Pangitain

4K 95 3
                                    

PANGITAIN



Pangkaraniwan na sa lahat ng tao ang dalawin ng panaginip sa kanilang pagtulog. Sinasabing ito ang paraan upang makatakas ka sa reyalidad at pansamantalang namnamin ang ninanais na pangarap. Ang ilan ay inihahalintulad ang paanginip sa bagay na mahirap abutin, isang tala na imopsibleng nakawin.

Pero ibahan niyo ako, dahil sa daan-daan kong panaginip, may iisa silang pagkakahalintulad.

Ang lalaking iyon... Ang lalaking iyon na hindi ko man lang kilala. Ang lalaking iyon na hindi ko pa nakikita sa reyalidad. Ang lalaking iyon na laging nagpapakita sa aking panaginip at lagi akong pinagmamasdan. Ang lalaking iyon na sa panaginip ko lang nakilala.

Umaga ng ikatlong araw ng Agosto, kasalukuyang taon, dumalaw na naman ang lalaking iyon sa aking panaginip. Hindi ko tuloy mawari kung ano ang gusto niyang ipahiwatig, isang pangarap o isang babala. Medyo nasanay na rin siguro akong makita siya sa aking mga panaginip.

Bumaba ako mula sa aking kwarto na nangungusot pa ang mga mata, bagsak ang mga balikat at parang bata na ninakawan ng tulog. Nadatnan ko naman si Mama na naghahanda ng makakain para sa almusal sa hapag.

"Magandang umaga, Wilma," bati niya sa akin. Napansin kong nangunot ang kanyang noo nang makita ang itsura ko. "Nakatulog ka ba nang maayos? Bakit bagsak ang mga mata mo?" nag-aalala niyang sabi.

Inusog ko ang upuan at saka naupo sa harapan ng hapag. "Nanaginip na naman po kasi ako," magalang kong sagot at saka kumuha ng plato.

"'Yong lalaki na naman bang laging nadalaw sa panaginip mo?" Napatango ako sa tanong niya. "May pagbabago ba?"

Sandali akong napaisip at inalala ang kaninang panaginip. Nakapagtatakang lagi sa aking panaginip, malabo ang tagpuan at maging ang tauhan. Ang tanging malinaw lang ay ang liwanag na kulay asul at pula, ang pulang likido sa aking paanan at ang lalaking iyon na hindi ko pa rin kilala.

"Palapit na siya nang palapit sa akin," sagot ko sa kanyang tanong na may pagtataka. "Mas malapit na siya kaysa mga naunang panaginip."

Natahimik si Mama at saka ngumisi. "Aminin mo, baka siya na ang mapapangasawa mo?" pagbibiro niya na sinabayan niya ng pagsundot sa aking tagiliran.

Napaliyad naman ako sa ginawa niya. "Mama naman!" natatawa kong sabi sa kanyang biro. Napailing na lang ako at saka nagsalok ng pagkain sa aking plato. "Pero hindi ko pa rin mawari kung bakit lagi siyang nasa panaginip ko. Ano kayang gusto niyang ipahiwatig?" nagtataka kong sabi kay Mama.

"Hindi natin alam," aniya at saka nagkibit-balikat. "O siya! Bilisan mo na ang pagkain. Baka ma-late ka pa n'yan sa klase mo," saad niya na agad ko namang sinunod matapos makitang alas siete y media na.

Dahil sa medyo nagmamadali na ako, patakbo akong pumunta sa sakayan. Nasa looban kasi ng subdivision ang bahay namin kaya kinakailangan mo talagang maglakad hanggang sa labasan para lamang makasakay.

Sa aking paglalakad, hindi ko namalayan ang isang lalaki sa aking harapan. Nabangga ko ang kanyang balikat na nagdahilan para bumagsak ang bitbit kong libro.

"Sorry," sambit niya nang yumuko siya para kunin ang aking libro. Nakasumbrero siyang itim na halos takluban ang kabuuan ng kanyang mukha. Sinubukan kong sulyapan ang kanya mismong itsura pero tila yata'y mas lalo niyang iniyuko ang kanyang ulo para hindi ko makita.

"Ayos lang," tugon ko at saka mabilis din siyang umalis sa aking harapan nang walang anu-ano. Nakaramdam ako ng kakaiba sa lalaking iyon. Hindi ko mawari kung ano iyon pero tila mabigat sa pakiramdam.

Alas Tres ng Madaling Araw (Compilation of Short Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon