Bakasyon (Part 2)

7.9K 303 40
                                    

Tulad nga ng sabi ni Papa, umalis kaagad kami para mamasyal upang masulit ang dalawang linggong bakasyon. Pumunta kami sa Palace in the Sky na taon-taon naming dinadalaw dahil sa birhen na nasa taas nito. Hindi na sa amin sumama si Lola dahil baka makaabala raw siya dahil may akay-akay pa kaming matanda.

Hindi ganoon kalamig ang klima roon kung ikukumpara sa huli naming punta roon. Pero hindi naman 'yon ang ipinunta ko talaga roon kundi ang magandang tanawin nito sa ibaba. Kitang-kita kasi ang malawak nitong nasasakupan mula sa taas.

Bumuntong-hininga ako at saka ibinuka ang dalawang kamay.

"Hindi ka pa ba nagugutom?" tanong sa akin ni Mama.

Pinakiramdaman ko ang tiyan ko - may mga leon na naglalaban sa loob nito. Tumango na ako kay Mama. Bumaba kami para pumunta sa mga kainan sa mismo ring loob ng Palace in the Sky.

Pumunta muna ako sa isang tindahan para bumili ng maiinom. Nakangiti naman sa akin ang tindero ng lumapit ako sa kanya. "Isa nga pong bote ng tubig," sabi ko.

"Hindi mo ba bibilhan iyang kasama mo?" tanong niya at saka itinuro ang likod ko.

Agad naman akong kinilabutan sa sinabi niya. Ako lang kasi ang mag-isa kaya hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya. Pakiramdam ko tuloy ay may kung anong bagay ang kumakapit sa akin. Mabilis na akong napa-paranoid sa mga simpleng bagay.

"Miss?" interapa sa akin ng tindero. Nagtataka ang itsura niya. Pinilit kong gumuhit ng ngiti upang hindi niya mapansin. Nanginginig kong iniabot sa kanya ang pera.

"I-isa l-lang po," saad ko.

Matapos 'yon ay inaya ko ng umuwi sila Mama. Hindi na rin kasi maganda ang pakiramdam ko. Gulong-gulo na ang isipan ko. Nakakapagtaka lang na napuno ng kababalaghan ang buong araw ko.

Bagsak akong napahiga sa kama dahil sa grabeng pagod nang marating namin ang bahay. Nananakit na rin kasi ang likod ko dahil sa matinding lamig. Ipinikit ko sandali ang mga mata ko. Hindi ko namalayan na madali pala akong nakaidlip.

Nang bandang alas-tres na, nagising ako dahil sa sobrang lamig. Inabot ko ang electric fan at pinatay iyon pero ganoon pa rin ang nararamdaman kong lamig. Nangangatog na ako sa sobrang ginaw. Namamaluktot ako sa kama ko habang patong-patong ang ginawa kong kumot sa katawan.

Hinahagkan ako ng lamig na iyon na nanunuot hanggang sa aking buto. Naginginig na ang buo kong kalamnan.

"Sama ka sa akin..." Halos panawan ako ng ulirat nang marinig iyon. Boses iyon ng isang bata pero tila ume-eko ang boses nito na parang sa dram.

Hindi ko magawang lingonin ang pinanggalingan ng boses sa takot na makakita ng hindi kanais-nais. Itinanday nito ang kanyang kamay sa katawan ko at saka isinilid ang ulo sa likod ko kaya ramdam ko ang kanyang paghinga.

Natatakot na talaga ako. Unti-unting tumutulo na rin ang luha ko sa mata. Ano'ng gagawin ko? Hindi ko na maramdaman ang katawan ko dahil sa sobrang pamamanhid.

"Sama ka sa akin..." pag-uulit nito pero may diin na. Ano bang ibig nitong sabihin na samahan ko siya? Samahan sa mundo niya? Sa mundo ng patay? Hindi maaari!

Nararamdaman ko na lang na pumapaibabaw na siya sa akin. Ramdam ko ang ilang hibla ng kanyang buhok na tumatama sa aking balat na nagpapatayo ng aking balahibo. Kagat-kagat ko ang labi ko dahil sa sobrang pagkatakot.

Mariin kong ipinikit ang mata ko para hindi makita ang kanyang mukha. Ramdam ko pa rin ang pagdagan niya sa akin. Hinaplos niya ang aking mukha. Narinig ko pa ang matitinis niyang paghagikhik na tila tuwang-tuwa sa kanyang ginagawa.

"Uwi na tayo, Ate." Naidilat ko ang mata ko nang tawagin niya akong ate. Pero awtomatiko rin akong napasigaw dahil sa hilakbot nang makita ko ang itsura niya. Magulo ang maikli nitong buhok at puno ng putik ang buong katawan. Purong itim din ang maliliit nitong mga mata.

Alas Tres ng Madaling Araw (Compilation of Short Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon