"Car accident. High school noon si Paul nang regaluhan siya ng mag-asawa ng bagong sasakyan. Halos perpekto ang pamilya nila. Kahit napakadami ng trabaho ni Alex, mayroon at mayroon pa rin siyang oras para sa mag-ina niya. Si Miandra naman halos nakikita ko na sa kanya lahat ng katangian ng isang maganda at mabuting asawa't ina."

Iniimagine ko ang itsura nina Sir Alexander at Ma'am Miandra. Siguro gwapo't maganda talaga sila. Halos perpekto rin ang bunga nila eh .

"Hanggang isang araw, gaya ng nakaugalian ng tatlo, umalis sila para kumain sa labas. Si Paul ang pinagdrive ni Alex at iyong sasakyan na niregalo nila ang gamit nila pag-alis. Nagulat na lang kami nang may tumawag dito sa bahay at sinabing nasa ospital sila."

Natahimik ako habang pinagpatuloy ni Manang ang kwento niya.

"Dead on arrival sina Alex at Miandra. Naging kritikal din si Paul noon at sa awa ng Diyos ay nakaligtas siya. Hindi namin ipinalibing sina Alex hangga't hindi pa nagigising si Paul. Nang nagising siya at nakita ang magulang niya, iyon ang pinakamasakit na alaalang hindi ko makakalimutan. Nakita ko kung paano naguho ang mundo ni Paul."

Hinimas-himas ko ang likod ni Manang dahil tuluyan na siyang umiyak. Kahit naman ako eh. Naririnig ko pa lang ang nangyari, tumataas na lahat ng balahibo ko.

Alam ko rin pakiramdam kung paano mawalan ng magulang.

"Hindi naman ho siguro kasalanan ni Sir Paul ang nangyari. Hindi ho ba, manang?"

"Oo, lumabas ang katotohanan na sinadya at plinano ang aksidente. Mga kalaban sa negosyo ni Alex ang may pakana. Pero si Paul, sinisi niya ang sarili niya sa pagkamatay ng magulang niya dahil siya raw ang nagmamaneho noong gabing iyon. Unti-unti, nawala na ang Paul na nakita kong lumaki. Labis din ang trauma niya sa pagmamaneho kaya hanggang ngayon ay hindi siya nawawalan ng driver."

"Paano po unti-unting nakabangon si sir?"

"Sobra ang pinagdaanan ng batang iyon. Sa pagkawala nina Alex, sunud-sunod na halos muntik magsara ang mga negosyo nila at ang kompanya pero binuhay uli iyon ni Paul. Hindi naman nawala sa tabi niya ng mga panahong iyon ang ninong ni Paul. Siya ang umalalay kay Paul sa pagbangon ulit ng naiwan ng magulang niya."

"Naiintindihan ko na kung bakit masungit iyon."

Ngumiti lang sa akin si manang.

"Akala ko noon pati itong bahay mawawala kay Paul. Kinuha na ito ng bangko noon."

"Talaga po?"

"Oo, pero tinulungan si Paul ng ninong niya. Ang ninong niya ang bumili ng bahay sa bangko at ibinalik niya uli ang pangalan kay Paul."

"Grabe! Ang bait naman po niya. Sa panahon ngayon ay puro may hinihinging kapalit na ang mga tao sa tulong na ibinibigay nila."

"Malaki rin daw kasi ang utang na loob niya sa tatay ni Paul at matalik din na magkaibigan sila ni Alex. Halos dikit na nga ang bituka ng dalawang iyon noon pa."

"Maswerte pa rin po si Sir Paul kasi hindi siya pinabayaan ni Lord. Sigurado pong may rason kung bakit nangyari iyon at nakaligtas siya."

Ngumiti at napatango naman si manang sa sinabi ko.

"Matanong ko nga, hija, paano ka natanggap na papalit kay Kaloy?"

At ako naman ang nagkwento kay Manang kung anong nangyari. Nakwento ko na rin ang mga nangyari pagkababa ko pa lang ng barko na sinakyan ko papunta rito sa Maynila.

Hindi ko muna sinabi ang totoong dahilan kung bakit nga ba ako napadpad dito.

Natatawa naman si Manang.

"Pero sigurado ka bang pagiging driver ang gusto mong trabaho?"

"Bakit naman po, manang? Okay lang naman po. Sa ngayon, kailangan ko lang din muna po ng matutuluyan at trabaho na rin."

"Ang ganda-ganda mo kasing bata. Kaya nga nagtataka ako noong sinabi mo kahapon na mag-aapply ka bilang driver."

"Ay si Manang naman oh. Ako maganda? Marami nga pong nagsasabi. Biro lang po, manang. Safe naman po ako magmaneho at saka marami naman din po akong alam sa sasakyan dahil laking talyer din naman po ako."

"Talyer?"

"Opo, may talyer po kasi ang magulang ng best friend at kababata ko na rin po. Doon po kasi ako lumaki kasama nila pati na po ang Mama ko. Best friend din po kasi ni Mama ang magulang ng kababata ko kaya para na po kaming magkapatid."

"Panglalaki ang talyer ah."

"Oo nga po eh. Kaya nga ho medyo may pagkakilos lalaki rin ako minsan kung gumalaw. Lumaki po kasi ako na halos puro mga lalaki at pag-aayos ng sasakyan ang nasa paligid ko."

"Pero alam mo, noong una kitang nakita may naalala ako bigla."

"Ano po iyon?" Kunot-noo kong tanong.

"May kahawig ka kasi... parang 'yung anak ng ninong ni Paul."

"Ano po ang pangalan?"

"Ahh... si------"

Hindi na natuloy ni manang ang sinasabi niya dahil biglang may nagdoorbell.

His Personal DriverWhere stories live. Discover now