26. The Statue

Magsimula sa umpisa
                                    

"Mwaaaaaaaarh!!!!..."

Muli itong naghanda sa pagsugod kay Mikee dahil hawak nito ang balat. Naghanda naman ang huli pero nang iumang nito ang apoy ng kandila ay mabilis na kumapit ang tiyanak sa balikat ni Rey na katabi ni Mikee. Nabitawan ni Rey ang hawak niyang kandelabra dahil pinipigilan niya ang tiyanak na makagat nito ang kanyang leeg. Malakas ito dahil naitutulak siya nito kahit na maliit. Tuluyan na silang napunta ng tiyanak sa may kusina. Natumba pa siya malapit sa mesa pero nanatiling nakahawak ang kanyang kaliwang-kamay sa batok ng maligno. Napasunod agad sina Grimm at ang iba pa.

"Bitawan mo siya kung ayaw mong masunog ang balat mo!" banta ni Mikee.

Napatingin ang tiyanak sa kanya at walang-alilangan niyang idinantay ang balat nito sa apoy ng kandilang hawak niya. Nasunog ang dulo ng balat.

"Grrrrr!!!!!..."

Kumalas ito sa pagkakakapit kay Rey pero hindi binitiwan ng huli ang batok nito. Agad na lumapit sina Rodel at Ricky kay Rey. Hiwakan din nila ang tiyanak para pigilan ang paggalaw nito. Agad namang naghanap ng mapagkukulungan sa tiyanak si Salv hanggang sa mahagip ng kanyang mga mata ang isang malaki at lumang kaldero. Agad niyang kinuha iyon at binuksan ang takip.

"Ilagay niyo siya dito!"

Tulong-tulong na inilagay doon ng kanyang mga kaibigan ang tiyanak sa loob ng kaldero. Pumapalag ang tiyanak sa loob ng malaking kaldero kaya tulong-tulong sina Salv, Ricky, Rodel at Rey sa paghawak ng mariin sa takip. Malakas kasi ang maligno. Nakita naman ni Grimm ang isang lumang lutuan na gawa sa bato. Isang ideya ang naisip niya. Mabilis siyang nagbakbak ng mga lumang kahoy na nasa paligid at agad na inayos ang mga iyon bilang panggatong.

"Ilagay niyo na dito sa lutuan ang kaldero at Mikee, gamitin mo ang balat ng tiyanak para paninggasin ang mga kahoy!"

"Okay!"

Tulong-tulong na ipinatong nina Rodel, Ricky, Rey at Salv ang kaldero sa lumang lutuan at nanatili ang kanilang mga kamay sa takip para hindi makawala ang tiyanak. Dahil sa luma na ang mga kahoy ay madali naman iyong napaninggas ni Mikee gamit ang balat ng tiyanak. Tuluyan na niya iyong sinunog kasama ng mga kahoy at ginawang panggatong. Malakas na gumagalaw ang takip ng kaldero. Nanlalaban pa rin ang tiyanak at naririnig nilang lahat ang nakakakilabot nitong sigaw. Mas nagdagdag ng kahoy na panggatong sina Mikee at Grimm. Mas lumakas ang apoy. Ilang sandali pa ay wala nang anumang pagkilos sa loob ng malaking kaldero. Wala nang gumagalaw at wala nang sumisigaw ng nakakakilabot.

Nakahinga ng maluwag ang lahat at nanghihinang napaupo sa lumang sahig. Nanatili ang kaldero sa lutuan at malakas pa rin ang apoy doon.

"Grabe, hindi ko na alam kung nananaginip ako o ano. Alam niyo namang may phobia ako sa tiyanak pero hindi ko akalaing may makaka-engkuwentro tayo ngayon. Ang sama magbiro ng tadhana kasi nagpakuwento pa ako kanina kay Lola Epang. Ginawa ko lang naman iyon para malabanan ang phobia ko... Pero heto, nangyari ng literal..." humihingal na wika ni Rey.

Sinapo niya ang kanyang dibdib. Ang lakas ng tibok ng puso niya.

"Tama ka. Nakakatakot nga talaga ang mga tiyanak kahit na maliit lang sila. Ang bangis..." humihingal ding wika ni Salv.

Natawa naman ng mahina sina Ricky at Rodel pero hindi na nag-comment. Napangiti naman si Grimm sa kanyang mga kaibigan. Wala naman siyang masyadong ginawa. Tumila na ang ulan.

"Ang mabuti pa, umalis na tayo." wika niya.

"Sige."

Tumayo na silang lahat sa pagkakaupo. Pero napalunok si Salv at curious na napatingin sa malaking kaldero.

"Teka lang, curious lang ako."

Kumuha siya ng isang lumang basahan na nakasabit sa tabi. Lumapit siya sa kalderong nakasalang pa rin sa apoy. Pasimple niyang binuksan iyon at umalingasaw ang isang mabahong amoy ng kung anong sunog. Napangiwi siya ng makita niya ang itsura ng tiyanak sa loob ng kaldero. Mabilis niyang ibinalik ang takip at napatingin sa kanyang kaibigan.

"Anong itsura?" si Grimm.

"Naging uling!"

Dahil hindi nakuntento si Grimm sa sinabi ng kanyang kaibigan ay sinilip na rin niya ang loob ng kaldero. Maging siya ay napangiwi. Sunog na sunog ang tiyanak. Naging uling nga. Bago sila tuluyang lumabas sa loob ng mansion ay sinunog din nila ang estatwang naging tirahan ng tiyanak. Paglabas nila ay bumungad sa kanilang lahat ang napakakapal na putik na nilikha ng malakas na ulan.

"Paano na? Hindi kakayanin ng mga bike natin?" nag-aalalang wika ni Rodel.

Napakamot sa kanyang batok si Grimm.

"Ako na ang bahala. Gagawa ako ng tulay na madadaanan natin."

Naglakad siya pasulong at tinantya niya ang layo at lapad ng tulay na gagawin niya. Ilang beses siyang huminga.

"Creation..." mahina niyang wika.

Pagkatapos noon ay ikinuyom niya ng sabay ang kanyang mga kamao at bumuwelo siya. Pagkabuwelo ay sabay niyang binuksan ang kanyang mga palad at lumabas mula doon ang napakalamig na yelo. Napahanga ang mga kaibigan ni Grimm ng mabilis na mabuo ang isang napakagandang tulay na gawa sa makapal at solidong yelo. Matapos naman iyong gawin ni Grimm ay bigla siyang natumba pero nasalo siya ni Mikee.

"Ayos ka lang?"

"O-Oo... Pero nahihilo ako. Mahina pa ang katawan ko dahil sa bugbog eh..."

Humahanga namang napatingin ang mga Kuwarog Boys ni Grimm sa kanya.

"Astig ka pare!" di nakapagpigil na wika ni Ricky.

Bigla tuloy niyang natapik ng malakas sa likod si Grimm.

"Urgh! Buwiset ka! Ang sakit noon!"

Natigilan si Ricky at guilty na napatingin kay Grimm.

"S-Sorry!"

Nagtawanan ang lahat. Napailing na lang si Grimm sa kanyang mga kaibigan. Napatingin ang lahat sa yelong-tulay na ginawa ni Grimm. Kinuha na nila ang kanilang mga bisikleta. Inaalalayan naman ni Mikee si Grimm. Maglalakad na lang muna sila at sina Rey at Salv na ang bahala sa kanilang mga bike. Napangiti naman si Grimm sa kabila ng panghihina na kanyang nararamdaman. Kampante na siyang hindi basta mapapahamak ang kanyang mga kaibigan. Salamat talaga kay Werdong Pari. Hindi na siya magagalit sa ginawa nitong pagtuturo sa mga kaibigan niya dahil may maganda naman itong rason.

ESCAPE FROM HELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon