatalikod na ama. Ngumiti muna ito at saka naglakad palayo.

_________________________________

"Sigurado na po ba kayo dito Master? Hindi pa magaling ang sugat ninyo," wika ni Brigand. Patuloy naman sa pag-aasikaso sa kanyang mga susuotin si Dylan. Tumingin lamang siya sa kanyang butler at ngumiti.

"Ang mga librong isusubasta ngayong gabi sa PICC ay ang mga libro na matagal nang hinahanap ni lolo. Ang mga librong iyon ay mahalaga sa kanya. Kailangan ko iyong makuha Brigand," sagot naman ng binata. Lalo namang nag-alala si Brigand sa kanyang sinabi ngunit alam niyang kapag nagdesisyon na si Dylan ay hindi na niya ito mapipigilan.

"Kung iyon po ang gusto niyo Master.Ipahahanda ko na po ang inyong sasakyan," sagot ng matandang butler.

"Brigand," wika ni Dylan. Aalis na sana noon ang matandang butler ngunit muli siyang napatingin sa kanyang amo.

"Tayo lang dalawa ang kailangang pumunta. Hindi ko na kailangan ng bantay. Hayaan mo lang silang magpahinga dito," sagot ng binata. Agad namang humarap si Brigand at yumuko sa kanyang harap. Lumabas din siya ng kwartong iyon pagkatapos. Mula naman sa kwartong iyon ay tinitigan ni Dylan ang painting ng itinuring niyang ama. Sa gitna ng lahat ng kagamitan at sa itaas ng mesa iyon nakasabit. Sinubukan niyang itayo ang kanyang sarili upang abutin ang kahoy na tungkot na may ginintuang palamuti upang makalakad siya ng maayos. Lumapit siya sa malaking painting na iyon. Ngumiti siya at tila sinundan ng kanyang mga mata ang magarang suot ng kanyang amain. Nakatayo at tila makapangyarihan ang postura ng kanyang ama sa painting na iyon. Hawak niya ang kanyang baston na hawak din ni Dylan sa pagkakataong iyon. Nakasuot siya ng magarang coat at ang kanyang buhok ay maayos na sinuklay. Madilim ang likuran sa painting na iyon at makikita ang ilang mga laruan na nakakalat sa kanang banda nito kung saan siya nakatalikod. Naalala niya noong mga panahong ipinipinta pa ng pintor ang obra na iyon. Naaalala niya ang paglalaro niya habang ang kanyang ama ay nakatayo sa kanyang gilid. Tila naiinis ang kanyang amain sa kanya dahil sa kanyang kalikutan ngunit hindi naman siya maaaring gumalaw dahil maaaring mabago o hindi niya maging kamukha ang painting na iyon. Tila natatawa naman ang pintor, nakaisip siya ng paraan at inilagay na lamang ang mga laruan sa gilid ng kanyang lolo. Hindi naman iyon nagustuhan ni James Ford. Kaya't nagpapinta ulit ito ng panibago sa pintor. Iyon ang dahilan kung bakit nakasabit ang painting na iyon sa kanyang kwarto. Ang panibagong painting naman ay nakasabit sa malaking hall ng mansyon kung saan makikita ang magarang hagdan na naghihiwalay sa bukana paitaas.

Ang ngiti ni Dylan ay muling napalitan ng lungkot. Napailing na lamang siya at sinubukang iiwas ang tingin sa painting ng kanyang itinuturing na ama at lolo. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay at hinimas ang gilid ng painting. Isang boton ang nakatago sa likod ng painting na iyon. Agad niyang pinindot ang boton na iyon. Mula naman sa kanyang likuran ay gumalaw ang pinagpapatungan ng isang puting ceramic vase kung saan nakatanim ang isang nalalanta nang rosas. Ang kahoy na sahig naman na iyon ay tila nagkaroon ng hati na pabilog. Dahan-dahan nitong ibinaba ang malapad na poste kung saan nakapatong ang vase at matapos ang ilang segundo ay nagkaroon na ng butas sa sahig. Paika-ika naman siyang pumunta sa butas na iyon. Isang hagdan ang kanyang tinahak pababa. Paikot ang porma ng hagdan na iyon at madilim sa kanyang binababaan. Nang makababa siya sa pinakailalim ay isang kahoy na pinto ang tumambad sa kanya. Nasa likuran niya naman ang malapad na poste na pinapatungan ng ceramic vase. Agad niyang itinaas ang kanyang tungkod at ihinarap ang mga mata ng leon na palamuti nito. Isang kulay pulang scanner naman ang naglabas ng ilaw at tinutukan ang mga mata ng leon. Matapos noon ay bumukas na ang pinto pagilid. Agad siyang pumasok sa madilim na kwartong iyon ngunit nang ilapag niya ang kanyang paa sa tila tiles na sahig ay bumukas naman ang mga ilaw.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon