Bakasyon (Part 1)

11.7K 270 73
                                    

"Alam mo ba kung bakit ka nilalamig?" Huminto siya saglit bago ulit nagsimulang magsalita. "Dahil nakasampa siya sa likuran mo."

***

Tradisyon na sa pamilya namin ang magbakasyon sa Tagaytay tuwing summer. Bukod kasi sa doon kami nakatira nang bata pa ako, panahon rin ang summer para magpahinga at magsariwa.

Pero hindi ko inaasahan na kakaibang bakasyon pala ang dadanasin ko, isang malagim at nakakakilabot na karanasan na hindi ko makakalimutan.

Naisipan namin na sa madaling-araw na lang bumyahe para masulit ang dalawang linggong bakasyon. Para pagdating namin doon ay pupwede na kaagad mamasyal. Alas-tres nang magsimula kaming bumyahe mula Maynila.

Umidlip na muna ako sandali para makabawi-bawi ng tulog at lakas. Nasa bandang Cavite na kami nang biglang tumigil ang sasakyan. Papikit-pikit pa ako ng mga mata nang mga sandaling 'yon, pilit tinitingnan nang maayos ang paligid.

"Bakit tayo huminto?" tanong ni Mama kay Papa na siyang nagmamaneho.

Hindi naman maipinta ang itsura ni Papa na parang hindi mapakali sa isang tabi. "Naiihi lang ako," ani Papa. Sabay naman kaming napakamot ng ulo ni Mama at saka natawa. Si papa talaga, laging joketime.

Habang hinihintay ko si Papa sa loob ng sasakyan, iginala ko ang mata ko sa paligid. Ngayon ko lang napansin na hindi pamilyar sa akin ang dinaanan namin. Naliligiran kasi ng matatayog na mga puno ang paligid at wala kang makikitang bangin. Sa tagal kong bumabyahe sa Tagaytay, nakabisado ko na ang ruta nito kaya alam ko kung may pagbabago ba.

"Ma, nasaan po tayo?" tanong ko kay Mama.

"Shortcut daw sabi ng Papa mo para mas mabilis," sagot naman niya. Napatango na lang ako.

Binalik ko na lang ang tingin ko sa labas. Unti-unti ng nag-aagaw ang dilim at liwanag sa kalangitan. Napatingin tuloy ako sa relo ko at napansing mag-aala sais na nang umaga.

Sumandal ako sa bintana ng sasakyan. Biglang naagaw ang atensyon ko ng isang bata na nakadungaw mula sa puno. Halos maningkit tuloy ang mata ko para makasigurado kung bata ba talaga ang nakikita ko. Nasiguro ko na bata iyon nang bigla itong umiwas at nagtago sa puno.

Inabangan ko kung magpapakita pa ulit siya pero nakarinig lang ako ng mahihinang kaluskos. Palapit nang palapit iyon sa pwesto ko. Napapalunok ako ng laway dahil sa takot. Nakayukom ang mga palad ko na bumabaluktot sa hilakbot.

"Bulaga!" Halos mapabalikwas ako nang biglang sumulpot si Papa sa bintana. Tumilapon ako sa kabilang gilid ng backseat. Sapo-sapo ko pa ang puso ko na ngayon ay sobrang bilis ng tibok.

"Papa naman, e!" inis kong sabi. Narinig ko pa ang malakas niyang tawa. Humalukipkip ako sa sobrang pagkainis. Napansin naman ni Papa ang pagkainis ko kaya agad din siyang humingi ng paumanhin.

Pinilit ko na lang ang sarili kong ngumiti kahit na sa loob-loob ko ay may pagkainis pa rin ako. Nang nagsimulang paandarin ulit ang makina ng sasakyan, tila kakaibang lamig ang tumabi at humaplos sa aking katawan. Awtomatiko namang nagtaasan ang aking mga balahibo sa katawan.

"Ayos ka lang ba, Michelle?" nag-aalalang tanong sa akin ni Mama. Napansin niya sigurong kinakabahan ako.

"A-ayos lang po ako," pagsisinungaling ko.

"Hayaan mo. Lagot sa atin si Papa mo pagkauwi natin," nakangiti niyang sabi. Gusto ko sanang sabihin na may kakaiba akong nararamdaman pero marahil ay hindi nila ako paniwalaan.

Unti-unti kong nararamdaman ang pag-akyat ng kakaibang lamig sa aking katawan. Hindi ko maikilos ang buo kong sistema. Nanunuot ang lamig hanggang sa aking mga laman.

Alas Tres ng Madaling Araw (Compilation of Short Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon